Alaala ni Manoy!

MAY dahilan para magluksa ang buong industriya sa pagyao ng beteranong aktor na si Eddie Garcia sa edad 90 noong nakalipas na Huwebes.

Kung tutuusin, hindi lamang showbiz industry ang nakaramdam ng lungkot at ‘panghihinayang’ sa pagkawala ni Manoy, kundi mayorya ng sambayanang Pilipino na rin.

Sino ba naman ang hindi makakakilala sa kanya. Mula sa pagiging premyadong aktor,  action star, kontrabida, drama at komedya,  isa rin ito sa matagumpay at iginagalang na director at producer ng pelikulang Pilipino.

Hanggang ngayon ay wala pang nakabubura sa record niya sa FAMAS Hall of Fame na tumanggap ng award mula sa pagiging Best Actor, Best Supporting Actor at Best Director.

Sa pitong dekada nitong pamamayagpag sa showbiz, mahigit 600 pelikula at tv shows ang kanyang nagawa, labas pa rito ang 37 pelikulang idinirek niya.

Ang mga pelikulang ito ang nagbigay saya at ligaya sa halos pitong henerasyon ng ating kasaysayan. Labas pa rito ang iniambag sa bayan nang una siyang maging beteranong sundalo mula sa Philippine Scouts noong World War II na ipinadala sa Okinawa, Japan.

Larawan ang beteranong aktor ng isang talentadong Pinoy na mula sa mga binuong pangarap noong  kabataan ay napagtagumpayan at gumawa ng kasaysayan sa mundong kanyang kinakatawan. Isang kasaysayan na tunay na malaki ang naiambag sa lipunan.

Sa personal na karanasan, una nating nakasalamuha si Manoy taong 2004.

Kasama tayo sa mga embedded journalist noong mga taong iyon na ipinadala ng Journal Group of Publications para ikober ang presidential campaign ng yumaong Fernando Poe, Jr. – ama ni Senadora Grace Poe.

Ang edad ni Manoy noong panahong iyon ay 75-taong gulang.

Sa mga hindi nakaaalam, mahirap po ang ‘national campaign’ tuwing elections.

Lahat ng malalaking probinsya ay pinupuntahan ng kandidato. Hindi lamang init ng araw, siksikan ng tao ang nakapapagod dito, kundi pati na rin ang puyat gabi-gabi sa bawat ‘campaign rally.’

Mula kick-off ng kampanya, nakasampa na si Manoy bilang emcee sa kandidatura ni FPJ na ang katiket noon ay si dating Senadora Loren Legarda. Ang kanilang ‘campaign manager’ ay si Senador Tito Sotto at katuwang niya sa kampanya sina dating Makati City Mayor Jejomar Binay at noo’y Congressman Chiz Escudero na ‘spokesman’ ng partidong Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP).

Sa entablado, walang kapagud-pagod si Manoy sa pagpapasaya sa mga tagasuporta ni FPJ, gayundin sa buong senatorial line up nito.

Napapatawa niya ang lahat at nailalahad nang maayos kung anong tulong ang puwedeng magawa sa bayan ni Da King sakaling maging presidente ng Pilipinas.

Madalas ay sumasama rin sa kampanya ang Hari ng Komedya na si Dolphy. Pero ang sigurado tayo, si Manoy ay walang absent sa campaign sorties at si Pidol ay may ilang probinsiya na hindi napupuntahan—siguro’y dahil sa kalusugan o may iba pa itong personal na ginagawa.

Isang gabi ng kampanya sa Cebu City, nagpatawa si Dolphy sa mga Cebuano. ‘Tinawag nitong tonto pa gihapon’ si noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Umani ito ng batikos sa ilang kritiko na mabilis ipinanghingi ng paumanhin ni Pidol sa Malakanyang.

Si Manoy, nasa entablado man ng kampanya o kainan sa oras ng kampanya, patawa-tawa lamang ito sa aming mga media.

Ramdam mo sa kanya ang pagiging simple, magalang at walang kayabang-yabang na nilalang. Kahit alam niyang ilan sa mga nagkokober kay FPJ noong mga oras na iyon ay medyo ‘hostile’ sa manok niyang kandidato.

Huli nating naisulat si Manoy nito lamang Marso 18, 2019 nang iendorso rin niya ang kandidatura ng nagbabalik na Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr.

Sa tagal sa showbiz ni Eddie Garcia, wala tayong natandaang kinasangkutan nito na matinding kontrobersiya o iskandalo sa showbiz. Hindi rin ito nangarap pumasok sa pulitika, pero kapag kaibigan niyang pulitiko ang kumakandidato, palagi itong nasa tabi nila para personal silang ikampanya.

Bukod sa milyun-milyong fans, malaki ang hatak nito sa kampanya. Si Manoy ay isang true blooded Bicolano kaya kapag ikaw ang inendorso nito, asahan mo...
nang malaki ang nakukuhang boto mula sa mga Oragon nating kababayan.

Sa isang panayam, sinabi ni  Senate President Sotto na nagpaplano siyang maghain ng resolusyon upang kilalanin ang kagalingan ng kaibigan dahil sa  malaking ambag nito sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Pabor din tayong parangalan siya bilang National Artists dahil ito ang nararapat sa mga ipinakitang galing at husay sa sining na tunay na nagpalakas sa industriya at nagbigay kasiyahan sa ating lahat.

Pitong henerasyon iyon na hanggang ngayon ay walang pang nakatatapat.
At sana, ang mga planong ito para sa dakilang pagkilala kay Manoy ay maibigay agad sa lalong madaling panahon.

Saludong pamamaalam po sa inyo, Sir Eddie Garcia!