Home>Editorial>Miscellaneous>Dagdag-pasahero sa QC tricycle posible

Dagdag-pasahero sa QC tricycle posible

POSIBLE ng magdagdag ng pasahero ang mga tricycle sa Quezon City, ayon kay City Councilor Toto Medalla.

Sa isang interview, sinabi ni Medalla na nagawa na niya ang final draft ng ordinance at anumang araw sa susunod na linggo ay posibleng i-file nya na ito sa city council upang mabilis na mapag-usapan para sa decision at mapakinabangan agad ng mga driver at pasahero sa Quezon City.

Ayon pa kay Medalla, ang kanyang hakbang bilang transportation chairman ng city council ay kaalinsunod sa mga guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Forces na may kinalaman sa transportation.

Paliwanag pa ni Medalla sa weekly blog program ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LSCP), mananatili pa rin ang isang pasahero sa sidecar. Posibleng payagan ang dagdag na pasahero sa likod ng driver bilang backrider.

Tulad ng motorcycle apps na pinayagan na ring magsakay sa likuran, walang nakikitang dahilan si Medalla at Inton para hindi payagang magsakay ng pasahero sa likod ng mga tricycle drivers.

Idiniin din ni Medalla na sa kanyang ordinance na ay mahigpit pa rin ang pagpapatupad ng healthy protocols para sa safety ng driver at pasahero.

Ayon kay Medalla 20,000 Tricycle Operator Driver’s Associations-1 (TODA) members ang kasalukuyang bumibiyahe sa lungsod ng Quezon.

Sa hiwalay na interview, sinabi naman ni Jorge Alcantra, president ng TODA sa Maynila, na ang kanilang grupo na may 9,000 miyembro ay sang-ayon na sa panukala na magsakay na ng pasahero sa likod ng driver basta sundin lamang ang pagsusuot ng face mask, face shield, paglagay ng plastic separator at pagdala ng alcohol ang mga driver.

Umaasa sina Medalla, Inton at Alcantara na maipatutupad ng maayos ang panukalang dagdag pasahero sa tricycles.

Publication Source :    People's Tonight
Jun I. Legaspi
Reporter, People's Tonight