Alisin ang other fees ng mga private schools

Ang mga private schools ay naniningil ng tuition fees at “other school fees” taon-taon. Ang magandang balita,hindi sila nagtaas ng tuition fees sa taong ito. Ang masamang balita, ang “other school fees” ay pinababayaran pa rin ngayong taon ng mga private schools. Dapat itong alisin sapagkat hindi na maaaring maganap ang mga gawain na pag-uukulan ng nalikom na “other school fees” sa nagbagong anyo ng normal sa edukasyon.

Hanggang walang bakuna at gamot sa COVID-19, at kahit mahigpit pang ipatupad ang anuman social distancing sa silid paaralan, walang pribadong paaralan ang makapagbibigay ng garantiya na ligtas ang buhay ng mga estudyante at titser sa kanilang paaralan sa COVID-19. At walang magulang ang ipangangahas na mabilad sa panganib ng COVID-19 ang kanyang  mahal na anak para lang isalba ang maluluging pribadong paaralan.

Ang sarap naman ng buhay ng mga private schools kung hindi nila aalisin ang other school fees. Sila ba ay   nabubuhay sa maling akala na tapos na ang panganib ng COVID-19 kaya’t ang iniisip ninyo ay balik na ulit sa dating mga gawain  sa edukasyon?  Inaakala  ba ninyo na hindi naghihikahos ang mga pamilya ng inyong mga estudyante dahil middle class sila? Napakarami sa kanila ay nasa  negosyo  sa turismo at mga restaurant na   walang kinikita mula pa Marso at mukhang hindi na makakabawi sa nalalabing 7 buwan ng 2020  at  sa 2021 dahil sa COVID-19 social distancing.

Ang inyong paniningil ng other school fees ay katulad lang ng tindero na gumagamit ng timbangan na may daya. Kinasusuklaman  ito ng Diyos  (Kawikaan 11:1) samantalang may pangako ng mahabang buhay sa may tamang timbangan (Deutoronomio 25:13).

Kahit ibinaba na sa GCQ ang  Metro Manila at ibang mga karatig rehiyon mula Hunyo 1-15,2020, patuloy pa rin ang banta ng kamatayan ng COVID- 19 at kailangan pa rin ipatupad  ang social distancing kaya sinabi na ng DepEd  noong Mayo 28,2020 na  hindi puede ang  dating normal na  harapan ng mga estudyante at guro  sa silid paaralan (face-to-face classroom instruction) .

Ito ay pagtalima ng DepEd sa  IATF guideline para sa   mga mamamayan na ang edad ay 20 taon gulang pababa at mga senior citizens, na manatili sa mga tahanan nila dahil ang dalawang pangkat ng edad  na ito ay pinangangambahan na  madaling mahawahan ng COVID-19 . Samakatuwid, hindi na tutuntong ang estudyante sa mga pampublikong paaralan para sa SY2020-21. Study at Home (SAH) ang bagong normal sa edukasyon. Kung kaya itong ipatupad sa pampublikong paaralan ay ibang talakayan na.

Dahil dito, maraming mga  gawain  sa dating normal ang hindi na maaaring maganap sa  bagong normal sa edukasyon maging sa mga pribadong paaralan tulad ng sportsfest, school fair, graduation, first communion, class picture taking, field trip at retreat at klase sa physical education na gumagamit ng mga palaruan ng paaralan at social science practicum tulad ng TulongAlay Sa Kapatid,( TASK)  at adopt a school. Wala na rin bata na mahihilo o mawawalan ng malay o sasakit ang ngipin na kailangan dalhin sa medical at dental clinic ng paaralan.

Hindi na kailangan ng bata ng school ID na ipapakita sa pasukan ng paaralan. At ang tinaguriang salu-salo ng mga magulang at mga guro ng kanilang mga anak ay hanggang sa panaginip na lang. Ang mga gawaing ito ang  paglalaanan ng pera mula sa “other school fees”. Maliwanag na nawalan na ng  katwiran para singilin pa ito.

Ang COCOPEA (Coordinating Council of Private Education Associations),  na nagbabala na malulugi ng P142.1B ang mahigit 2,500 pribadong paaralan kung  kakanselahin ang school year sa taong ito sapagkat wala silang pang pasweldo sa guro at staff , ay dapat magkusa na paliwanagan ang kanilang mga miyembrong paaralan na alisin ang mga “other school fees “ para sa mga gawain na hindi na magaganap sa bagong normal sa edukasyon.

Pebrero pa lang pinasara na ang mga paaralan. Wala ng naganap na retreat at field trip sa  SY 2019-20 pero walang refund na ibinalik ang mga paaralan sa mga magulang. Hindi po ba unjust enrichment ito? Paano kaya kayo magtuturo ng katapatan at “golden rule” sa mga bata ?  Ang inyo bang interpretasyon sa golden rule ay kung sino ang may hawak ng ginto ang siyang masusunod?  May isang pantas ang nagwika na ang tao ay binabago ng pangyayari.  Ang pandemic ng COVID-19 ang pangyayaring nagbago sa buhay at pag-iisip ng tao.  Mga private schools, makipagbayanihan kayo sa mga magulang para lahat ay makatawid sa mga hamon ng COVID-19.