Home>Editorial>Opinion>70 taon na ang Civil Code

70 taon na ang Civil Code

PITONG dekada na ang Civil Code ng Pilipinas ngayon Agosto 30,2020. Dahil bar exam subject ang Persons na aking itinuturo, hind puwedeng pa bandying- bandying ang pagsasalin ng kaalaman.

Nagkaroon ako ng dahilan upang matuto akong gumawa ng sarili kong power point presentation (nakakatatlo na ako), gumawa ng quiz, poll survey at mag-post ng araling bahay sa MicroSoft Teams app. Nakagamit din ako ng mga Youtube videos na pinapanood ko sa aking mga estudyante. At synoptic reading ang aking ginagawa. Hindi lang isang libro ang aking binabasa. Anim na libro ang sabayan kong inaaral upang makabuo ako ng kompletong pagpapaliwanag ng mga prinsipyo ng batas upang madaling maintindihan ito. Dagdag pa rito ang mga bagong desisyon ng Korte Suprema na kailangan ko rin basahin.

Sinusunod ko ang socratic method sa salaysayan sa synchronous classes. Nakakatuwa ang karanasan ko dito. May estudyanteng ang anak ay naglalaro sa kanyang likuran habang nagsisikap sumagot sa salaysayan, may estudyanteng pang-Miss Universe ang posing habang nakikinig sa klase, may estudyanteng sumisipsip sa straw ng kanyang milk tea, mayroon din madiskarte at pilit na pinauulit sa akin ang tanong dahil pangit daw ang kanyang audio pero halatang nagkukumahog hanapin ang sagot sa kanyang aklat, may estudyanteng noo lang ang kita ko sa kamera.

Ang Civil Code ng Pilipinas ay mayroong 2,291 artikulo, nahahati sa apat na aklat (Book 1, Persons; Book 2, Property, Ownership, and its Modifications; Book 3, Different Modes of Acquiring Ownership; Book 4, Obligations and Contracts) at nakasulat sa wikang Ingles. Ang batas na ito ang pumalit sa lumang 1889 Spanish Civil Code na pinatupad sa Pilipinas ng anim na dekada.

Binuo ni Pangulong Manuel L. Quezon noong 1940 ang isang Code Committee upang magbalangkas ng sariling civil code na sumasalamin sa kultura, tradisyon, pananaw at paniniwala ng mga Pilipino na papalit sa 1889 Spanish Civil Code na masyadong occidental ang dating. Ang komite ay pinamunuan ni Punong Mahistrado Ramon Avancena, at nila Mahistrado Jose P Laurel at Antonio Villareal, Dr. Jorge Bocobo at Dr. Pedro Ylagan. Dinagdag noong 1941 sila Mahistrado Alex Reyes at Mariano Albert. Si Hukom Roberto Concepcion at 1st Assistant Solicitor General Jose BL Reyes, na parehong naging mahistrado rin ng Mataas na Hukuman, ang tumayong General Consultants ng komite. Nagpatuloy ang trabaho ng komite kahit may digmaan. Sa kasamaang palad, karamihan ng mga papeles ng komite ay nawasak sa pagpapalaya ng Maynila noon 1945.

Ang naudlot na pagsusulat ng bagong civil code ay binuhay ni Pangulo Manuel Roxas noon Marso 1947 sa kanyang pagbuo ng isang Code Commission. Ang mga miyembro ng komisyong ito ay sila Dr. Jorge Bocobo, Hukom Guillermo B. Guevarra, Dr Pedro Y Ylagan, Dekano Francisco Capistrano at Abogado Arturo Tolentino. Isinumite ng komisyon sa Kongreso ang kahuli-hulihang burador ng panukalang civil code noong Enero 1948, at ito’y ipinasa ng Kongreso noong Hunyo18,1949 bilang RA 386. Nagkabisa ito noong Agosto30,1950.

Ang istraktura ng Civil Code ay nakahulma sa Code Napoleon. Sa 2291 artikulo nito, tinatayang 25% ay kinopya mismo sa 1889 Spanish Civil Code, 32% ay mga probisyon na may dalang amyenda sa orihinal na lengwahe ng 1889 Spanish Civil Code at 43% ay tinuturing na mga bagong probisyon dahil wala ito salumang batas.

Ang pangunahing pilosopiya ng Civil Code ng Pilipinas ay ang batas sibil ng mga Romano na may halong Visigothic-Germanic, at dinagdagan ito ng mga konsepto at prinsipyo mula sa Inglatera at EstadosUnidos.

Ang mga inobasyon ng Code Commission ay ipinapalos ang jus civile at ang mga kabutihang asal ng Katolisismo na kininis nila San Agustin at Santo Tomas Aquinas gamit ang “ natural law” ng mga Griyego ng pilosopo tulad nila Socrates, Plato at Aristotel.

Sa madaling salita, ang ating Civil Code ay chopsuey na oriental at occidental. Kaisipang Griyego, tradisyon ng batas Romano at Visigoths, doktrinang Katoliko, impluwensiya ng mga Pranses at mga Amerikano at ugaling Pilipino na nagtataas sa mga kababaihan sa kanilang papel bilang kasosyo ng haligi ng tahanan sapangangalaga ng pamilya.

Maliban sa Book 1 na pinalitan ng Family Code noong Agosto 3, 1988 , walang binabago sa mga probisyon ng pitong dekada ng Civil Code ng Pilipinas. Ito ay ebidensya na mahusay ang pagkakabalangkas nito ng Code Commission na pinakinggan ng Kongreso ng mga panahong iyon.

Ang batas ay ipinapalos ang kultura, tradisyon at mga asal! at ugali ng lipunan nagtataguyod nito. Darating din ang araw na mabubuksan ang isipan ng mga Pilipino sa panukalang diborsiyo at same sex marriage. Alam ko may susutsut at magsasabing bawal ang mga ito sa bibliya.

Ang masasabi ko lang sa kanila, ilagay natin sa tamang konteksto ang panahon ng bagong tipan partikular sa mga aklat na sinulat ni Pablo. Nakakahiyang aminin ngunit bibliya rin mismo ang hawak sa kaliwang kamay at latigo sa kanang kamay ng mga puting amo na bumubusabos sa mga negro na hindi tinuturing na tao. Hindi lang sa Estados Unidos, kung hindi pati rin sa South Africa ay umiral din ang baluktot na paggamit ng bibliya. Sabi nila hindi naman bawal ang pang-aalipin sa mga sulat ni Pablo. Mukhang tama si Dekano Pacifico Agabin, “ang pag-unlad ng batas ay binabansot ng relihiyon”.

Publication Source :    People's Tonight