Home>Editorial>Miscellaneous>DSWD, pinaalalahan ang publiko na mag-ingat sa phone scam

DSWD, pinaalalahan ang publiko na mag-ingat sa phone scam

Pinapaalalahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko na maging maingat at huwag magpadala sa phone call mula sa indibidwal na nagpapanggap bilang empleyado ng departamento.

Nakatanggap ng mga ulat ang ahensya mula sa iba’t ibang tao kasama na ang mga miyembro ng media na may mga tawag sa kanila mula sa mga indibidwal na nagsasabing representative sila ng DSWD at hinihingi ang kanilang mga personal na impormasyon kapalit ng financial assistance.

Binibigyang-diin ng Ahensya na hindi ito manghihingi ng ganitong impormasyon alinsunod na rin sa Data Privacy Act of 2012 at handa itong gumawa ng aksyon at imbestigasyon ukol sa insidenteng ito.

Samantala, sinabi ng Ahensiya na sa kasalukuyan ay patuloy na ipinatutupad ng DSWD ang financial assistance kasama na ang pamamahagi ng food at non-food items sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa mga pamilya at indibiduwal na nasa kasalukuyang krisis. Ang AICS ay ibinibigay sa pamamagitan ng Crisis Intervention Unit na matatagpuan sa Central Office at sa lahat ng mgs DSWD Field Offices sa buong bansa. Ang mga binibigyan ng tulong ay dumadaan sa masusing assessment.

Para sa mga ganitong insidente, mangyari lamang na iparating sa DSWD Agency Operations Center sa pamamagitan ng 8888 hotline.