Ahon Malabon

December 17, 2018

BAGO ang lahat binabati ko si Ms. Catriona Gray bilang ika-apat na Pilipinang nag-uwi ng korona ng Miss Universe.

Mahirap sagutin ang itinanong sa kanya sa Q and A portion lalo na’t galing siya sa bansang desididong tapusin ang salot na iligal na droga. Kung nararapat bang payagan na ang paggamit ng marijuana ay usaping humahati pa sa mga Pilipino.

Sa isang banda ay ang mga nais na mawala na nang tuluyan ang anumang klase ng ganitong mind-altering substances. Meron namang ilang sektor sa lipunan, gaya ng kasamahan natin sa Kongreso na si Congressman Rodito Albano, na naniniwalang may pakinabang sa medisina ang marijuana.

Ayon kasi sa ilang pag-aaral, may kemikal sa marijuana na maaaring gamiting lunas sa ilang karamdaman gaya ng epilepsy. Bukas pa sa debate ang usaping ito.

Pero habang pinag-uusapan pa kung maaaring payagan ang paggamit ng marijuana for medicinal purposes, dapat ay panatalihin natin ang status quo. Bawal ito at labag sa batas ang paggamit nito. Kapag inabuso, masama ang epekto nito sa pag-iisip ng user lalo na sa mga kabataan.

Kaya naglalagay tayo ng mga programa sa Malabon City para mailayo sila sa tukso ng paggamit ng mga iligal na gamot gaya ng marijuana.

Nitong nakaraan lang, pinasinayaan natin ang bagong gawang building ng Malabon City Science and Mathematics High School sa Barangay Hulong Duhat. Habang inilalayo natin ang mga anak natin sa mga bisyo, inilalapit naman natin sila sa ganitong oportunidad upang makapag-aral ng patungkol sa agham.

Dagdag pa rito ang inilunsad nating Maritime High School sa Santiago Syjuco Memorial High School sa Barangay Ibaba. Habang nag-aaral dito ang ating mga anak upang maging seaman, naghihintay na sa kanila ang ilang shipping companies gaya ng Philippine TransMarine Carriers.

Sabi nga ni Vice Mayor Jeannie Sandoval, hindi sapat na payuhan lang natin nang payuhan ang mga kabataan na umiwas sa droga. Dapat ay maglahad tayo sa kanila ng mga oportunidad para makamit nila ang kanilang mga pangarap. Kaya bukod sa iba’t ibang school buildings na ipinatayo ng Department of Education sa Malabon City, patuloy din ang pakikipagtulungan natin sa Commission on Higher Education para sa financial grants para sa mga mag-aaral.

Marami rin sa ating mag-aaral ang pumapasok sa mga paaralan sa may Espanya, Blumentritt, o Taguig. Kaya malaking tulong ang north line extension ng Philippine National Railways sa may Gov. Pascual para mas mabilis at mas kumportable ang byahe.

Nitong linggo nga, inorasan ko ang byahe mula Malabon hanggang Taguig. Inabot lamang ito ng 27 minuto. Malayong-malayo kung ibang paraan ng pagco-commute ang gagawin.

Sa tala ng PNR, ito ang unang pagkakataon na may tren sa Malabon sa loob ng 20 years. Naging posible ito sa pakikipagtulungan natin sa Department of Transportation.

Sa pakikipagtulungan natin sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, unti-unti kaya nating iahon ang Malabon.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)