‘Amoy murder,’ ’di engkuwentro

December 13, 2018

BAGO ang lahat, ‘congratulations’ sa lahat ng mga departamento at ahensiya ng gobyerno na ang mga panukalang badyet para sa susunod na taon ay inaprubahan na ng Senado ngayong linggo.

Sa “kalendaryo” ng Senado, ngayong linggo magtatapos ang sesyon nito para sa 2018 (adjournment) at muling magbubukas sa Enero 14, 2019.

Kumbaga, ‘photo-finish’ ang  “paghimay” ngayon ng ating mga mambabatas sa ating gastusin sa susunod na taon kaya naman ngayong linggo ay mistulang ‘full-pack’ na sinehan ang Senado, hehehe!

Sa partikular, binabati natin ang buong “pamilya” ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sa pangunguna nitong ating kaibigan, si ex-AFP chief, Ed Año dahil nga “aprub” na ang higit P223 bilyon na proposed budget nito.

Aber, “bulong” pa nga sa atin ng kanyang ‘SPA’ (Senior Police Assistant) na si C/Supt. Pipoy Natividad, palaging “puyat” at “nalilipasan” ng gutom si Sec. Ed dahil sa dami ng trabaho at dapat asikasuhin, kaya naman sa pagdeklara kahapon ng Senado na “aprub” na ang ‘DILG budget,’ napansin natin na naging “maaliwalas” na ang kanyang mukha, yeheyy!

Kasama naman sa mga opisyal na puwede nang “huminga ng maluwag” ay si Chief PNP Oscar Albayalde dahil ‘approve without reduction’ ang badyet ng PNP.

At kudos din sa PNP top brass, sa pangunguna ni NCRPO director, Guillermo Eleazar, sa ipinakita nilang ‘solid support’ sa kanilang “boss.”

Oops! Pasensiya na rin kung si Dir. Eleazar lang ang nabanggit ko dito, kasamang Non Alquitran hindi ba, dahil siya lang naman talaga ang “malapit” at “paborito” ng buong sektor ng media, hehehe!

At siyempre, kudos din sa mga senador, partikular na kay Sen. JV Ejercito na “tumayo” bilang ‘defender’ at ‘sponsor’ ng DILG sa plenaryo.

* * *

Napag-usapan na rin lang ang PNP, “pagpupugay” kay Calabarzon police director, Ed Carranza, sa kanyang desisyon na sibakin at imbestigahan ang mga pulis sa Rizal PPO, partikular na ang mga kasapi ng Cainta Police Office.

Ang aksyon ni RD Carranza ay hinggil sa “pekeng engkuwentro” ng mga hindi pa natutukoy na mga ‘police-criminal’ kay Richard Santillan, bodyguard naman ni Biliran congressman at ‘election reform advocate,’ Atty. Glen Chong.

Hindi natin kilalang personal itong ‘rubout victim’ na si Santillan at kahit itong si Atty. Chong, mga kabayan.

Subalit ang sinapit ni Santillan ay patunay lang na marami pa ring mga “mersenaryong elemento” sa hanay ng PNP.

Aber, kahit naman mga “bagito” na ‘police reporter’ at kahit ordinaryong mamamayan hindi kayang paniwalaan ang “bersyon” ng Rizal at Cainta PNP na ‘legitimate encounter’ ang nangyari sa pagitan nila at Santillan, noong madaling araw ng Lunes.

Batay na rin sa mga litrato na inilabas ni Atty. Chong sa kanyang FB account at sa kanyang salaysay -- at kung “ikukumpara” sa “nilubid” na “istorya” ng mga pulis -- “plain murder” ang nangyari at hindi “legitimate encounter.”

Ayon sa ‘police version,’ “nanlaban” ang “grupo” ni Santillan (apat daw silang lahat na pawang miyembro ng isang “sindikato”) matapos ang isang maiksing  “habulan” (‘brief chase’) kung saan napaslang ito, ang kanyang kasamang babae habang “nakatakas” naman ang dalawa pa nilang kasamahan.

Eh, sa litrato ng sasakyan at pagkumpirma ng SOCO matapos ang rubout,  aba’y aabot sa 30 bala ang tumama sa sasakyan (isang Toyota Fortuner) na gusto pa ring palabasin ng mga pulis na isang ‘hot car’ (dahil hindi umano rehistrado).

Aber, mantakin ninyo yan, mga kabayan, 30 bala ang tumama sa sasakyan -- harapan, tagiliran, likuran -- pero yung dalawang “kasamahan” (daw) ni Santillan, nagawa pang makatakas?

Tanong: Kung totoo ang bersyon ng mga pulis, nasaan na ang mga ito?

Ayon na rin kay Chong, isa lang ang ‘service firearm’ ni Santillan na siya pa ang nagbigay at dahil “kapatid” pa nga ang “turing” niya dito, alam niyang hindi ito nagdodroga.

Galing din umano sa isang ‘gift-giving project’ (charity work) si Santillan at kung ang pagtulong sa kapwa, para sa Rizal at Cainta PNP ay gawain ng isang “sindikato,” aba’y “kaawaan” natin, mga kabayan, ang bansang Pilipinas!

Sa ganang atin at pananaw ng mga miron, “planted” lahat ang mga baril at shabu na umano’y “nakuha” ng mga pulis sa loob ng sasakyan -- na pag-aaari pala ng isang kongresista, ito ngang si Rep. Chong, kaya, paano naging ‘hot car’ yan, aber?

At kung ‘girlfriend’ nga ni Santillan ang babaeng kasama niya, eh, kayo ba, dear readers, magiging marahas at pasaway ba kayo sakaling “parahin” kayo ng mga pulis sa isang ‘checkpoint’ na alam ninyong ang resulta ay posibleng magpahamak sa inyong dalawa?

Sa halos dalawang dekada na rin naman natin bilang police beat reporter, marami na tayong nakitang “drowing” na engkuwentro ng pulis at mga elementong kriminal.

At ang ginawang ito ng Rizal at Cainta PNP ang “isa” na sa mga “pinakapangit” ang ‘script.’

Kaya ang tanong, “magkano” ang ibinayad sa mga pulis na ito ng ‘mastermind’ para paslangin itong si Santillan?

Sakali namang bigla ring mamatay ang ilan sa mga kriminal na pulis na ito dahil “nang-agaw” ng baril o “nagbigti” matapos “makonsensiya,” aba’y “okay” na rin siguro bilang “hustisya” naman dito kay Santillan.

Kasehodang “pangit” din ang ‘script,’ hehehe! Abangan!