Home>Editorial>Miscellaneous>Manila Water pumirma ng kasunduan sa usufruct

Manila Water pumirma ng kasunduan sa usufruct

Para sa pagtatayo ng Hinulugang Taktak Sewage Treatment Plant

DENR
Makikita sa larawan sina (mula kaliwa) DENR Sec. Roy Cimatu, Manila Water CEO at President Jose Rene Almendras, Antipolo City Mayor Andrea Ynares, at Manila Water COO Abelardo Basilio, pakaraang lagdaan ang usufruct agreement.

HABANG mahigpit na pinatutupad ang mga protocols kaugnay ng COVID-19, isinagawa ng Manila Water ang ceremonial signing ng kasunduan sa usufruct para sa pagpapatayo ng Hinulugang Taktak Sewage Treatment Plant sa Lunsod ng Antipolo.

Kasama sa naturang paglalagda sina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu, Antipolo City Mayor Andrea B. Ynares, at sina Manila Water Chief Executive Officer at President Jose Rene D. Almendras, at Chief Operating Officer Abelardo P. Basilio.

Kinilala ni Ynares ang malaking tulong sa sanitasyon ng itatayong wastewater facility para sa kanyang mga nasasakupan at siniguro ang suporta ng kanyang opisina para sa proyektong ito.

Pinapurihan naman ni Sec. Cimatu ang pagtutulungan ng Manila Water at Lunsod ng Antipolo para sa proyektong ito at binigyang-diin ang kahalagahan ng public-private partnership tungo sa pangangalaga ng kalikasan, lalo na ng mga daluyang tubig. Nagpasalamat naman si Almendras kina Cimatu at Ynares, gayundin sa iba pang mga katuwang ng Manila Water sa gobyerno, para sa kanilang pakikiisa sa misyon ng kumpanyang makapagbigay ng serbisyong pang-alkantarilya sa kabuuan ng East Zone ng Metro Manila.

Bahagi ng Hinulugang Taktak Sewerage System Project ang pagtatayo ng Sewage Treatment Plant na may kapasidad na maglinis ng hanggang 16 milyong litro kada araw (MLD) ng wastewater at ang paglalatag ng 6 na kilometrong sewer network.

Makatutulong ang sewerage system na ito upang siguruhing malilinis ang wastewater mula sa mga kabahayan sa paligid bago ito ibalik sa Hinulugang Taktak Falls.

Ang pagsisimula ng konstruksyon ay magsisilbi ring malaking tulong sa pagpapabilis muli ng takbo ng ekonomiya ngayong nagsisimula nang muli ang mga proyekto sa imprastraktura. Sa pagtatapos ng proyekto, inaasahang makatutulong ang serbisyong pang-alkantrilyang ito sa panunumbalik ng dating ganda ng Hinulugang Taktak.

Ang Hinulugang Taktak Sewage Treatment Plant ay ang ikalima, at pinakamalaking, wastewater treatment facility na naitayo ng Manila Water sa Lalawigan ng Rizal. Ito ay karagdagan sa 41 treatment facility na naipatayo na at kasalukuyang pinapatakbo sa kabuuan ng East Zone. Sa pagtatapos ng proyekto, aabot na sa 426 MLD ang kabuuang wastewater treatment capacity ng Manila Water.

Kasalukuyan ding nasa pre-construction ang lima pang ibang mahahalagang proyektong imprastraktura para sa wastewater treatment sa loob ng concession area ng Manila Water.