Agarang hustisya, sigaw ng mga biktima ng karahasan

April 30, 2019

NANG ihatid sa kanyang huling hantungan ang dalagitang pinaslang kamakailan sa Tondo, Manila makaraang mapagkamalang nang-onse sa bentahan ng shabu, bumuhos ang pagdadalamhati kahit pa nga napaslang na rin ang salarin ilang oras bago siya ilibing.

Naalala ko tuloy ang mga kuwento noon ng mga antigong pulis-Maynila na nauunang ilibing ang isang kriminal kapag pulis ang kanyang napatay. Instant justice ika nga lalo na’t noon pa man ay napakabagal ng gumulong ang hustisya sa bansa.

Hindi naman daw kagustuhan ni Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, ang hepe ng Manila Police District (MPD) Station 1, na patayin ang salarin na si Jade Ayson bagama’t hindi na talaga ito maiiwasan dahil nanlaban talaga ang suspek.

Kung tutuusin, tama lang naman ang naging desisyon ni Col. Magdaluyo lalo na’t hindi madaling tumugis ng isang kriminal na walang awa kung pumatay ng kanyang kapwa.

Maging si MPD Director Brig. Gen. Vicente Danao, Jr. ay pumuri sa mabilis na aksiyon ng kanyang opisyal at ito naman talaga ang inaasahan niya sa mga itinalagang station commander.
Kung mabilis pumuri si Gen. Danao sa kanyang magagaling na opisyal, madali rin naman siyang magpasiya na sibakin ang sinumang hindi makakaabot sa kanyang pamantayan tulad ng ginawa niyang agarang pagsibak sa isang station commander. Yan ang magaling na opisyal.
Si  Bato ang wagi sa debate

NAGKAROON na naman ng pagkakataon ang mga senatoriable na ipamalas ang kanilang galing at talino sa pagdedebate matapos magdaos ang CNN ng debate noong weekend. Full force ang Otso-diretso dahil alam nating kailangang-kailangan nila ng publicity ngayon dahil karamihan sa kanila ay laglag sa mga survey. Sa admin at independent naman ay hindi rin natinag si Bato, Glenn Chong at Raffy Alunan.
Ang daming humanga sa tindig ni dating PNP Chief Bato na mag-isang binuhay and debate at sinalag lahat ng banat ng mga kandidato ng Otso-diretso. Sa totoo lang nagkaroon ng anghang yung debate dahil sinagot niya isa-isa yung banat ng kabila.

Tama naman siya sa mga punto niya sa mga usapin sa West Phil Sea dahil ano ba ang inginangawngaw ng mga dilawan e hindi ba’t sa kanila nagsimula ang problemang ito? Ano rin ba idinadakdak ni Alejano eh hindi ba’t si Trillanes na ka-partido nya ang nagbackdoor-negotiator sa Tsina noon at nagbalitaktakan pa sila ni dating Senate president Enrile  noong 2012 dahil sa Brady’s notes na naglahad ng mga nangyari sa pakikipag-usap ni Trillanes sa mga Tsino?

Praktikal din naman ang mga sinabi ni Bato lalo na sa usapin ng disaster management. Marami rin naman tayong batas at minsan ang problema talaga ay ang implementasyon. Dahil kahit pagkadami-dami pa ng batas o polisiya na yan, kung hindi naman napapatupad ng maayos sa ibaba ay balewala rin

Mala-teleserye pa nga dahil may part na kinuyog si Bato ng mga Otso-diretso ng bigla silang magtayuan papunta sa kanya at tila kokomprontahin at buti na lang ay inawat kaagad ni Alunan habang kalmado lang naman si Bato.

Hindi naman maikakaila na talagang maraming matalinong kandidato, maraming alam at maraming opinyon sa ibat ibang isyu. Pero siguro ang aral dito ay dapat matuto tayo na hindi naman talino lang ang kailangan. Walang kwenta ang talino kung hindi maisasakatuparan. Yun ang inilamang ni Bato. Lahat ng argumento niya at lahat ng isinagot niya ay nanggaling sa sarili niyang kasanayan sa serbisyo publiko kaya hindi mo mabobola ng kung anu-anong galing lang mag-argumento.

Sa tingin ko, yung tapang na ipinakita ni Bato kahit alam niyang outnumbered siya ng kalaban, ay hindi matatawaran. Doon napabilib ako, si Bato ang wagi.

Trabaho at edukasyon

EDUKASYON at trabaho ang tinututukan nina Navotas City Mayor John Rey Tiangco at kapatid na si Cong. Toby Tiangco para sa mabilis na pag-unlad ng kabuhayan ng mga Navoteño.
Sa katunayan 113 Navoteño ang nakapagtapos na sa iba’t-ibang technical-vocational courses na handog ng Navotas Vocational Training And Asessment (NAVOTAAS) Institute. Kabilang na ang 11 nagtapos ng Korean language class.

Kumpiyansa si Mayor John Rey na may naghihintay na magandang kinabukasan sa mga nakapagtapos kaya’t pinayuhan niya ang mga ito na paunlarin ang kanilang sarili lalo na’t sinisikap nilang mabigyan ng oportunidad ang bawa’t isa na maabot ang kanilang kakayahan.

Ayon naman kay Cong Toby Tiangco, nagbukas na rin ang lungsod ng bagong training center sa Bgy. Daanghari at tumatanggap na ng mga enrollee para sa kursong Food and Beverage Services, Cookery, Barista, Hilot o Wellness Massage at Massage Therapy

Sabi pa ni Cong. Toby, isa pang training center ang malapit nang buksan sa Bgy. North Bay Boulevard South-Kaunlaran para magturo naman ng mga kurso sa contact center servicing, animation and visual graphics, carpentry at iba pa.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644