Aguilar umaksiyon sa sinirang CAA Road

October 29, 2019

UMAKSIYON si Las Pinas Mayor Imelda Aguilar sa sinirang CAA Road sa Barangay Pulang Lupa. Ito ay matapos ang sangkatutak na reklamo.

Dati kasing patag ang CAA Road na isang major thoroughfare na nagdudugtong sa Las Pinas at Paranaque at nagsisilbing daan papasok at palabas ng mga pangunahing subdibisyon.

Nasira ang daan matapos itong bungkalin ng isang hinayupak na utility company upang kumpunuhin ang mga sirang linya ng tubig sa ilalim ng CAA Road. Binungkal ngunit hindi ibinalik sa dati.

Maraming aksidente at malalang trapik ang naidulot ng pagpapabaya ng nasabing water company. Sana ay magsilbi itong aral sa Las Pinas government.

Hindi pa tapos ang pagsasaayos ng CAA Road ay nagbibigay pugay na tayo kay Ate Meldy sa kanyang sagot sa reklamo ng taumbayan.

Mabuhay ka meyor!
Produktong may ASF pangalanan

Bakit nga ba ayaw pangalanan ng Department of Agriculture itong sinasabi nilang mga meat processor na may African Swine Flu ang mga produkto?

Nababahala tuloy itong si Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo na posible itong makaapekto sa suplay ng pagkain at presyo ng mga ito sa merkado.

May mga local government kasi na ipinagbabawal sa kanilang lugar ang mga produkto na may ASF. Kung hindi papangalanan ng DA ang mga ito, malamang na ipagbawal ng mga naturang LGU ang lahat ng meat products.

Eh paano naman ang mga Pilipino na umaasa sa mga produktong ito ngayong parating na Pasko? Hindi ba’t biglang tataas ang presyo ng ibang produkto dahil dito?

Kaya naman hiniling ng mambabatas sa DA na maging ‘transparent’ ito para na rin sa kapakanan ng publiko. Ito ay para na rin sa kabutihan ng mga kumpanya na gumagawa ng meat products na hindi naman kontaminado ng ASF.

Samantala, nilinaw ni Castelo na hindi mapanganib ang ASF sa kalusugan ng tao. Ang problema na ibinibigay ng ASF ay ang pagkalugi ng mga negosyo tulad ng mga magbababoy dahil namamatay ang kanilang mga alaga. Ito rin ang dahilan ng ban na ipinapatupad ng mga LGU.

Mahimbing ang tulog sa Veterans  Village

Mapalad itong mga taga-Barangay Veterans Village sa Quezon City dahil gising at kumikilos ang mga opisyal nito lalo na sa usapin ng kaligtasan ng mga residente at kaayusan ng kanilang lugar.

Maituturing na isang biyaya ang makatulog sa gabi dahil batid ng taumbayan na hindi natutulog ang nagsisilbing bantay ng komunidad.

Bente-kwatro oras ang serbisyo ng mga tanod sa Veterans Village at buhay ang closed circuit television o CCTV nito. Kaya kahit hindi ‘gated’ ang village, magdadalawang-isip ang isang masamang element na gumawa ng krimen sa Veterans.

Susundan natin ang mga yapak ng Veterans Village na unti-unting nagiging modelong barangay matapos nitong matugunan ang problema ng trapik at illegal vendors sa paligid ng Munoz Market gayundin ang illegal parking sa loob ng kanilang subdivision.

Sa totoo lang, isang pribilehiyo na ngayon ang tumira sa isang lugar na walang problema sa trapik at malinaw pa ito sa sikat ng araw sa Veteran Village.

Sa pangunguna ni Barangay chief Josefina Landingin at kagawad Bong Oteyza, marami pang ibubuga ang Veterans Village na pakikinabangan ng mga mamamayan nito.

**

For comments, please call or text 0956901281