Home>Editorial>Miscellaneous>MWF nagdala ng tulong sa Quezon sa gitna ni ‘Pepito’

MWF nagdala ng tulong sa Quezon sa gitna ni ‘Pepito’

KASABAY ng hagupit ng Bagyong Pepito sa lalawigan ng Quezon, agad na nagtungo ang Manila Water Foundation (MWF) sa lungsod ng Lucena noong ika-21 ng Oktubre upang magpadala ng dalawang trak ng maiinom na tubig at pagkain sa mahigit 7,000 naapektuhang mamamayan.

Ayon sa advisory noong ika-5 ng umaga, inilahad ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) unit ng Quezon na ang bagyo ay nasa lugar ng District 4. Kabilang dito ang mga bayan ng Atimonan, Plaridel, Gumaca, Lopez, Calauag at mga isla ng Alabat, Perez at Quezon. Mahigit 23,000 mamamayan ang naiulat na inilikas mula sa District 4 na naapektuhan ng matinding pagbabaha at pagguho ng lupa.

Mabilis na rumesponde sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng bagyo ang Manila Water Foundation, kung saan nagpadala ito ng 1,400 food packs, at mahigit 1,000 bote ng 500ml na maiinom na tubig. Ang mga donasyon ay ipamamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo na kasalukuyang namamalagi sa mga evacuation centers.

Para kay Provincial Adminstrator Roberto Gajo, malaking tulong ang mga donasyon para sa mga kababayang naapektuhan ng bagyo. “Lubos po kaming nagpapasalamat sa Manila Water Company sapagka’t—sa pamamagitan ng Manila Water Foundation—naipaabot po sa aming lalawigan ng Quezon ang mga pagkain at tubig para maipadala naman sa natin sa mga nangangailangan nating kababayan na naapektuhan ng baha dulot ng malakas na ulan at dalawang bagyo na dumaan sa ating lalawigan,” aniya.

Ang relief effort na ito ay bahagi ng programang Agapay na naglalayong magbigay ng agarang tulong sa mga naapektuhan ng sakuna mula sa mga kalamidad kagaya ng bagyo, baha, o lindol, at kaakibat ang Tanging Yaman Foundation, Inc. na namahala sa pag-aayos ng mga nasabing relief goods.

Bukod sa MWF, magpapadala rin ng relief packs at hygiene kits ang Ayala Group of Companies, sa pangunguna ng Ayala Foundation, para sa mga naapektuhang pamilya sa ika-24 ng Oktubre.