All’s well that ends well

NAAYOS na ang ‘sigalot’ sa pagitan ng mga senior at neophyte senators!

Ito’y matapos ang kanilang ‘hapunan’ sa mansyon ni Senador Manny Pacquiao sa Dasmarinas Village, Makati City kamakalawa ng gabi.

Dumating sa ‘caucus’ sina Senate President Tito Sotto, Senate Pro-Tempore Ralph Recto, Majority Leader Migz Zubiri, Senators Gringo Honasan, Loren Legarda, Dick Gordon, Sonny Angara, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Grace Poe at Nancy Binay. Dumating din ang mga nagbabalik na senador na sina Lito Lapid, Bong Revilla; at siyempre ang mga bagitong senador na sina Imee Marcos, Bong Go, Bato dela Rosa at Francis Tolentino.

Hindi nakarating sina Senators Lacson, Koko Pimentel, Pia Cayetano at Cynthia Villar. Si Pimentel ay may okasyon sa kanilang pamilya, gayundin si Lacson na nagdiwang naman ng kanyang kaaarawan kasama ang mga mahal sa buhay. Samantalang si Cayetano na tumawag kay Sotto ay nasa abroad pa nang maganap ang pagpupulong. Si Villar naman ay may ibang ka-meeting, ayon sa kanyang staff.

Dahil sa nangyaring pag-uusap, naniniwala si Sotto na mapananatili niya ang puwesto bilang Senate President sa nalalapit na pagbubukas ng 18th Congress ngayong darating na Hulyo 22.

Bagaman hindi napag-usapan nang pormal ang tungkol sa SP leadership, napagtuunan ng pansin sa pulong ang tungkol sa tradisyon at kultura ng Senado, gayundin ang kahalagahan ng pagiging ‘independence’ ng institusyon.

Sumulat na rin ng kani-kanilang ‘prepared at priority committee chairmanship’ ang mga papasok na senador na aayusin ng mayorya sa mga darating na araw kasabay ng pagkilala sa prinsipyo ng ‘equity of the incumbent.’

Nabatid na gusto ni Go na hawakan  ang Committee on Health. Gusto rin sana nito ang Committee on Education, ngunit kung hindi makuha ay nakahanda siyang maging vice-chair ng nasabing komite.

Naialok din kay Go ang Committee on Sports, gayundin ang Urban Planning Committee.

Tulad ng naunang sinabi ni Lacson, ibibigay kay Dela Rosa ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs at inaalok din sa kanya ang Peace and Unification Committee.

Nais umano ni Marcos na hawakan ang Social Welfare and Rural Development Committee, samantalang ibibigay kay Tolentino ang Committee on Local Government.

Sa puntong ito, sinabi ni Sotto na halos 95 percent na ring plantsado ang hatian sa committee chairmanship at naniniwala siyang maaayos na nang tuluyan ang ilang ‘kalituhan’ nitong nakalipas na araw.  
Kung matatandaan, nagbanta si Tolentino na may bagong puwersa sa Senado ngayon – ang Hugpong ng Pagbabago – na maaaring magluklok ng bagong Senate President.

Sinabi ni Marcos na si Tolentino umano ang nagtutulak kay Villar upang maging kapalit ni Sotto, bagay na pinalagan ng mayorya na humantong pa sa paghahain ng resolusyon ni Lacson bilang pagpapakita sa liderato ni Tito Sen.

Nagkaroon din ng ‘tensiyon’ sa nakalipas na sesyon sa Senado nang pagsabihan ni Villar sina Pimentel at Pacquiao na wag siyang isama sa ‘nagaganap na kaguluhan’ sa ‘Senate leadership.’

Tinangka kasi ni Pacquiao na papirmahin sa resolusyon si Villar, bagay na tinanggihan ng senadora.

Sa ganang akin, maganda ang ipinakitang pagkakaisa ng mga ‘incumbent’ at ‘incoming senators.’

Naipakita ng mga beteranong mambabatas na dapat matutong rumespeto sa kanila ang mga bagitong senador.

Alam nating hindi rito matatapos ang bantang kudeta laban kay Sotto.

Aminin o hindi ng ilang malalapit kay Villar, naunsyami ang pangarap nilang magkaroon ng kauna-unahang babaing Senate President na itatala sana sa kasaysayan ng Senado.

Pero hindi rin natin minemenos ang kakahayan ni Ma’am Cynthia dahil bukod sa naging number 1 ito sa nagdaang senatorial mid-term elections, ang partido nitong Nacionalista Party ay nananatiiling matatag sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso.  

Mula kina Recto, Cayetano at Marcos, malakas din ang hatak ni Villar mula naman sa sinasabing puwersa ni Tolentino na HNP na pinamumunuan ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Wag sana nating kalimutan na si Inday Sara ang dahilan kaya napatalsik sa nagdaang State of the Nation Address (SONA) bilang  Speaker of the House of Representative si Cong. Bebot Alvarez.

At ang kakayahang ito ng presidential daughter ay maaari ring mangyari sa Senado kung hindi magiging maingat si Sotto.