4 kotongerong traffic enforcer sa Macapagal Boulevard!

WALANG duda na seryoso ang kampanya ng pamahalaan laban sa tiwaling awtoridad na mahilig mambiktima sa ating mga kababayan.

Kaya nga mula kay PNP chief Gen. Oscar Albayalde hanggang kay National Capital Region Police Office (NCRPO) commander Maj. Gen. Guillermo Eleazar, walang puknat ang ginagawang operasyon laban sa mga unipormadong personalidad na ipinangangalandakan ang kanilang ‘katungkulan’ para lamang makakolekta ng pera sa maling paraan.

Nariyan din ang bagong mukha ng PNP Counter Intelligence Task Force (CITF) na tinawag ngayong Integrated Monitoring Enforcement Group (IMEG) na pinamumunuan pa rin ni Col. Romeo Caramat, Jr., at ang deputy group commander for administration na si Lt. Col. Ariel Red.

Sa puntong ito, gusto nating ipagbigay-alam sa kinauukulan ang ipinarating na sumbong ng isang Chinese businessman sa inyong lingkod.

Palibhasa, isa siyang Filipino-Chinese, hindi niya malaman kung security guard ba mismo sa Aseana Center sa Macapagal Boulevard o traffic enforcer ng Paranaque o Pasay City ang dalawang ulit na nangotong sa kanila.

Ang nasisiguro ng nagrereklamong Tsinoy ay apat ang mga ungas na kotongero na nakamotor pa at nakaunipormeng kulay blue.

Aniya, bandang alas-4, Sabado ng hapon (August 24), dalawang tauhan niya ang magde-deliver ng ilang pirasong ‘container box’ o mga ‘microwavable box’ na ginagamit sa pag-take out ng pagkain sa isang restaurant sa Macapagal Boulevard.

Munting negosyo ito ng Tsinoy nating kaibigan bilang suporta na rin sa kapwa Chinese na nagmamantini ng restaurant, malapit sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa naturang lugar.

Ilang piraso lang ang kanilang deliver na kasyang-kasya sa isang Toyota Hi-Ace Van.

Base sa sumbong ng Pinoy na driver, hinarang daw sila ng apat na traffic enforcer saka pinalibutan ang kanilang sasakyan.

Diumano, colorum daw ang nasabing van na walang permit  para magdala ng ilang piraso ng kargamento. Wala rin daw plaka ang kulay gray na Hi-Ace dahil conduction sticker lamang mayroon ito.

Ipinaliwanag ng Pinoy na driver na kaunting boxes lamang ang laman ng kanilang van at  sa pagkakaalam nila ay hindi na ito nangangailangan ng permit. Bukod pa riyan, hindi sila pumi-pick up ng pasahero.

Nagpakita ng ‘temporary clearance’ ang mga biktima, patunay na kaya wala pang plaka ang kanilang van ay dahil kabibili lamang nito.

Maraming pinagsasabi ang apat na tolonges na traffic enforcers. Kesyo i-impound daw nila ang nasabing van para magbayad ng malaking halaga.

Sa takot ng mga empleyado,  tinawagan nila ang kanilang amo. Hindi ‘fluent’ managalog ang tinutukoy nating Fil-Chi businessman at nang mabosesan na ‘tunog’ Chinese ang nasa kabilang linya ng telepono, doon na naningil ng P50,000 ang mga traffic enforcer at kung hindi ay hihilahin daw nila ang van para i-impound.

Sa puntong iyon, tumawag ng abogado ang Chinese businessman at kinausap sa telepono ang mga kotongerong enforcer. Nang maipaliwanag na mali ang violations na tinutukoy ng mga ungas, bigla silang nagbago ng tema ng pananalita.

Pagbaba ng telepono, isang enforcer ang nagsabi na hindi naman daw naka-seat belt ang driver at pahinante, bagay na itinanggi uli ng mga biktima.

Para matapos ang usapan, nagbigay na lang ng P2,000 ang mga biktima.

Nangyari ito sa likod ng Golden Bay restaurant sa may Filinvest Building sa Macapagal Boulevard na alam na alam ng mga traffic enforcer na walang CCTV sa nasabing lugar.

Sa kuwento pa ng ating kaibigan, noong nakalipas na buwan, isa ring Chinese businessman ang nakotongan ng mga traffic enforcer sa naturang lugar. Ang ibinibintang na kaso sa kanya ay nagmamaneho naman habang gumagamit ng cellular phone.

Para hindi na humaba ang usapan, nagbigay daw ito ng P1,000 sa apat ding traffic enforcer sa naturang lugar.