Home>Editorial>Mysteries>Zombi Pilipinas: Simula ng Wakas (Bk.1 Ch.2)

Zombi Pilipinas: Simula ng Wakas (Bk.1 Ch.2)

Zombi Pilipinas

15 November 2024 12:15 a.m.

Hindi humiwalay sa nanginginig sa takot na sina Stephanie at Pamela ang Presidential Security Guard na nakabantay sa kanila habang hinihintay ang sasakyang maghahatid pauwi sakanilang bahay. Hinihingal sa pagod at tension ang dalawa, basang -basa ng pawis at tubig na galing sa automatic sprinkler ng Manila Hotel. Nagkita ang dalawa sa Manila Hotel para sa isang press conference na ipinatawag ng Pangulo. Si Stephanie ay editor ng Philippine Daily Esquire at si Pamela naman ay ang director ng Manila News Agency. Nagsimula ang presscon ika-10:00 ng gabi. Bawal nang magkaroon ng pagtitipon sa araw kaya halos lahat ng mga pagtitipon ay sa gabi naginagawa. Sarado na ang lahat ng TV at radio station dahil sa mahigpit na umiiral na Martial Law. Nagkakagulo na sa buong bansa, maraming tao ang nagugutom at marami pa rin ang patuloy na nagkakasakit at nangamamatay sa virus. Ang Manila Hotel ay pansamantalang naging opisina ng Presidente matapos masunog ang Malacanyang at idineklarang hindi na ligtas dahil sa dami ng virus sa loob nito. Maging ang Coconut Palace ay hindi na rin ligtas.

Nasa waiting shed sila sa harapan ng Department of Public Works and Highways sa kahabaan ng Bonifacio Drive. Dito sila nagpasyang magtungo matapos makatakas sa nasusunog na hotel. Ang apoy na nanggagaling sa sunog ang tanging nagbibigay liwanag sa madilim na gabi. Sa harapan nila ay nagkakagulo ang mga tao, ang iba sa mga ito ay mga staff at mga guests na galing sa Malacanyang at ang iba pa ay miyembro ng bagong gabinete. Nasa kalagitnaan sila ng press conference ng isang malakas na pagsabog ang naganap, sinundan ito ng isang malakas na pagyanig at pagkatapos ay ang pagkawala ng kuryente sa lugar. Nagkagulo ang mga tao sa loob ng hotel, mabilis namang naialis ng Presidential Security Guards ang presidente habang nagkanya-kanyang takbuhan ang mga tao papalabas. Mabilis na kumalat ang apoy na nagsimula sa may bandang likuran ng hotel matapos itong salpukin ng rumaragasang barkong panggiyera ng China. Sinasabing masyadong mabilis ang pagdating ng barkong galing sa Bataan at aksidenteng natumbok ang Manila Hotel. Marami na kaagad ang nasawi dahil sa pagsabog. Ayon pa sa balita, maraming taong nakasakay sa barko at may dala rin itong mga pasyenteng dadalhin sana sa Philippine General Hospital.

Hindi halos makahinga sa takot si Steph. Wala syang iniisip ngayon kundi ang makauwi sa kanilang tahanan subalit sa sobrang dami ng mga sasakyan sa kalsada, na ang karamihan ay mga pang-militar at kapulisan at mga miyembro ng gabinete at ilang matataas na opisyal ng gobyerno, inisip nilang maglakad na lamang hanggang sa may Bonifacio Shrine sa Manila City Hall kung saan maghihintay ang kanyang sasakyan. Nagpaalam si Steph sa escort bago nagsimulang maglakad. Habang binabagtas ang Bonifacio Drive paliko sa Padre Burgos Ave. ay muling nilingon ni Step ang nasusunog na hotel, sumagi sa isip ni Steph ang kaibigang si Bernadette, reporter ng Philippine Times. Bago ang kaguluhan ay tumawag ito sa kanya at sinabing male-late sya sa press conference dahil sa sobrang lakas ng ulan. Inabot na rin ito ng pagtaas tubig-baha sa may Aurora Blvd. Ang huling sabi nito ay nasa overpass sya sa may Welcome Rotonda at nagpapatila lamang ng ulan.

Ayon pa dito, mabilis namang bumaba ang tubig-baha at kung hindi nga lamang tumawag ang kaibigan ay susunod na ito sa press conference.

Walang kibuan sina Steph at Pamela, bagama’t hindi nila binibitawan ang isa’t isa. Palibhasa naka-rubber shoes at pantalong maong, mabilis na narating ng dalawa ang kahabaan ng Burgos Ave. patungo sa Bonifacio Shrine. Naghalo na ang sasakyan ng mga militar, pulis, mga container van na papunta sa pier, ambulansya, pamatay sunog, ilang tangke na nakabantay sa labas ng hotel at mga pribadong sasakyan na paliko sana sa may Roxas Blvd. Dahil sa naganap na insidente ay halos hindi na gumagalaw ang traffic sa magkabilang panig ng kalsada. Umabot na sa City Hall hanggang sa may Lawton patungong Quezon Bridge ang haba ng trapiko. Hindi lumalabas ng sasakyan ang mga motorista dahil nga sa pinaiiral na protocol. Mistulang mga anino lamang ng mga ito ang maaaninag mula sa labas ng kanilang sasakyan.

“Parang ayoko na,” ang naluluhang wika ni Pamy, “kelan matatapos ang lahat ng ito?” ang pakli pa nito.

Napailing si Steph, hindi sya makapagsalita, malakas pa rin ang kabog ng kanyang dibdib sa sobrang takot sa pangyayaring naganap sa Manila Hotel. Pilit nitong pinakikiramdaman ang paligid, panay ang lingon na parang takot na takot sa mga taong naglalakad at nagsisitakbo papalayo sa nagaganap na kaguluhan. Lakad-takbo ang ginawa ng dalawa. Gusto nilang iwanan ang mala-impyernong lugar na ngayon ay sinabayan pa ng alingawngaw ng mga sirenang mula sa mga paparating na pamatay sunog at mga ambulansya mula pa sa iba’t ibang panig sa Kamaynilaan.

“Pamy, pahinga muna tayo sandali,” ang wika ni Steph nang marating nila ang waiting shed sa hindi kalayuan sa Planetarium sa tagiliran ng Luneta. Kumuha ng panyo si Steph at pinunasan ang mukha at buhok na nabasa na ng pinaghalong pawis, tubig ulan at tubig mula sa sprinkler. Hindi pa rin humuhupa ang kabog sa dibdib ng dalaga. Takot na takot pa rin sya sa nangyari kanina sa hotel. Kung nagtagal pa sila ng ilang minuto sa loob ng nasusunog na hotel ay maaring nakasama na sila sa natabunan ng gumuhong gusali. Maraming tao ang natabunan sa pagguho ng hotel. Muling napailing si Steph. Hindi niya alam kung paano ilalarawan ang mga naganap na kaguluhan.

Zombi PilipinasSubalit hindi lamang ang sunog at pagguho ang lubhang nagpabahala kay Steph. May mas malalim na dahilan kung bakit gusto nitong makaalis kaagad sa lugar. Isang bagay na ayaw niyang sabihin sa kaibigan. Lalung gumapang ang kilabot sa katawan ni Steph. Napalingon ito sa kaibigan na katulad nya ay pinipilit na magpakatatag. Nanalangin ito na huwag sanang magkatotoo ang kanyang hinala.

Sumagi sa isipan ni Steph ang nasaksihang pangyayari bago sila tuluyang nakalabas sa hotel. Habang hirap na binabagtas nila ang pintuan palabas dahil sa kapal ng taong tumatakas ay kung bakit napadako ang kanyang paningin sa malawak na hagdan patungo sa ikalawang palapag ng gusali. May nakatapat na emergency light sa hagdanan kaya kitang kita nya ang nagaganap na kaguluhan dito. Maingay sa paligid gawa ng sigawan at palahaw ng mga taong nag-uunahang makalabas, karamihan sa kanila ay mga nasaktan sa kaguluhan.

Napapikit si Steph at mabilis na nanumbalik sa isipan ang natuklasang hinding hindi nya malilimutan kailan man. Sa dulo ng hagdan bago ang unang baitang pababa ay nakita niya ang isang babaeng nurse. Naghihisterya itong sumisigaw ng tulong habang hawak ang kanyang sugatang leeg na sa tingin ni Steph ay may umaagos na makapal na dugo. Dahil sa kaguluhan ay walang nakapansin sa nurse. Sa mga oras na iyon, huminto pansumandali si Steph at tinitigan ang nurse na noon ay nakahawak sa railing ng hagdan habang pinipilit na bumababa. Umiiyak ang babae, hinang-hinang ito at nagmamakaawang humihingi ng saklolo sa mga taong tumatakbo pababa. Nagkakaroon na ng stampede sa hagdanan pati sa malapit sa pintuan dahil sa dami ng mga taong galing pa sa itaas at ilang palapag ng hotel. Nagtama ang paningin ni Steph at ng nurse.

“Buhay…! buhay sila…..!” ang umiiyak at nagsusumamong sigaw ng nurse habang hawak-hawak ang leeg. Itinaas ng babae ang kanyang kaliwang kamay at itinuturo ang itaas ng hotel. Bagamat nilalamon ng sigawan ng mga taong pilit tinatakasan ang mala-impyernong hotel ang kung ano mang sinasabi ng babae, naunawaan ni Steph ang nais nitong sabihin.

Hindi na rin namalayan ni Steph ang paghatak ng isang presidential guard sa kanilang dalawa para makalabas ng hotel. Malakas ang kanyang kutob. Kumabog ang kanyang dibdib at bagama’t takot ay hindi nya hiniwalayan ng tingin ang duguang babae. Sa gitna ng kaguluhan, para syang ipinako sa lugar na kanyang kinatatayuan at parang namamalikmatang napatitig sa nagaganap na eksena sa hagdan.

At dito na nga nangyari ang hindi inaasahan.

Kitang-kita nya ang pagsulpot ng isang lalaki mula sa likuran ng nurse.

Nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. Halos walang mukha ang lalaki. Wala itong ilong at wasak ang kaliwang pisngi. Kitang kita nya ang buto sa pisngi nito pati ang nakalaylay na laman sa leeg. Katulad ng babaeng staff ay naliligo din ito sa dugo.

“Tulungan mo ako?” ang pagsusumamong wika ng babae kay Steph. Hindi pa rin inalis ng tila namamalikmatang si Steph ang pagkatitig sa nanghihina nang babae.

“Versa Files, Tita??” ang pabulong na wika nito sa sarili.

Wala nang nagawa ang babae nang sunggaban ng duguang lalaki ang kanyang ulo at buong pwersang pinihit paharap sa kanya ang mukha nito. Umikot ang ulo ng babae na parang isang manikang laruan lamang na nabali ang leeg. Kitang kita ni Steph ang pagbaon ng ngipin ng lalaki sa pisngi ng babae at nang mabaklas ang malaking bahagi ng laman nito at walang anumang lunukin ng mala-halimaw na lalaki na parang gutom na gutom. Para itong isang mabangis na hayup na lumapa sa isang sariwang laman. Napatulala si Steph. Nanlaki ang kanyang mga mata. Gustuhin man niyang sumigaw ay hindi nya magawa. Luminga-linga ang dalaga, wala pa ring nakakapansin sa nagaganap. Sa sobrang kaguluhan wala ni isa man ang nakapansin sa nagaganap kahit na nang magsimula nang manlupaypay ang babae at unti unting makabitiw sa railing at gumulong pababa ng hagdan. Nakasunod pa rin ang lalaki sa naghihingalong babae at nang makitang nakahiga na ito sa ibaba ng hagdan ay kinuha nito ang braso ng babae saka sinakmal. Dahil sa stampede, nadaganan ng mga taong nahuhulog mula sa hagdanan ang dalawa. At nang marating na nila ang labasan ay muling nilingon ni Steph ang hagdan. Dito ay Nakita niya ang nurse na nakababa sa isang babae at nakabaon ang bibig sa leeg nito.

Natauhan lamang si Steph nang maramdamang hinihila sya ng kanyang kaibigan upang makalabas sa nasusunog na hotel.

“Malayo pa ba tayo?”

Waring nagising sa pagkakatulog si Steph sa tanong ni Pamy. Tumingin ito sa paligid. Muling bumalik ang kilabot sa katawan, hindi pa rin maialis sa isipan ang tagpong iyon sa may hagdanan ng hotel.

“Pamy, kailangan na nating umalis,” ang babala nito sa kaibigan. Luminga-linga ito at pinagmasdan ang mga taong nagsisimula nang maglabasan sa kanilang mga sasakyan at patakbong lumalayo sa lugar na kanilang kinalalagyan. Nagkagulo na sa unahang bahagi ng Burgos Blvd. papaliko sa may Bonifacio Drive. Naghihiyawan na ang mga tao sa takot. Nilamon naman ng mga tunog ng sirena ang mga iyakan at palahaw ng mga motorista at ilang mga taong galing sa hotel. Nagkakagulo na sa lahat ng bahagi ng lugar.

“Huh! Bakit” ang nagtatakang tanong ni Pamela?

“Kailangan na nating umalis,” ang pasigaw na wika nito sa kaibigan at muli ay nasambit sa sarili ang katagang: “Versa Files… Tita!

Hinatak ni Steph si Pamy palayo patungong City Hall.

“Sa-saan tayo pupunta…?” ang muling usisa nito.

“Bahala na, bilisan na natin…” ang wika nito.

Bago tuluyang humakbang papalayo sa lugar ay muling nilingon ni Steph ang kinalalagyan ng Manila Hotel. Malakas pa rin ang apoy na nanggagaling na sa barkong sumalpok dito. Maraming mga tao ang nagtatakbuhan patungo sa kanilang direksyon, mabibilis, maiingay. Marami sa kanila ay nakasuot militar at police, ang iba ay nakaputi at ang iba naman ay nakauniporme pa ng Malacanang. Ang iba ay sumasampa na sa bubong ng mga sasakyan. Lalung kumabog ang dibdib ni Steph pakiramdam nya ay hindi na sya makahinga sa takot. Napahigpit ang hawak nito sa kaibigan at sinulyapan ang ilang mga taong nagtatakbuhan papalayo sa mga taong tila humahabol sa kanila. Lalung lumakas ang ingay, napuno na ng hiyawan at panaghoy ng mga tao ang paligid. Kanyang kanyang pulasan na ang mga ito patungo sa iba’t ibang direksyon, ang iba ay sumampa sa may bakod ng Planetarium, ang iba ay mabilis na nagtakbuhan patungong Luneta at Roxas Blvd. ang ilan naman ay sa direksyon ng Fort Santiago.

“Takbo Pamy,” ang sigaw ni Steph. At habang papalayo ay biglang tumulo ang luha ni Steph. Naalala ang kanyang mga pamangkin at mga kapatid na naghihintay sa bahay. Hindi nya napansin ay nahulog ang dala nyang folder na “Versa Files.”

“Diyos ko, ikaw na po ang bahala!” ang wika nito at sabay silang tumakbo papalayo sa mala-impyernong lugar.

Previous Chapter:

Laging Handa

Next Chapter:

Sa Dilim at Lagim

Publication Source :    People's Tonight

2 thoughts on “Zombi Pilipinas: Simula ng Wakas (Bk.1 Ch.2)

Comments are closed.