Agapan ang pagbaho ng Sta.Maria, Bulacan!

MAUNLAD nang bayan ang Sta. Maria, Bulacan!

Isa itong 1st class municipality na may kabuuang 256,454 populasyon, base na rin sa 2015 census ng National Statistics Office (NSO).

Ito rin ang sinasabing ‘Chicharon capital’ dahil dito matitikman ang pinakamasarap na chicharon na ubod ng lutong at malinamnam na puwedeng ulamin o pulutan.

Nahahati sa 24 na barangay, pang ‘Top 5’ sa kabuuang ‘ranking’ ng mga munisipalidad sa buong Pilipinas ang Sta. Maria town.

Ang kanilang assets ay aabot sa P1.5 billion na pinakauna sa ranking sa ‘assets on bank’ sa buong lalawigan.

Kaya kahit sabihin nating ikalawa sila sa may pinakamaraming populasyon sa Bulacan – sunod sa San Jose Del Monte City – kahanga-hanga ang paglago ng negosyo at kabuhayan sa Sta. Maria.

Salamat sa maayos na pamamalakad nina Mayor Russel Pleyto, Vice-Mayor Quirino Bueneventura at sa buong Sangguniang Bayan.

May panawagan lang po tayo sa kanila. Baka po puwede n’yong silipin uli ang tapunan ng inyong basura sa Camachile St., Bgy. Tierra.

Malapit po ito sa eskuwelahan na halos likod lamang ng paradahan ng Del Carmen Bus na pag-aaari ng ating butihing Bise-Alkalde.

Ang sumbong po kasi sa atin, nangangamoy ang itinatapong basura rito. Patuloy na dumarami  ang langaw at lamok, hindi lamang sa Bgy. Tierra, kundi pati na rin sa mga katabi pang barangay.

Hindi ko masabi kung iyon na ba talaga ang ‘dumpsite’, ngunit labas-pasok dito ang 'garbage truck’ para magtapon ng gabundok na basura.

Ayon sa sumbong,  hinuhukay ang lupa rito para doon itapon ang basura at muling tatakpan ng lupa.

Sa pagkaaalam ko, bawal ito base na rin sa itinatadhana ng Republic Act 9003 o ang tinatawag na ‘systematic, comprehensive and ecological solid waste management program na nasa ilalim ng pamamahala ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu.

Matagal nang gustong magreklamo ng mga residente ng Sta. Maria, ngunit natatakot sila dahil baka sila pag-initan ng lokal na pamahalaan.

Sinabi ng  mga residente na wala silang masabing masama sa liderato nina Mayor Pleyto at Vice-Mayor Buenaventura dahil parehong magaling ang dalawang opisyal.

Ngunit baka lamang anila nakalilimutang malaman ang tunay na sitwasyon ngayon sa lugar ng tapunan ng kanilang basura.

Sa tuwing may dumaraang trak ng basura, may mga natatapong maruruming bagay sa kanilang kalsada.

Bukod pa sa katotohanang nangangamoy na rin ang naturang lugar at nakalalanghap na sila ng masamang hangin.

Ang mabigat pa, iyong katas ng basura ay napupunta na rin sa katabing ilog.

At alam nating ngayong panahon ng tag-ulan, isa sa malapit na pagmumulan ng sakit ang hindi magandang ‘waste management’ ng isang lugar.

Nariyan ang paglipana ng langaw sa umaga, lamok sa gabi. Ang masaklap,  hindi na rin makatulog sa  gabi ang ating mga kababayan dahil sa masangsang na amoy na minsan ay masakit sa baga, hirap sa paghinga at nagiging sanhi ng paminsan-minsang pag-ubo.

Ilan sa sintomas ng taong may COVID-19 ay ang  hirap sa paghinga at pag-ubo kaya 'vulnerable' na kapitan ng nakamamatay na virus na 'to ang mga taong mahihina ang baga at pulmon.

‘Wag sanang magtampo  sina Mayor Pleyto sa atin dahil wala po tayong dahilan upang siraan ang bayan ng Sta. Maria, Bulacan.

Ituring n’yo pong pagtapik lamang ito sa inyong mga balikat na baka nga sa sobrang ‘busy’ ninyo sa pagkalinga sa ating mga  kababayan ay hindi na ninyo namamalayan na baka tumaas ang bilang ng magkakasakit na taga-Sta. Maria – hindi sa COVID19 -- kundi sa dengue, malaria, sakit sa baga at ‘skin disease.’

Maigi pong hangga’t maaga ay masagip natin sa ganitong uri ng sakit ang pinakamamahal ninyong bayan

Gusto ko ring idirekta ang sumbong na ito kay DENR Spokesman at Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Unit Concern Benny Antiporda.

Pareng Benny, baka puwede mong papasyalan ang bayan ng Sta. Maria, Bulacan at sakaling may mapatunayan na may mali sa sistema ng pagtatapon ng basura ay maturuan sila ng tamang 'waste disposal system.'

May mga pictures ako rito na puwede kong ipadala sa office mo Usec. Benny, anytime!

Batid kong sa ganda ng 'performance' n'yong dalawa ni Sec. Cimatu-- lalo na ang Duterte's legacy na paglinis sa Boracay island at Manila Bay rehabilitation -- ay hindi mapupunta sa 'waste of time' ang ganitong uri ng ating panawagan.

Mabuhay po kayo, Mayor Pleyto at mabuhay din ang mga taga-DENR!