Alisin na ang mga Protocol Plates

November 17, 2018

BALIK Wang-Wang na naman ang mga opisyales ng pamahalaan at ng mga nagpapanggap na sila ay opisyales din o di kaya ay kaibigan o kaanak ng mga ito. Nakakainis ito para sa taong bayan na ipit sa trapik lulan ng pribado o pampublikong sasakyan. Hindi ito dapat kunsintihin ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Panahon na marahil para magpalabas ng kautusan  na bawiin ang lahat ng mga protocol plates sa bansa. Kahit protocol plate para sa Presidente, Bise-Presidente, Pangulo ng Senado, Ispiker ng Malaking Kapulungan at ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema ay hindi dapat itira. Ito lang ang nakikita kong paraan upang matigil na ang pang aabuso sa kalsada tulad ng pag counter flow, hindi paghinto sa pulang signal, at reckless driving ng mga sasakyan na may mga protocol plates na pinapagamit sa matataas na opisyales ng pamahalaan nasyonal.

1958 pa lamang sa panahon ni Presidente Carlos P Garcia, ulol na ulol na ang mga opisyales ng pamahalaan sa paggamit ng mga Protocol Plates o plaka ng kanilang sasakyan. Biruin ninyo mula numero 1 para sa kasalukuyang Presidente ng bansa at sunu3d-sunod na numero para sa iba pang opisyales ng pamahalaan nasyonal  hanggang sa numero 100 para sa dating Presidente ay may protocol plate.   Pati nga ang personal na doctor ng Presidente ay may Protocol plate na 33. Ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan tulad ng Mayor at Gov ay mayroon din mga Protocol Plate na nag-uumpisa sa 201 hanggang 250. Nakisawsaw na rin ang mga opisyales ng iba’t ibang diplomatic missions sa bansa tulad ng Dean ng Diplomatic Corp na gamit ang Protocol Plate CM-101, mga Ambassador CM 102 hanggang CM 120 at mga consular agents  CC-200 ( Executive Order No 287 Series of 1958 and Executive Order No 374 Series of 1960).

Dahil sa dami ng mga gumagamit ng Protocol plates at marahil dahil sa pagmamalabis ng mga mayroon nito, ipinalabas ang Executive Order 505 Series of 1978 ni Pangulong Ferdinand E Marcos para bawiin ang lahat ng mga protocol plates at pinawalang bisa nito ang dalawang kautusan ni Garcia.

Sa panahon naman ni Pangulo Gloria Macapagal Arroyo, lumabas ang Executive Order 400 Series of 2005 at Executive Order 400-A Series of 2006 na nililimitahan na lamang ang protocol plates mula 1 para sa Pangulo hanggang 17 para sa mga hukom ng First Level Court tulad ng Metropolitan, Municipal at Municipal Circuit Courts at mga Prosecutors ng DoJ. Para sa plakang 8, dapat may marking ang Protocol plates kung anong Congress( 14th, o 15th o 16th Congress)  kabilang ang kongresista at ano ang kanyang Distrito na kinakatawan.

Nilinaw ng LTO na ang huling protocol plates na 8 ay para sa 16th Congress lang ( 2013-2016). Wala silang nilabas na plakang 8 para sa kasalukuyang 17th Congress (2016-2019).  Samakatuwid, ano mang sasakyan na may plakang 8 ngayon ay lantarang lumalabag sa batas at dapat hulihin ng mga alagad ng batas. Kahit na kongresista ang lulan ng sasakyan, dapat pa rin hulihin sapagkat pekeng plakang 8 ang kanyang gamit.

Kung nuong 1978  nagawang bawiin ang protocol plates ni Pangulong Marcos, kayang kaya rin gawin ito ni Pangulong Duterte ngayong 2018.