Accomplishment ni Gen. Ylagan, sinisira ng isang sarhento

December 04, 2019

WALA pang dalawang buwang nakakaupo sa puwesto si Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan pero nagpamalas na siya ng dedikasyon at seryosong paglaban sa iligal na droga at kriminalidad.

Sa katunayan, sunud-sunod ang matagumpay na panghuhuli ng mga hepe ng pulisya ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela sa mga big-time drug pushers at wanted persons, bukod pa sa mga operasyong ikinasa ng iniupo niyang hepe ng District Special Operation Unit (DSOU) na si P/Lt. Col. Giovanni Hyacenth Caliao na siya ring pinuno ng District Drug Enforcement Unit  (DDEU) at District Intelligence and Investigation Division (DIID).

Dumayo pa nga sa Maynila ang grupo ni Lt. Col. Caliao para dakpin ang dalawang big-time drug pusher na nagpapakalat ng droga sa Caloocan at Navotas na kanilang nakuhanan ng malaking halaga ng shabu.

Pero ang pagtutok pala nina Brig. Gen. Ylagan at Lt. Col. Caliao sa paglaban sa kriminalidad at droga ang sinamantala ng isang alyas Sgt. Lito para makopo raw ang koleksiyon ng intelihensiya sa mga gambling lords sa CAMANAVA area.

Nagpakilala raw kasi si Sgt. Lito na bata siya ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Brig. Gen. Debold Sinas at siya rin ang bagman ng naturang tanggapan kaya sakop niya ang buong Metro Manila.

Matagal na raw kasing kilala ni Sgt. Lito ang mga gambling lords dahil noon pa man ay siya na ang umaaktong kolektor ng mga nauupong mga district director ng Southern at Northern kaya’t pag-upo pa lamang ni Gen. Ylagan, nagsimula na siyang mag-ikot at bitbit pa ang pangalan ni Gen. Sinas.

Eto ang masakit, ipinanghingi na rin daw ni Sarhento sa mga gambling lord ang pambili ng mga kagamitan para sa tanggapan ng NPD Director dahil naging ugali na raw ng mga umaalis na district director na kunin ang kanilang nahingi ring gamit para sa kanilang bagong tanggapan kaya kailangan ni Gen. Ylagan ng bagong kagamitan.

Ay sus, kawawa naman si Gen. Ylagan kung totoo na pati siya nagamit ni Sarhento sa panghihingi. Sabi nga raw ng isang gambling lord, sobra naman daw kung maka-arbor sa kanila na para raw naglilipat-bahay.
No gift policy

Nanawagan si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa mga mamamayan ng lungsod na iwasang magbigay ng anumang uri ng regalo sa mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan. dahil may ipinaiiral silang panuntunan na tinaguriang “No Gift Policy”.

Ayon kay Mayor Rex, responsibilidad at trabaho nila ang maglingkod sa mamamayan kaya hindi na dapat pa silang pagkalooban ng anumang uri ng regalo dahil ang wastong pagbabayad lamang ng buwis ay sapat na sa kanila.

Ayaw na kasi ni Mayor Rex na maulit pa ang ginawa niyang pagsibak noong nakaraang taon sa mga miyembro ng Solid Waste Management Office na tumanggap ng regalo na ang ikinatuwiran ay maliit lang na halaga at hindi naman nila hinihingi.

Sabi ng alkalde, puwedeng i-report ng publiko ang lalabag sa panuntunan at sa hindi magandang pag-uugali ng kanilang mga kawani sa Human Resources Management Office sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono: 8352-10-00 at trunk lines na-1121, 1122, 1124 at 1127.

Samantala, nilinaw naman ni Valenzuela City police chief P/Col Carlito Gaces na walang insidente ng kidnapping na naganap sa lungsod at nanawagan siya sa publiko na maging kalmado at maging mapagmasid.

Ayon kay Col. Gaces, inatasan na niya ang kapulisan na magsagawa ng 24-oras na pagpa-patrol at checkpoints at hiniling sa publiko na itawag kaagad sa kanila kung may mapansing grupo ng kalalakihang may kahina-hinalang kilos.
Trailblazer award

Pinatunayan ng Navotas City Hospital (NCH) ang magsisikap na maisulong ang mahusay at mabuting pamamahala matapos tanggapin noong nakaraang linggo ang Silver Trailblazer Award mula sa Institute for Solidarity in Asia (ISA).

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, sumasalamin ang parangal sa patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na mapabuti ang serbisyong pangkalusugan at mapanatili ang tapat na pangako na ipagkaloob ang pinakamagandang serbisyo habang isinusulong ang kapakanan at kagalingan ng bawa’t Navoteño.

Kabilang sa mga pagbabagong isinulong ng NCH ang pagbuo ng Office of Strategic Management (OSM) at Multi-Sector Governance Council (MSGC) at ang kasalukuyang inaayos na maging secondary level at upang masiguro na mapapanatili ang mahusay na serbisyo, pinayagan ng lokal na pamahalaan na maging karagdagan nilang budget ang 20 porsiyentong kita ng pagamutan.

Nagsasagawa rin ang ospital ng mga advocacy projects, na pinangungunahan ng mga dalubhasang manggagamot upang maisulong ang malusog na pamumuhay at ang preventive health care habang sumanib din sa Tondo Medical Center para sa pagpapatupad ng Electronic Ticketing System para sa epektibong patient referral.

Kamakailan pala ay nakatanggap din ang NCH ng pagkilala bilang isa sa mga Strong Partner in Health Service Delivery ng PhilHealth.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 092334783