Home>Editorial>Miscellaneous>Salceda bill babaguhin ang PhilHealth, buburahin kurapsiyon sa ahensiya

Salceda bill babaguhin ang PhilHealth, buburahin kurapsiyon sa ahensiya

INIHAIN sa Kamara ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd district) sa Kamara ang panukalang “PhilHealth Reform Act of 2020” (HB 7578) na naglalayong distrunkahin ang sistema ng PhilHealth, “tiyaking mapupunduhan ang ‘universal healthcare program’ ng bansa at burahin ang kurapsiyon sa naturang ahensiya.

Sa ilalim ng HB 7578, hindi na magbabayad ng PhilHealth premium ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil hindi naman sila kumikita sa Pilipinas at wala naman silang diretsong pakinabang sa ahensiya. Ang mga may mababang sahod naman na libre na ‘income tax’ ay P100 na lamang ang buwanang babayarang ‘premium’ kaya silay’s makakatipid ng mga P4,800 sa isang taon dahil P250 ang binabayaran buwan-buwan.

Nakapaloob sa HB 7578 ang mga rekumendasyon ni Salceda sa 33 pahinang ‘aide memoire’ na ipinadala niya sa pamunuan ng Kamara at ‘Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases,’ para tugunan ang krisis sa PhilHealth.

Ipinaliwanag ni Salceda na ang mga repormang panukala niya ay babaguhin pareho ang istraktura ng PhilHealth at balangkas ng pagkulekta ng ‘premium’ o kontribusyon mula sa mga kasapi nito kaya mababawasan ang binabayaran ng may mabababang sahod o kita.

“Itutugma natin ang ‘premium contribution’ sa kita ng kasapi at aalisin natin na ang ‘income ceiling system.’ Sa ngayon, habang tumataas ang sahod sa ‘income ceiling,’ lumiliit naman ang binabayaran mo. Hindi ito progresibo. Aayusin natin ang sistema at itutugma natin ang kita sa binabayaran. Sa pamamagitan nito, matutugunan din ang mga pandaraya sa ‘income reporting’ dahil ang ‘tax returns’ na ang basehan ng dapat bayarang ‘premium’” paliwanag niya.

Ayon kay Salceda, layunin din ng panukala niyang reporma na baguhin ang sistema ng pangasiwaan ng PhilHealth at ang Secretary of Finance ang dapat maging Board Chairman nito “dahil ang PhilHealth ay isang ‘insurance and investment agency, and a financial company.’” Pinuna niya na tila higit na mahusay ang pangangasiwa sa mga korporasyong gobiyerno na nasa ilalim ng Finance Secretary kaysa ibang ‘Government-Owned and Controlled Corporations (GOCC).’

“Kailangan ang mataas na kalibre ng pangangasiwa ang PhiliHealth gaya ng sa Government Service Insurance System. Sa US, ang ‘Center for Medicare and Medicaid services’ nila ay pinamamatnugutan ng kanilang ‘Teasury Secretary.’ Isang huwaran ito na naaangkop sa kailangan ng mahusay na ‘insurance management,” dagdag ni Salceda na isa ring kilalang ekonomista at itinuturing na ‘resident economist’ ng Kamara.

Layunin din ng HB 7578 na baguhin ang ‘reserve fund management’ at isailalim ito sa Bureau of Treasury bilang ‘fund manager’ at mangangasiwa kung saan ito dapat ilagay na pamumuhunan, ibalik ang kita nito sa ‘reserve fund,’ at alisin ang ‘two-year ceiling in fund life,’ para matiyak na kaya nito ang mga krisis na gaya ng dulot ng pandemya.

“Sa pamamagitan nito, hindi na masasabing mababangkarote ang PhilHealth gaya ng pahayag ng mga opisyal nito sa ginanap ‘Congressional hearings’ sa pananalapi nila. At upang maiwasan ang pandaraya sa ulat nga mga kaso ng ahensiya, layunin din ng bill na lumikha ng ‘national health database’ ng mga bayarin nito batay sa ‘one-patient, one-record principle,’” dagdag ng mababatas.
Panukala din ng HB 7578 ang ‘independent audit’ sa PhilHealth, na bukod sa ginagawa ng Commission on Audit, at inaatasan ang pagulo ng ahensiya na mag-ulat sa Pangulo ng bansa at sa Kongreso tungkol sa mga hakbang na ginawa nito kaugnay sa mga kamaliang nangyari na natukoy ng ‘audit’ o pagsusuri.

“Ang mga rekomendasyomg ito ay tugma sa mga natuklasan sa imbestigasiyon ng Kamara at Senado, at sa ginawa naming pagsusuri sa pananalapi ng PhilHealth. Lalong magiging mabisa ang mga ito kung mapapasa ang ‘Electronic Health and Telemedicine Development Act’ at ‘Philippine E-Health and Telemedicine Development Act of 2020 (HB7422,” na inihain ko na rin,” ayon kay Salceda.

“Sa pamamagitan ng mga ito, sinuman ang nais magatayo ng ‘mafia’ sa loob o labas man ng PhilHealth, ay kailangang makipagsabwatan sa maraming tao na madali namang matukoy at mahuli sa pamamagitan ng ‘data analytics’” dagdag niya.

Nanawagan din si Salceda sa kanyang kapwa mambabatas na agad bigyang daan at ipasa ang panukala niyang ‘Cheaper Medicines For All Act (HB 6219) na lalo pang pahuhusayin ang umiiral nang ‘Cheaper Medicines Law’ dahil saklaw sa kanyang bill ang mga ‘medical supplies’ at ‘medically assistive equipment.’

“Pabababain din ng ‘Telemedicine Act’ at ‘Cheaper Medicines for All Act’ ang mga pangkalusugang gastos. Tugma ang mga ito sa layuning pagbabgo sa PhilHealth na sadyang kailangan nating lahat,” patapos nilang paliwanag.