Home>Editorial>Opinion>‘Akala mo kung sino!’

‘Akala mo kung sino!’

MADALAS ko itong marinig sa aking mga kaibigan kapag inirereklamo ang mga nasa posisyon, mga pulis, mga sundalo, mga barangay chairman, kagawad, tanod or kahit pa mga kapwa ko nasa media.

Akala mo kung sino!” Ito lang naman ang tumpak na kahulugan ng “self-entitlement” kaya kung minsan, marami kang maririnig na hugot mula sa kung kani-kanino tungkol sa pambibiktima ng mga ganitong klase ng tao.

Iyong kontrobersiya sa driveway ng Starbucks sa Taguig kamakailan sa pagitan ng isang lady Grab driver at isang police captain ay isang kaso lang ng “akala mo kung sino.” Lumilitaw na ayaw lang itabi ng kapitan ang kanyang sasakyan para makadaan ang lady Grab driver, hayun, lumaki na ang isyu. Nagkasanga-sanga na ang problema.

Kung hindi dahil sa kaisipan na “self-entitlement“, wala sanang naging problema. Iyong uusog ka lang saglit para may makadaan, tapos na sana, hindi na nauwi sa demandahan at sakitan.

May isang pagkakataon, nasa waiting line ako para sa parking ng Trinoma habang hinihintay ang lalabas na sasakyan, biglang sumingit ang Expedition na may plakang PNP 111.

Ako dapat ang paparada dahil may ilang minuto na kaming waiting. Dahil nga sa kaisipang “akala mo kung sino“, inagaw ang parking slot na ako na sana ang kasunod.

Hinintay kong bumaba ang driver hindi naman bumababa. Iniisip niya siguro dahil PNP 111 ang plaka niya, aalis na lang ako at hahanap ng ibang parking slot. Ako na lang ang bumaba at lumapit sa driver.

Sinabi ko sa kanya na mali ang kanyang ginawa dahil nakapila kami sa parking. Madiin pero mahinahon kong sinabi sa kanya, hindi porke’t naka-PNP plate ka puwede mo nang gawin yan kahit kailan mo magustuhan. Pero sabi ko, dyan ka na rin, hahanap na lang ako ng iba. Ang importante lang, napamukha ko sa kanya na mali ang “akala mo kung sino ka” mentallity.

Kahit sa mga barangay, pansinin nyo, ang mga abusado ay anak ng barangay chairman or anak ng mga pulitiko. Aminin na natin, may ganyan naman sa kahit anong propesyon, kahit pa kami sa media ay guilty rin sa “self-entitlement.

Ito iyong tingin kong dapat mawala sa ating lahat, lalo na sa mga nasa posisyon. Maraming problemang idinudulot ang pagiging hambog at ganitong klase ng mentalidad. Pambubuli ito sa mga mahihina na sumisira sa reputasyon ng pagiging awtoridad or ano pa mang posisyon ang ating hinahawakan.

Palagi kong itinuturo sa aking mga anak ang pagiging mapagpakumbaba dahil marami na akong napanood na nauwi sa masamang sitwasyon ang ibinunga ng “self-entitlement.

Karamihan sa mga nakita nating road rage ay nagsimula lang din sa simpleng hindi pagbibigayan. Kailangan kasi siya ang mauna, dapat walang haharang sa kanyang dadaanan dahil nga sa “self-entitlement. Ang ending, nagkabarilan!

Sa huli mo na maiisip na maliit na bagay ang pinagmulan na kung nagparaya or nagpakumbaba ka lang, pareho sana kayong maayos nakauwi sa inyong pamilya.

Hindi ba’t ganyan din ang nangyari sa naeskandalong kongresman? Kakapkapan sana siya sa pagdaan sa security section ng airport pero hinawi niya ang kamay ng airport police at hinablot pa ang ID.

Kongresman ako, kakapkapan mo ako!” Hindi ba’t kaisipan ito ng pagmamalaki sa hawak na posisyon? Mayroon lang lumabas na CCTV footage sa totoong nangyari kaya nabawasan ang ganitong kilos ng mga pulitiko.

Isipin nating mabuti kung gaano karaming nasa kapangyarihan ang self-entitled na hindi nabubuking sa mga lugar na walang CCTV.

Ang bottomline ng lahat ng ito, sabi nga sa isang awitin ng Asin, sino man o ano ka man, tuldok lang tayo na hindi dapat nagpapairal ng kaisipang “akala mong kung sino!

He who loves transgression loves strife and is quarrelsome, sabi sa Proverbs 17:19.

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV