Home>Editorial>Opinion>13 TV channels ambag ni Pacman sa distance learning

13 TV channels ambag ni Pacman sa distance learning

MAY kanya-kanyang paraan talaga ang mga opisyal upang makatulong sa mga estudyante kaugnay sa bagong sistema ng pag-aaral sa gitna ng pagharap natin sa krisis dulot ng COVID 19.

Kung ang iba ay namamahagi ng gadgets, tinatarget naman ni Senador Manny Pacquiao na magkaloob ng 13 TV channels na maaaring gamitin ng Department of Education sa kanilang distance learning ngayong school year 2020-2021.

Naniniwala ang kampo ng Pambansang Kamao na mas magiging praktikal ang pagkakaroon ng mga TV channels na magagamit sa distance learning sa halip na mamahagi ng mga gadget na maaaring hindi rin magamit kung wala namang internet connection.

“Alam ko din na hindi pa 100% coverage yang internet natin sa Pilipinas, kaya kahit me pambili ka ng laptop o gadget, hindi ka pa din nakakasiguro na aabot sa’yo ang mga aralin buhat sa DepEd,” pahayag ni Pacquiao.

Sa paliwanag ni dating Usec. Tim Orbos, ang namamahala sa proyekto ni Pacquiao para sa mga estudyante, nationwide ang target na sakupin ng mga TV channels nang walang gagastusin ang gobyerno.

“The channels are digital channels that will be aired via satellite broadcast. They will then be made available free to cable providers, LGUs that we can help secure the downlink and other broadcast operators who would like to carry the signal,” paliwanag naman ni Orbos.

Sinabi pa ni Orbos na sa kanilang plano, walong oras kada araw sa loob ng 22 araw kada buwan ang ilalaan sa mga TV channels para sa distance learning.

“This will be at no cost to government and expenses will be undertaken by the private sector, the senator’s friends who responded to his call,” dagdag pa ni Orbos.

Sinabi ni Pacquiao na nararamdaman niya ang hirap ng mga mag-aaral at ng kanilang mga magulang kaya’t isinusulong ang mga proyektong makakatulong sa distance learning.
“Kaya wala ng dahilan para hindi matuloy ang pag-aaral ng mga bata ngayong darating na pasukan” sinabi ni Pacquiao.

“Kung saan ako muntik nang magkulang, maaga kong pupunuan. Dahil napaka-halaga ng pag-aaral para sa kinabukasan ng ating mga kabataan,” idinagdag pa ng senador.

Tunay na marami sa mga estudyante sa mga rural areas ang walang gadgets at wala ring koneksyon sa internet kaya’t mas magiging praktikal ang ayudang ito ni Pacquiao.

Sa mga nakalipas na panahon, nakita naman natin ang effectiveness ng iba’t ibang programa sa telebisyon at sa radyo na nagtuturo sa mga bata kabilang na ang Batibot, Sineskwela, Math-tinik o ang Sesame Street at maging ang iba pang mga videos hinggil sa pag-aaral.

Kaya naman sa panahon ngayon ng pandemya, malaking tulong ang mga leksyon sa telebisyon at radyo upang maabot ang mga estudyante na hindi pa naabot ng internet connection.

Ang atin na lamang panawagan sa DepEd na sana ay agad na nilang aprubahan ang proposal ng ating boxing champ upang makahabol sa pagbubukas ng klase sa October 5.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large