Home>Editorial>Miscellaneous>Hybrid handwashing facilities inilunsad ng Manila Water Foundation, P&G, JCI, QC LGU

Hybrid handwashing facilities inilunsad ng Manila Water Foundation, P&G, JCI, QC LGU

Maynilad
L-R: JCI QC Capitol Member CJ dela Cruz, MWF Executive Director, Reginald Andal, JCI QC Capitol Dean Prado, Mayor Joy Belmonte, MWC Senior Territory Manager Connie Lising, at DOH Health Promotion Officer Andrea Lee-Llacer

Sa piling super health centers, pampublikong lugar

SA pagtutulungan ng Manila Water Foundation (MWF), P&G Philippines, JCI Quezon City Capitol at lokal na pamahalaan ng Quezon City (QC), apat na bago at dalawang inayos na handwashing facilities ang itinayo sa piling super health centers at pampublikong lugar sa lungsod noong ika-4 ng Setyembre.

Ito ay nasa ilalim ng programang “WASH in Pandemic” ng Manila Water Foundation (MWF) na inilunsad noong Hunyo at naglalayong protektahan ang mga komunidad laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng mga proyektong nagsusulong ng karapatan sa malinis na tubig, ligtas na sanitasyon at tamang pangangalaga ng katawan gaya ng wastong paghuhugas ng mga kamay.

Sa tulong ng mga inhinyero mula sa Manila Water, dinisenyo ng MWF ang mga pasilidad na angkop sa kasalukuyang kondisyon. Ang mga gripo sa mga pasilidad na ito ay may isang metrong distansya sa pagitan bilang pagsunod sa physical distancing. Mayroon din itong kakaiba at “hybrid” na disenyo kung saan maaaring mabuksan ang gripo sa dalawang paraan: sa pamamagitan ng mga kamay o siko, o sa pag-apak sa foot pedal. Mayroon ding ramp at mas mababang lababo na angkop rin para sa may kapansanan at maliliit na bata.

Binigyang diin ni Mayor Joy Belmonte ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga ganitong pasilidad sa pagsunod ng mga pamantayang pangkalusugan upang malabanan ang COVID-19. “One of the most important—if not the most important—is washing of hands—good hygiene. [However,] so many of our communities and our people do not have access to clean water, with which to wash their hands. Kaya naman labis-labis ang pasasalamat ko, because—handwashing facilities—minsan hirap na hirap ang local government to provide this. With the help of Manila Water, we are able to provide this for our citizens,” aniya.

Ang mga pasilidad ay makikita at magagamit sa Quezon City Hall Complex: Talipapa, Civic Center, DPOS Building, Quezon City Memorial Circle Basketball Court, Kamuning Super Health Center, at Murphy Super Health Center. Kumpara sa mga pansamantalang pasilidad sa paghuhugas ng mga kamay, ang mga “hybrid” na pasilidad na ito ay nakakasigurong matibay at pangmatagalang magagamit ng mga naglalagi sa mga nasabing lugar.

Para sa karagdagang impormasyon o mga paraan para makatulong sa WASH in Pandemic program ng Manila Water Foundation, bisitahin ang www.manilawaterfoundation.org.