Amin na lang si Yorme

December 19, 2019

SINALUBONG ng magandang balita ang umaga ng maraming miyembro ng Philippine media industry kahapon matapos patawan ng guilty verdict ang pamilya Ampatuan kaugnay sa pagpaslang ang mga mamamahayag sa Maguindanao  nuong 2009.

Ito ay patunay na gumugulong ang hustisya sa ating bansa sa tulong ng hindi mabayarang hurado, matatag na mga tagapagreklamo at gising na taumbayan.

Pinatunayan din ng desisyon na  hindi pinatatahimik ng bala ang malayang pamamahayag  kailan man, bagkus lalo itong umiingay sa ngalan ng katotohanan.

***

Nakalulungkot na hindi lahat ng Manilenyo ay marunong magsamantala sa tinatamasang pagbabago ng kanilang lungsod.

Minsan lang sa mahabang panahon dumarating ang mga lider tulad ni Manila Mayor Isko ‘Yorme’ Dumagoso pero may mga matitigas talaga ang ulo sa Maynila na ayaw magbago.

Una sa listahan natin ang mga makukulit na illegal vendor na dapat pa raw nating pasalamatan dahil naghahanapbuhay sila (ng iligal) sa halip na magnakaw.

Pangalawa ang mga drayber ng jeep na ginagawang illegal terminal ang mga kalsada tulad na lamang sa Tayuman at Legarda na pihadong pinatatakbo ng mga sindikato na hindi yata takot kay Yorme.

Pangatlo ang mga makakapal pa rin ang mukha na ang akala ay isang malaking basurahan ang Maynila. Tapon dito at tapon doon gayung may basurahan naman na lalagyan ng kalat.

Pang-apat ang mga may sasakyan na ginagawang parking lot ang sidewalk kaya naglalakad ang mga mamamayan sa mga peligrosong kalsada.

Malaki ang potensiyal ng Maynila na maayos ang ganitong mga problema  at maging isang modelong syudad  kahit sa larangan ng kaayusan at disiplina dahil may lider silang ginagamit ang ‘political will’ para sa pagbabago.

Pakisama lang naman ng mga barangay captain at mga residente ang kailangan upang magtagumpay ang plano ng Manila mayor.

Ayaw n’yo ba kay Yorme? Amin na lang yan.

***

Umabot na sa Kongreso ang usapin ng vaping at electronic cigarettes matapos tuligsain ang naturang industriya sa kaligtasan ng mga produkto nito.

Dumalo sa isang joint committee hearing ng House of Representatives ang mga dayuhang eksperto sa tobacco control kung saan ipinaliwanag nila na mas ligtas ang paggamit ng vape at e-cigs kumpara sa nakagawiang paninigarilyo.

Masalimuot ang usapin sa industriya ng vaping at e-cigs ngunit sa simpleng salita, sinasabi na mas ligtas ang mga ito kesa sa sigarilyo dahil walang nagaganap na pagsunog ng tabako sa mga naturang gadget. Ang pagsunog ng tabako ang dahilan ng mga sakit sa paninigarilyo.

Walang nagaganap na pagsunog ng tabako sa vaping at e-cigs. Sa halip, pag-init lamang ng tinatawag na ‘juice’ ang nagaganap sa paggamit ng mga naturang gadget.

Kaya nga ang kanilang adbokasya ay ‘heat not burn’.

***

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com