2 Muslim extremist, naaresto bago New Year at Pista ng Nazareno!

ISA sa pinakamadugong insidente sa kasaysayan ng terorismo sa bansa ang tinaguriang Rizal Day bombings na naganap noong Disyembre 30, 2000.

Tinawag itong Rizal Day bombings dahil naganap ang trahedya sa paggunita sa kamatayan ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Ibig sabihin, nangyari ito -- limang araw matapos ang pagdiriwang ng dakilang araw ng Pasko o dalawang araw bago naman ang pagdiriwang ng pagpasok ng Bagong Taong 2001.

Umabot sa 22 katao ang nasawi, 120 ang sugatan sa magkakasunod na pagsabog sa Blumentritt Station ng LRT 1; Plaza Ferguson sa Malate, Manila; sa cargo handling area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at pampasaherong bus sa Edsa-Cubao, Quezon City.

Ang Plaza Ferguson ay ilang metro lamang ang layo sa US Embassy sa Roxas Boulevard, Manila. Ang pinasabog na gas station sa Makati ay malapit naman sa five-star Dusit Hotel kung saan namatay ang dalawang miyembro ng local police bomb squad, kabilang na si SPO4 Roberto Gutierrez, kapatid ni dating Makati police chief Sr. Supt. Jovito Gutierrez.

First time rin naitala sa kasaysayan ng NAIA ang magkaroon ng pagsabog sa cargo handling area ng pambansang paliparan, samantalang nagtala ng maraming kamatayang biktima ang nangyaring pagsabog sa train ng LRT sa Blumentritt station.

Naganap ang magkakasunod na pagpapasabog na ito sa loob lamang ng isang araw.

Ang taong responsable sa madugong pagpapasabog ay ang Indonesian-based terrorist na si Fathur Rahman Al-Ghozi na kilalang miyembro ng Jemaah Islamiyah. Naaresto siya ng mga awtoridad, ngunit nakatakas din sa Camp Crame noong Hulyo 2003.

Magkagayunman, napatay naman siya noong Oktubre 13, 2003.

Naikuwento ko sa inyo ang mga kaganapang ito dahil lingid sa ating kaalaman, dalawang high ranking Abu Sayyaf leaders ang naaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nito lamang Disyembre 20 at mismong araw ng Pasko, Disyembre 25, 2018.

Sinadyang itinago sa media ni NCRPO chief Director Guillermo Eleazar ang nasabing pag-aresto upang hindi magdulot ng tensiyon at panic sa ating mga kababayan noong araw ng Kapaskuhan

Sa pagkakaaresto ng dalawang Muslim extremists, patunay na epektibo ang ginagawang pagbabantay ng grupo ni Eleazar, gayundin na rin ng intelligence community na 24-7 kung mag-monitor ng kaganapan sa bansa.

Isipin n’yo kung nakalusot ang mga teroristang Muslim na ito at naghasik ng lagim sa araw ng Pasko, pagdiriwang ng Bagong Taon o Pista ng Nazareno, sigurado marami na namang buhay ang masasayang likha ng demonyong terorismo.

Isinusulat ko ito’y hindi pa tinutukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspect, ngunit sila ay nahulihan ng matataas na kalibre ng baril. Bineberipika rin ng mga awtoridad kung gaano kalalim ang kanilang ugnayan sa bandidong Abu Sayyaf Group.

Bukod sa Pasko at Bagong Taon, naging mapayapa din ang pagdiriwang ng Pista ng Poong Nazareno nito lamang Enero 9 kung saan ay mahigit limang milyong deboto ang nakilahok sa tradisyunal na ‘traslacion.’

Binati na natin kamakailan sina PNP chief Director General Oscar Albayalde at Gen. Eleazar dahil sa matagumpay na pagbabantay ng seguridad sa Traslacion 2019.

Siyempre, hindi lamang sina Albayalde at Eleazar ang dapat nating saluduhan, kundi dapat ding bigyang pugay ang buong puwersa ng PNP, NCRPO, Manila Police District (MPD), Philippine Army, Philippine Coast Guard, MMDA, Philippine Red Cross, ang Manila City government, ang mga marshall ng Minor Basilica na lalong kilala sa tawag na Hijos del Nazareno (Sons of the Nazarene). Dapat ay kilalanin din ang pagod, hirap at kabutihan ng  iba pang volunteers na katuwang ng pamahalaan sa pag-alalay sa ating mga deboto.

Bagaman medyo naging magulo at tambak ang pagkalat ng basura, sa kabuuan naman ay naging mapayapa, maayos at tahimik ang nagdaang Pista ng Poon dahil na rin sa ating kapulisan.

Sa ulat na dalawang suspected Muslim extremists ang naaresto ng kapulisan, higit nating dapat papurihan si Gen. Eleazar. Napanatili niyang lihim ito at hindi nai-leak sa media.

Hindi ito nagpasikat sa media na maaaring magdulot ng panic sa lahat -- araw man ng Kapaskuhan, Bagong Taon o Pista ng Nazareno.

Oo’t wala pang  malinaw na kumpirmasyon  kung plano ng dalawang naarestong suspect na maghasik ng lagim noong Pasko at Pista ng Nazareno, mahalagang  ‘accomplishment’ ito para kay  Eleazar dahil kahit saan at kahit kailan, ang banta ng terorismo ay nasa tabi-tabi lang.  

Sa puntong ito ay lalo tayong pinahanga ni Guillor.

Kung ibang opisyal siguro iyan, kahit araw ng Pasko ay magpapatawag siya ng ‘press conference’ para lamang magpasikat na may nahuli silang suspected Muslim extremists -- kahit na magdulot pa ito ng alarma sa ating mga kababayan.

Muli, snappy salute po sa inyo, Gen. Eleazar, sir!

Mabuhay po kayo!