Home>Editorial>Opinion>Anak ng pusa naman kayo!

Anak ng pusa naman kayo!

NATODAS ang nananahimik na alagang pusa ng pamilya De Guzman sa Mendez Road, Baesa, Quezon City dahil nabagsakan ng nahulog na tubo mula sa scaffolding ng ginagawang Crown building.

Nasa bubungan din si Lito na padre de pamilya at amo ng pusa dahil inaayos ang mga yero na naapektuhan ng katatapos na bagyo. Buwenas pa rin at nakailag ang amo dahil kung nagkataon, kasama siya ng pusa sa namatay.

Nagpadala sa akin ang pamilya de Guzman ng larawan ng namatay na pusa at ng nawasak na bubungan.

Ang una kong ipinayo sa pamilya ay ireklamo sa barangay at itanong kung may building permit ang construction dahil nakapagtatakang walang safety nets para sana naiwasan ang ganoong aksidente.

Or sa city hall na dahil matagal na umanong walang aksiyon ang barangay sa kanilang reklamo.

Dahil masama ang loob ng anak ni Lito na si Marian na siyang may-ari ng pusa, sabi ko ay tumawag sila sa Paws or Philippine Animals Welfare Society kaya hinanap ko ang numero sa internet para ibigay sa kanila.

Sa sama ng loob ni Marian sa pagkamatay ng pusa, naisugod pa siya sa ospital dahil mula sa pagkakuting ay alaga na niya iyon. Nang nakabalik sa bahay, tinawagan ni Marian ang Paws.

Hindi nakuha ni Marian ang pangalan ng kanyang nakausap pero ang sabi sa kanya, alamin ang head ng construction, kung may building permit at ireklamo sa barangay. Sabi ng Paws, susuportahan sila sa kaso kapag may laban. Anak ng pusa, para sa akin, double meaning ang salitang “kung may laban.” Puwedeng tutulong sila habang tumatakbo na ang kaso or kaya naman, titingnan muna kung may pag-asa ang kaso bago sila sumuporta.

Ano ang ibig sabihin ng Paws sa ganoong pahayag? Katulad din ba sila ng sinabi sa Barangay Baesa na “pusa lang naman yan?”

Maraming beses na natin nakita ang Paws na kasama lagi sa isyu ng mga minamaltratong aso, pusa o anumang hayup. Pati nga pagkatay sa KFC chicken sa ibang bansa, ipinagtatanggol ng animals right group dahil sa pagmamahal nila sa hayop.

Hindi ko naman inaasahan na ganoon ang kanilang isasagot sa Paws dito sa atin. Sana man lang kinuha ang detalye or address ng pinangyarihan or magparamdam naman sila ng konting pagkatao sa kaso ng hayop. Dahil hindi nila ginawa ang natural na rules of engagement sa nagsusumbong sa kanila, ang pakahulugan sa salitang “kung may laban” ay tingnan muna nila kung mailalabas sa media!

Kung para sa ibang tao or sa barangay ay pusa lang ang namatay, pero para sa de Guzman, bahagi iyon ng kanilang pamilya.

Ang susunod na tanong, ano naman ang pananagutan ng Crown Building? Nanawagan tayo kay Mayor Joy Belmonte na aksiyunan ang kasong ito kung walang pagkilos ang barangay. Hindi lang ito para sa kapakanan ng pusa bagkus ay para rin sa kaligtasan ng mga taong posible pang mabiktima ng kapabayaan ng construction management.

***

Isa ang aming lugar sa pinakamatagal na nawalan ng kuryente matapos ang bagyong Ulysses. Nawalan ng power ng 4:30 a.m., Thursday, nagkaroon lang mga bandang 7:18 p.m.

May mga nasunog palang high tension power line sa harapan ng aming bahay kaya kinabukasan ay nawalan na naman ng kuryente. May mga pumutok din sa paligid kaya nag-text tayo kay Meralco spokesman Joe Zaldariaga alyas Boy Tisoy para ilapit ang problema dahil buong community namin sa area ng Barangay Tandang Sora, Quezon City ang apektado. At baka rin kasi maging sanhi ng sunog ang umuusok na high tensiyon wire.

Salamat kay Joe at sa buong Meralco sa maagap nilang aksiyon, naayos na rin noong Friday ang nasunog na wire kaya nakahinga na ng maluwag ang aming mga kapitbahay.

Iboboto ko na si Joe sa 2022 bilang Pangulo– ng Meralco!

allanpunglo@

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV