Home>Editorial>Miscellaneous>Operation ‘Shock and Awe’ ng NCRPO

Operation ‘Shock and Awe’ ng NCRPO

KUNG tutuusin, hindi pa pala tapos ang panganib na dinulot ng nakaraaang World War I at II dahil hanggang ngayon ay may banta pa rin sa buhay ng mamamayan ang mga hindi pumutok na bala ng kanyon at ang mga inihulog na bomba sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Dito nga lang sa Metro Manila, marami pa ring mga nakuhang hindi pumutok na bomba partikular sa mga lungsod ng Caloocan, Maynila at Quezon City na karamihan ay sa mga baybaying dagat, batay na rin sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Isa ito sa dahilan kaya’t inilunsad noong nakaraang taon ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) ng NCRPO ang operation “Shock and Awe” na sumasaklaw sa seguridad at kaligtasan, police visibility at puspusang pagbabantay na layuning hadlangan ang anumang banta ng terorismo sa Kamaynilaan.

Ang Operation Shock and Awe ay sinimulan ni NCRPO Director Maj. Gen. Debold Sinas noong siya pa ang Regional Director ng Police Regional Office 7 at inangkop ito ngayon ng NCRPO-EOD sa pamamagitan ng kanilang special reaction unit.

Labis ang naging papuri ni Gen. Sinas sa NCRPO-EOD lalu na’t hindi naman naging hadlang sa kanila ang pandemya ng COVID-19 upang paigtingin pa ang operasyon laban sa lahat ng uri ng krimen at pagbabantay sa mga mahahalagang lugar tulad ng LRT at MRT Stations, NAIA Terminal, bus terminals, mga pantalan, paaralan, simbahan at maging sa mga pribado at pampublikong mga tanggapan.

Sa katunayan mula nang ideklara ang lockdown noong Marso 15 hanggang sa kasalukuyan, nakapagsagawa ng kabuuang 10,968 na bilang ng operasyon ang NCRPO kung saan nakakuha sila ng iba’t-ibang uri ng mga hindi pumutok na bomba na umabot sa 67 na kinailangang paputukin sa lugar na hindi makakapinsala sa buhay at ari-arian.

Hindi naman ito magiging problema sa NCRPO-EOD dahil sa tulong ni Gen. Sinas, may makabago silang gamit na tinaguriang “Bomb Basket”, isang mobile equipment na may kakayahang mapigil ang pinsalang dulot ng gagawing pagpapasabog sa anumang uri ng bomba.

Bukod dito, mayroon na ring 40 K9 units ang EOD na itatalaga sa mga vital installations, kabilang ang apat na narcotics sniffing dogs, kaya’t hindi na nila kailangan pang umasa sa PDEA.

Ayon kay Gen. Sinas, kalahati ng kanilang K9 units ay ipinagkaloob ng kanilang counterpart sa Estados Unidos habang binili nila ang iba at ang ilan ay sila mismo ang nagpalahi.

Kaalinsabay ng papuri ni Gen. Sinas sa NCRPO-EOD, kumpiyansya siya na sa pamamagitan ng Operation Shock and Awe, higit pa nilang mapapanatiling ligtas sa anumang uri ng krimen at ilegal na droga ang Metro Manila lalu na’t seryoso sa kanilang pangako at dedikasyon ang kanyang mga tauhan.

Slot for sale

Patok na patok ngayon ang “slot for sale” sa mga emission testing center na napagkalooban ng akreditasyon ng Land Transportation Office (LTO) kaya’t tiba-tiba ang mga kasabuwat na fixers ng ilang operators at kanilang kawani na tumatayong pasimuno sa raket.

Dahil kakaunti lamang ang bilang ng mga emission testing center na napagkalooban ng akreditasyon, dinadagsa tuloy ito ng mga motoristang nagnanais ipa-renew and kanilang rehistro ng sasakyan.

Hindi na tuloy nasusunod ngayon ang social at physical distancing sa mga emission testing centers sanhi ng napakaraming tao na nagnanais mauna sa pila upang makakuha ng schedule ng pagpapa-emission test ng kanilang sasakyan.

Madaling araw pa lamang tulad dito sa Tayuman Street ay nagtutungo na ang mga tsuper o may-ari ng sasakyan para lamang makakuha ng slot o schedule na kadalasan ay bibilang pa ng dalawa o tatlong linggo hanggang isang buwan bago maisalang ang kanilang sasakyan.

Dito na ngayon papasok ang mga bulong-brigade at aalukin ang mga nagnanais na bumili ng slot na kumporme ang halaga sa araw na nais nilang maisalang ang kanilang sasakyan para sa emission testing.

Mas malaki ang presyo kapag agaran hanggang kinabukasan lamang ang makukuha nilang schedule habang aabot naman sa P100 kung apat na araw hanggang mahigit na isang linggo pa bago ma-testing ang kanilang sasakyan.

Sa ibang testing center naman tulad sa Malabon City, pasingit naman ang raket dahil gumagawa sila ng paraan upang maisingit ang papaborang sasakyan ng hindi malalaman ng mga naka-schedule na motorista dahil isa-isa nilang tinatawag kung kaninong sasakyan ang isasalang sa pagsusuri.

Ang resulta, namumuti na mata at kumakalam na sikmura sa gutom ang mga naghihintay dahil kahit naka-schedule ang kanilang sasakyan sa itinakdang araw at oras, hindi naman ito nasusunod.

Ang nakapagtataka, dedma lang dito si LTO chief Edgar Galvante kaya’t kasehoda kung magkaroon ng hawahan ng nakamamatay na sakit na COVID-19 sanhi ng kumpulan ng mga tao sa mga emission testing centers.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight