Home>Editorial>Mysteries>Zombi Pilipinas: Sa Dilim at Lagim (Bk.1 Ch.3)

Zombi Pilipinas: Sa Dilim at Lagim (Bk.1 Ch.3)

Zombi Pilipinas

Hindi mapakali si Bernadette na nasa overpass sa may Welcome Rotonda, ang pinaka-boundary ng Manila at Quezon City. Hindi na sinasagot ni Steph at Pamy ang kanyang mga text message at tawag. Hindi nakarating sa Hotel Maynila si Bernadette na reporter ng Philippine Times. Galing sya sa National Kidney Institute sa Quezon City at hahabol sana sa press conference nang mabasa nya ang text ni Steph na hindi na tuloy ang presscon dahil sa insidenteng naganap at sinabihan syang hintayin na lamang ang service vehicle nila sa may Welcome Rotonda.

Hindi mapakali si Bernadette. Nang mga oras na iyon ay umaambon pa bagama’t mabilis namang humupa ang baha sa may bahaging iyon ng Espanya. Wala nang tao sa kalsada, madilim ang paligid sapagkat pinagbabawal na ang masyadong pagbukas ng ilaw ang mga residential areas. Ang nagsisilbing liwanag lamang sa kalsada ay ang mangilan-ngilang ilaw ng poste sa kahabaan ng Espanya. Tinitipid na ng gobyerno ang supply ng elektrisidad mula ng kumpiskahin nito ang lahat ng power distribution sa mga pribadong may ari nito. Pati ang tubig ay limitado na rin ang gamit. Mula nang magsimulang mawalan ng control ang gobyerno sa patuloy na paglaganap ng sakit, minabuti nito na kumpiskahin na lahat ang mga pangpublikong serbisyo tulad ng elektrisidad, tubig at pati na ang internet connection. Wala na ang Facebook, messenger at Instagram. Ang cellphone ay maari lamang gamitin pangtext at pantawag at pati pagkuha ng litrato.

Pinagmasdan ni Bernadette ang Espanya Blvd., wala nang masyadong tao mula ng dumaan ang mga hagad at mga escort ng sasakyan ng Presidente. Bahagyang nagkagulo kanina sa may bandang Rotonda nang ilang mga sasakyang pang-escort ang huminto sa may gilid nito upang dalhin sa kalapit na hospital ang ilang mga sugatang tauhan ng PSG at staff na kasama ng Presidente sa Hotel Maynila. Nang maiwan ang mga pasyente sa Emergency Room ay mabilis din namang nag-alisan ang mga ito.

Niyakap ni Bernadette ang kanyang sarili at pinilit kumalma dahil halos dalawang oras na syang naghihintay sa may overpass. Panay pa rin ang dial nya sa cellphone subalit wala pa ring sumasagot. Pabalik-balik na syang naglalakad sa magkabilang dulo ng overpass. Napabuntong hininga si Badette at napailing na lamang. Sinisi nya ang kanyang sarili dahil sa pagpupumilit na makarating pa rin sa presscon kahit malakas ang ulan.

Maya-maya pa ay nag-ring ang telepono ni Badette. Tumatawag si Steph. Mabilis nitong sinagot ang telepono.

“Badetteee… Badeeetteee… nasaan kaaaa…?” ang pasigaw na bungad ni Steph sa kabilang linya. Hindi nito masyadong naririnig ang sinasabi ng kaibigan dahil sa maingay na mga boses ng mga nagsisigawang tao sa background.

“Hellooo… hindi kita marining… bakit maingay? … choppy ka… nasaan na kayo? Malapit na ba kayo?…” ang wika ni Badette. Tinakpan nito ang kanyang kaliwang tenga upang marinig ang sinasabi ng kausap.

“UMALIS KA NA DYAN…. TUMAKBO KA NA…” ang huling narinig nya kay Steph bago ito nawala sa linya.

“Hellooo…hellooo… … nasaan na kayo… hellooo…hellooo…” ang nagtatakang pasigaw na tanong nito sa kaibigan.

“Bakit ganun? Hintayin ko ba sila?” ang napapailing na wika nito sa sarili.

Zombi PilipinasIsinara niya ang cellphone at akmang ibabalik nya na ito sa bag ng mapadako ang kanyang paningin sa United Doctors Medical Center na nasa kaliwang bahagi lamang ng Welcome Rotonda at sa maliit na istasyon ng pulisya sa may tagiliran nito.

Napakunot-noo si Badette.

“Maraming tao sa hospital pero bakit nagkakagulo sa loob?” ang usal nito. Inisip nyang maraming emergency cases gawa ng COVID pati na ang mga sugatang pasyente na galing sa Hotel Maynila, ang iba duon ay escort ng Presidente. Napalinga naman ito sa kabilang panig ng Rotonda kung saan matatagpuan ang Savemore Supermarket na nasa ilalim lamang ng isang napakataas na condominium. Tumawag sa pansin niya ang maraming tao sa may bandang harapan ng supermarket. Napatingin din ito sa mga bintana ng mga condo unit at kahit malayo mula sa kanyang kinalalagyan ay parang may mga nagkakagulo rin sa ibang unit.

“Bakit ang daming tao sa labas? Wala na bang curfew?” ang tanong nito muli sa sarili. Takang-taka ang dalaga sa kanyang napapagmasdan. Nasa ibaba nga ang karamihan ng mga residente ng condominium at ang karamihan sa mga ito ay dahandahang naglalakad patungo sa direksyon ng Welcome Rotonda.

“May rally ba?” ang wika nito. Alam nyang mahigpit ang curfew kung walang ID pass at shoot to kill order ang mga lalabag dito, pero bakit nasa labas ang karamihan sa mga residente ng condominium? At bakit magkaka-rally ng madaling araw? Wala rin silang placard. Inaninaw pilit ni Badette ang mga taong papalapit sa kanyang kinalalagyan. “Para silang mga robot!,” ang usal nito. Hanggang makarinig siya ng mga sigawan na nanggagaling naman sa hospital. Ibinaling nito ang paningin sa hospital. Maingay sa hospital nguni’t hindi nya mawari kung bakit nagkakagulo. Pinagmasdan ni Badette ang ilang mga bintana ng hospital, nagtaka ito kung bakit parang naghahabulan ang mga tao sa loob. Dumako ang kanyang paningin sa may pintuan ng emergency room na ilang hakbang lamang ang layo mula sa presinto ng pulis. Maraming lumalabas mula sa hospital, ang iba ay patakbong nagpulasan patungo saiba’t ibang direksyon, at ang ilan naman ay halos magkakasabay na naglakad patungo sa tulay na kanyang kinalalagyan.

Napadako ang paningin nya sa unipormadong pulis na tila kumakaway sa kanya at sumisigaw. Hindi nya marinig ang pulis. Nakita nya na lamang na tumakbo ito patungo sa overpass.

“Saan sila pupunta?” ang tanong nito sa sarili, “Bakit pupunta sila sa overpass? Nakatingin ba silang lahat sakin?” ang pabulong na tanong nito sa sarili.

Pilit pinagmasdan ni Bernadette ang mga taong papalapit nang papalapit sa may hagdanan ng magkabilang panig ng overpass. Lahat ng ito ay nakatingala sa kanyang direksyon.

“Bakit ganun? Bakit maraming dugo? Bakit nakatingin silang lahat sakin?” ang nagtatakang tanong nito. Lumingon ito sa kanyang paligid, maliwanag sa tulay, kitang-kita nga naman sya mula sa kalsada.

Nanlaki ang kanyang mga mata. Naalala ang sinabi ni Steph kanina lamang.

“Takbo? Pinatatakbo ba ako ni Steph? Ano ang nangyayari? Bakit sila pupunta sakin?” ang nagtatakang tanong na muli nito sa sarili. Kumabog ang kanyang dibdib. Nalito si Badette, nagpalipat lipat ang kanyang tingin sa magkabilang panig ng hagdan ng tulay. “May hindi tama….” ang usal nito sa sarili. Lalung kumabog ang kanyang dibdib.

Saka lamang niya narinig ang sigawan at iyakan ng ilang mga taong nagtatakbuhan papalayo sa Welcome Rotonda at hospital. Minasdan pa nya ang mga ito.

Hindi sila nagtatakbuhan, naghahabulan sila! Takot na takot ang mga tumatalilis, pilit iniiwasan ang ilang mga taong humahabol sa kanila.

“Oh my God!,” ang pasigaw na wika ng dalaga. Napapikit si Bernadette at nang dumilat ay muling tinitigan ang mga tao na noon ay narating na ang pinakapuno ng magkabilang hagdan.

Nakatingin pa rin sa kaniya ang lahat ng mga ito. Nataranta si Badette. Inisip na bumaba ng tulay subalit puno ng papanhik na mga tao ang kaliwa at kanang dulong bahagi ng hagdan. Imposible nang makababa nang hindi madadaanan ang paparating na kumpol ng mga tao.

Dinig na dinig niya ang mga yabag ng mga ito.

“Diyos ko… Diyos ko pooooo…” Nanginig ang kanyang tuhod. Hindi na makakilos si Bernadette sa sobrang takot. Para itong ipinako sa kanyang kinatatayuan, nanlamig ang kanyang buong katawan. Tumitig ito sa ibaba ng tulay, inisip niyang tumalon, subali’t masyadong mataas ang tulay kung sya ay tatalon. Hiningal sa takot si Bernadette.

Mabilis na kinuha nito ang kanyang cellphone at nag-text. Saka muling ibinalik iyon sa kanyang bag.

Nagsimula nang pumanhik patungo sa kanyang kinatatayuan ang mga tao. Para nga itong mga robot sa kanilang mga kilos. Inaninag pa rin ni Bernadette ang mga ito, may ilang mga pulis, may sundalo, at may mga nurse sa kaliwang bahagi at sa kanang bahagi naman ay may mga taong nakapantulog pa at ang ilan ay mga bata. Ang lahat ng mga ito ay may mga bahid ng dugo at puno ng mga sugat ang katawan at lahat ay umaangil na tila mababangis na hayup, ang iba naman ay umuungol na parang nasasaktan. Napuno ng ungol at angil ang tulay. Tinakpan ni Bernadette ang kanyang magkabilang tainga. Pakiramdam nya ay nabibingi sya sa ingay na gawa ng mga panaghoy at ang maiingay na yabag ng mga paa sa bakal na tulay. Bahagya ring umuga ang overpass sa dami ng paparating na mga tao. Muling tinakpan ni Badette ang kanyang magkabilang tainga. Ayaw niyang marining ang nakakakilabot na panaghoy ng mga taong dahang-dahang lumalapit.

“A-anong agawin ko?,” ang bulong nito sa sarili.

Nanikip ang dibdib ni Bernadette, pilit na hinabol ang untiunting nauubos na hangin sa baga. Pakiramdam niya ay isa syang nauupos na kandila. Pinilit nyang humawak sa may railing ng overpass upang hindi bumagsak sa pagkakatayo, subalit hindi nya na kinaya, unti unti na syang nanlambot, umikot ang kanyang paligid. Pinilit nyang maupo sa sahig habang papalapit naman nang papalapit ang mga tao mula sa magkabilang panig ng tulay. Minabuti nyan na lamang na humiga habang papalakas na ng papalakas ang mga nakakakilabot na panaghoy ng mga taong papalapit sa kanyang kinahihigaan. Inilapat ni Bernadete ang nanghihinang katawan sa sabig habang unti unti na ring nanlalabo ang kanyang paningin. Pinilit nyang idilat ang kanyang mga mata subalit pakiramdam nya ay inaantok na sya. Hinintay na lamang ang kapalarang sasapitin sa paparating na mga tao parang mga mukhang halimaw sa kanyang panaginip. Sa papalabo niyang paningin bago mawalan ng malay-tao, pinilit nya pang pinagmasdan ang mga taong papalapit. Hanggang sa unti unti nang magdilim ang kanyang paningin at tuluyan na syang nawalan ng malay-tao.

Nag-uunahan sa paglapit ang mga tao sa walang malay na dalaga, punong-puno ng mga kagat at dugo ang mga katawan ng mga ito, namumuti ang mga mga mata, umuungol na parang mga halimaw, tumutulo ang dugo sa bibig, mapuputla ang mga balat na halus kita na ang malalaking ugat sa katawan. Iisa lamang ang layunin ng mga ito… ang kumain.

Previous Chapter:

Simula ng Wakas

Next Chapter:

At Gumapang ang Lagim

Publication Source :    People's Tonight

Comments are closed.