Home>Editorial>Mysteries>Zombi Pilipinas: Sa Isang Lihim na Laboratoryo (Book 1)

Zombi Pilipinas: Sa Isang Lihim na Laboratoryo (Book 1)

“Huuuuhhhh…huhhhh…ahhhhhh…. Tu-tu…longgggg… tu…longggg….”

Hingal na hingal na si Dr. Rodelio Yap, hindi halos makahinga sa tindi ng pinaghalong takot at pagod.

Naninikip ang kanyang dibdib, sisinghap-singhap na pilit humihinga ng malalim. Pakiramdam niya ay nalulunod siya sa gitna ng malawak na karagatan habang hinahagupit ng dambuhalang alon. Naliligo na sya sa sariling pawis at naghalo na ang kanyang sipon at luha sa walang tigil na pag-iyak. Pagud na pagod na si Dr. Yap, paika-ikang hinahatak ang kanyang mga paang mahapdi na rin dahil sa walang humpay na pagtakbo. Manakanaka ay napapasandal siya sa dingding ng hallway upang magpahinga at saka muling kakaripas ng takbo. Galing siya sa kabilang gusali at nagtungo sa lugar na iyon upang takasan ang hindi mabilang na humahabol sa kanya.

Umalingawngaw sa katahimikan ng lugar ang matinis na yabag ng kanyang sapatos.

Zombi PilipinasNamamaos na siya sa kakasigaw, halos wala nang lumalabas na boses sa kanyang nanunuyong lalamunan. Nanginginig ang kanyang buong katawan at pakiramdam niya ay namamanhid na ang kanyang mga kamay at paa at pati ang kanyang batok. May dalawang oras na syang patakbu-takbo at patagu-tago mula sa pinanggalingang laboratoryo. Ilang hagdan na ang kanyang naakyat at ilang kwarto na ang kanyang napagtaguan subalit hindi pa rin tumitigil ang mga tumutugis sa kanya. Palinga-linga ang doctor, nanlalaki ang mga mata sa takot tuwing makakakita ng mga palikong corridor. Marami na syang gasgas sa katawan at hindi na halos makilala ang suot niyang laboratory gown dahil sa mga grasa at dumi na nakuha nya sa kakagapang at kakasiksik sa mga sasakyan at tagong bahagi ng pasilidad. Makarating lamang sya nang ligtas sa elevator ay matatakasan nya ang mga humahabol sa kanya.

“Sakloloooo… saklooooo… tulonggggg…. Parang awa ninyo nahhhh….” ang pagsusumamong sigaw ng doctor habang kinakatok ang bawat kwartong kanyang nadaraanan. Nagbabakasakali siyang may makarinig sa kanyang sigaw. Subalit tahimik ang lugar, ang tangi nyang naririnig ay ang mga yabag at matitinis at nakakapangilabot na ungol at angil ng mga humahabol sa kanya.

Maya-maya pa ay napatigil siya sa pagtakbo.

Napaharap siya sa kanyang likuran, huminga ng malalim at tinitigan ang corridor. Lalung nanlaki ang kanyang mga mata at napanganga sa pagkabigla. Sa dulo na kanyang pinaglikuan ay isa-isang nagsulputan ang kanyang kinatatakutan. Bigla siyang napasinghap at gumapang ang kilabot sa buo niyang katawan.

“Halimaw….halimaw…” ang usal nito sa sarili.

Marami sila, hindi mabilang. Sira-sira ang mga damit, mababalasik ang anyo. Namumula ang mga nanlilisik na mga mata at puno ng dugo ang mga bibig, labas ang mga ngipin na nakaangil na parang mababangis na hayup! Duguan silang lahat, ang ilan ay may sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang ilan sa mga ito ay laylay ang mga braso at ang iba pa ay may malalaking sugat habang puno ng kalmot at kagat ang mga braso at leeg. Nakakakilabot ang kanilang mga hitsura. Para silang mga natutuyong bangkay subali’t buhay. Lahat ay nakatingin sa kanya. Nang makita sya ng mga ito ay lalung lumakas ang ungol at angil. Nag-unahang nagtakbuhan ang mga ito patungo sa kanyang kinatatayuan. Nagkukulay pula ang mapuputing dingding na kanilang nahahawakan at naglalawa sa dugo ang sahig na kanilang natatapakan.

“Ha-halimawww… nandito nahhh…nandito na ang mga halimawww….” Ang hiyaw ni Dr. Yap.

Mabilis nitong ipinagpatuloy ang pagtakbo, nagsisisi kung bakit siya huminto. Nagpaliku-liko ito sa sala-salabat na opisina, nagkukumahog na makalayo sa tiyak na kapahamakan.

Nakadama ng kaunting pag-asa ang doctor nang matanaw ang elevator sa dulo ng corridor. Muli siyang lumingon, nakalayo siya sa mga humahabol subalit alam nyang paiksi na ng paiksi ang distansya ng mga ito sa kanya. Napuno ng kakaibang ingay ang buong paligid. Dinig na dinig na ang mabibigat na yabag at ang pagpapalahaw ng mga nagtatakbuhang tao na parang tunog ng rumaragasang bato pababa sa matarik nakabundukan.

May ilang metro na lamang ang layo niya sa elevator nang bigla siyang nadulas.

Nawalan ng panimbang si Dr. Yap, mabuti na lamang at nakahawak sa isang de-salaming dingding bago matumba. Pumutok ang kanyang labi sa sobrang lakas ng pagkahampas ng kanyang mukha sa salaming dingding, agad na dumaloy ang sariwang dugo mula dito. Kumapit pa sya ng mahigpit at inalalayan ang sarili. Tatakbo na sana siya nang mapatitig sa salamin, napakunot-noo ang doctor.

May mga tao sa kabila ng salaming dingding!

Bagama’t madilim at patay ang ilaw ay naaninag niya ang mga tao sa loob. Nanlaki ang kanyang mga mata, nakaramdam ng kaunting pag-asa at tuwang-tuwang kinatok ang salamin sa pag-asang marinig ng mga tao sa loob.

“Tulong…. Please… buksan nyo ang pintoooo… please… m-may anak akoo… b-buntis ang asawa ko, ma-maawa kayo…” ang humahagulgol na pakiusap nito sa mga taong nasa loob.

“Maawa po kayo…. Huhuhu… maawa pa kayo… tulungan ninyo ako…. Pleaseeee….” kinatok pa nito lalu ang salamin, patuloy sa paghagulgol at pagmamakaawa.

“M-malapit na sila… please… parang awa nyo na… please…..p-pagood na po ako… hindi ko na po kaya….” lalo pang napaiyak ang doctor nang maramdamang papaliko na sa kanyang kinalalagyan ang mga humahabol sa kanya.

Subali’t walang kumikilos sa loob. Nakatitig lamang ang mga tao sa likod ng salamin, hindi gumagalaw. Ang Iba ay nakatanaw lamang mula sa pinagtataguang mga lamesa. Lahat ay nakikiramdam. Lahat ay nanginginig sa takot habang pigil ang paghingang nakikiramdam sa mga susunod pang magaganap.

Nagpilit pa ring kinatok ni Dr. Yap ang salamin, nagbabakasakaling may magbukas ng pinto, at nang walang nakikinig sa kanyang pakiusap ay nagpasya itong tunguhin na lamang ang kanyang huling pag-asa – ang elevator.

Subalit huli na ang lahat!

ZombiMula sa kanyang likuran ay isang pares ng madugong kamay ang humablot kay Dr. Yap. Nagulat si Dr. Yap, hindi napansin na nakalapit na pala ang mga humahabol sa kanya. Nagpumiglas ang doctor, sinikap kumakawala sa taong nakayakap sa kanya. Hapang pumapalag ay patuloy sa pakikiusap sa mga tao sa kabila ng salamin. Isa pares ng kamay pa ang sumunggab kay Dr. Yap. Sinundan ng isa pa at pagkatapos ay ng isa pa. Ilang saglit lang ay napalibutan na ng mga taong halimaw si Dr. Yap. Nagkapunit-punit ang kanyang damit. Natanggal na ang kanyang sapatos. Isang kamay pa ang humawak sa kanyang mukha, pumasok iyon sa kanyang bibig. Ilan sa mga halimaw ang napaluhod habang inaabot ang kanyang mga binti at paa. Maya-maya pa ay naghilahan na ang mga ito. Nahubaran na si Dr. Yap. Nag-aagawan na ang mga halimaw, lahat ay hayuk na hayok na makagat ang kanyang katawan.

Wala nang nagawa ang doctor, hindi na siya makakilos dahil sa dami ng nakahawak sa kanya. Ramdam na niya ang pagbaon ng mga ngipin at ng matutulis na kuko at pati ang pag-agas ng dugo sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Umangat siya sa sahig ng magsimulang maghilahan ang mga taong halimaw sa kanyang katawan. Napatitig na lamang si Dr. Yap sa salamin, bakas pa rin sa mga mata ang pagsusumamo. Naligo na sa sariling dugo ang kaawa-awang doctor.

Subalit nakatingin din lamang ang mga tao sa kaya. Kitang kita nila ang nangyayari sa doctor nguni’t alam nilang wala silang magawa. Halus hindi sila humihinga sa takot na makalikha ng ingay. Ilang kababaihan ang nagtakip na lamang ng mata at bibig. Isa sa kanila ang naglabas ng rosaryo at tahimik na nagdasal.

Isang lalaki ang kumagat sa leeg ni Dr. Yap, mabilis na umagos ang dugo mula sa sugat na nilikha ng kagat. Nabaklas ang laman sa leeg ni Dr. Yap, nag-agawan ang iba pa na kumagat sa nagdurugong leeg ng doctor. Hindi na makakilos si Dr. Yap, nangisay na ito, napapikit na lamang. Isa pang kamay ang humawak sa ulo nito, pilit na hinahatak. Bumaon ang daliri nito sa mata ng doctor. Ilang saglit pa ay nagkanya-kanyang kagat na ang mga ito sa iba’t-ibang parte ng katawan. Naputol ang tatlong daliri ng doctor sa kanang kamay. Napisak ang kanyang mga mata. Isang kamay ang bumaon sa sugat nito sa tiyan at saka hinatak iyon. Parang papel na napunit ang manipis na laman sa tiyan ni Dr. Yap. Bumulwak ang dugo kasabay ng pagluwa ng bituka at mga lamang loob ng doctor. Maya-maya pa ay humiwalay na ang braso ng doctor sa katawan nito. Tatlong kalalakihan ang nag-agawan sa malambot niyang kasu-kasuan. Napuno ng dugo ang lugar, lalung namula sa dugo ang mukha at katawan ng mga taong umaatake sa kanya. Nakakatulig ang mga palahaw ng mga taong nagkakagulo sa pagkain sa katawan ni Dr. Yap. Nagmistulang isang buong pritong manok ang katawan ni Dr. Yap habang pinagpipistahan ng hindi mabilang na tao.

Hindi makapaniwala ang mga tao sa loob ng salamin.

Isang babae ang hindi na kinaya ang kanyang nasaksihan at wala sa loob na napasigaw ng malakas.

Nabunggo rin ng naghihisteryang babae ang katabing monitor ng computer at bumagsak iyon sa sahig. Lumikha ito ng ingay.

Natigilan ang mga tao sa labas, napahinto sa pagkain at napatitig sa salamin. Nakatawag pansin sa mga ito ang malakas na sigaw at ingay ng bumagsak na monitor. Umalingawngaw ang matitinis na palahaw ng mga taong halimaw.

Nagulat ang mga tao sa loob ng kwarto, nataranta at nagkagulo nang makitang papalapit sa dingding ang mga halimaw. Isang matandang babae ang napaurong sa may dingding at sa kasawiang palad ay nabunggo ng braso nito ang switch ng ilaw.

Biglang nagliwanag ang buong silid!

Napasigaw ang lahat tao sa loob, nag-panic na ang mga ito. Kitang kita na sila ng mga tao sa labas.

Sabay sabay na humarap at naglakad ang mga tao sa harap ng salamin.

Lalung nagkagulo ang mga tao sa loob, nagbagsakan ang mga monitor, nangatumba ang mga silya na lalung nagbigay atesyon sa iba pang paparating na halimaw. Nagsigawan ang mga natarantang kababaihan at naghanap ng malalabasan. Subalit iisa lamang ang exit sa lugar na kanilang kinaroroonan at sa labas nito ay ang hindi mabilang na mga gutom na gutom na mga taong halimaw. Walang nagawa ang ilan sa mga ito kundi ang magyakapan na lamang habang nagpapalahaw sa pag-iyak.

Sabay-sabay na umatungal ang mga tao sa labas, muling naging mabalasik ang mga mukha. Sabay sabay din halus na humawak sa salamin ang mga ito. Nagsimulang hampasin ng mga ito ang salamin at sa dami ng nais makalapit ay napuno ng taong halimaw ang labas ng silid. Lahat ay gustong makalapit sa mga nagkakagulong tao sa loob. Patuloy pa rin sa pagdating ang mga taong halimaw. Napuno ng tao ang hallway, hindi na halus mahulugan ng karayom sa sobrang dami. Iisa lang ang kanilang atensyon, ang salamin at iisa ang intension – ang mga tao sa loob.

Nag-iyakan na ang mga tao sa loob, ang iba ay nagdasal na lamang habang may ilan ang nagtungo sa pinto sa pagbakasakaling makatakas sa tila bangungot na nagaganap. Sabay-sabay silang sumisigaw ng saklolo, nagmamakaawa, nagsusumamo, nagbabakasakaling may makarinig mula sa labas.

Hindi nagtagal ay nabitak ang salamin, gumapang na tila sapot ng gagamba ang bitak ng salamin, habang patuloy naman sa paghampas ang mga tao sa labas.

Lalung nataranta ang mga nasa loob at nagpalahaw ng iyak. Pilit na isiniksik ang kanilang mga sarili sa ilalim ng mesa at ang iba ay nagtago sa likod ng kurtina.

Hanggang sa tuluyan nang bumigay ang dingding na salamin.

Bumukas din ang pinto.

(Mula sa may akda: Ang nobelang ito ay isang kathang-isip lamang. Kung may pagkakahawig man sa ilang mga pangyayari sa tunay na nagaganap sa lipunan, pati na ang mga pangalan at lugar na nabanggit ay pawang mga pagkakataon lamang. Ang lahat ng makakabasa ay inaanyayahang mag-komento)

Next Chapter:  Laging Handa

Publication Source :    People's Tonight

One thought on “Zombi Pilipinas: Sa Isang Lihim na Laboratoryo (Book 1)

Comments are closed.