Ang hiwaga ng Salmon Flea Market sa Caloocan

September 04, 2019

SERYOSO si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sa paglilinis ng mga sagabal sa lansangan at kahit  barangay hall na itinayo sa bangketa ng kanyang mga ka-alyadong punong barangay ay ipinagiba niya.

Naglabas din siya ng direktiba sa mga punong barangay na tumulong sa paglilinis ng mga sagabal sa nasasakupan nilang lugar, lalo na ang mga bangketa at lansangan

Dito nga lang sa kahabaan ng Salmon Street sa Barangay 8, hindi lang ang Flea Market na sumasakop sa bangketa ng Salmon Street ang ipinagiba ni Chairman Honesto Gaton kundi maging ang satellite office ng city health department na nakatayo sa bangketa.

Kaya nang muling itayo ang Flea Market sa lugar, natuwa ang mga naapektuhang vendor dahil inakala nila na muli silang makapagtitinda.

Ang kaso, bigo sila dahil isa palang “organizer” at hindi si Chairman Gaton ang nagtayo ng Flea Market na ngayon ay sumisingil ng malaking bayad sa mga nagnanais makapagtinda..

Tingin tuloy ng mga vendor at maging ng Kabesa, nautakan sila ng organizer na may malakas daw na kapit sa isang opisyal ng Caloocan City Hall kaya’t naitayo ang Flea Market na mistulang pribado kung sumingil kada puwesto gayung sa bangketa nakatayo.

Isa raw alyas “Teri” ang itinuturong nagpapakolekta ng bayad sa mga umookupa sa Flea Market kaya’t walang kinikita mula rito ang lokal na pamahalaan at maging ng barangay na sumasakop sa lugar.

Ang alam ko, sa Maynila lang nauso noon ang pangongolekta ng “organizer” ng tong sa mga vendor na binuwag na ni Mayor Isko Moreno kahit pa nga nag-aalok daw ng P5 milyon kada araw huwag lang matigil ang vendors sa Divisoria.

Kung ganito ang estilo ngayon ng flea market sa Salmon Street, aba’y hindi malayong malaki ang ganansiya, kung totoo nga, ng isang alyas “Teri” dahil sigurado ako, hindi lang sa Salmon St. siya nag-organisa ng mga vendor kundi sa iba pang lugar sa Caloocan.

Masyado raw abala sa trabaho si Mayor Malapitan kaya’t baka naiisahan siya ng kanyang opisyal na nagpapahintulot sa isang organizer na gayahin ang dating estilo sa Divisoria.

Sobrang bait daw kasi ng alkalde sa kanyang mga pinagkakatiwalaang mga opisyal kaya ang ilan sa mga ito ay inaabuso ang kanyang kabaitan.
Drug- cleared barangay

HINDI nagkamali ng desisyon si Navotas City Mayor Toby Tiangco na isulong ang paghahati upang maging tatlo ang isang malaking barangay ng North Bay Boulevard South (NBBS) noong siya pa ang kongresista dahil madali nang nasugpo ng mga nakaupong opisyal ng barangay dito ang paglaganap ng iligal na droga.

Noon lang kasing nakaraang linggo, idineklara ng Philippine Drug Enformcement Agency (PDEA) ang NBBS Kaunlaran sa ilalim ni Chairman Federico Natividad, Jr. at NBBS Proper ni Capt. Elvis Desabile na drug-cleared habang noon pang buwan ng Abril ay una nang naideklara ang NBBS Dagat-Dagatan.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, mas madali na ngayon ang drug clearing operation sa NBBS dahil matututukan na ng mga kabesa ng barangay ang lugar, hindi tulad noon na mahirap masawata ang droga dahil sa napakalaking bilang ng populasyon sa lugar.

Batay sa 2015 census, ang NBBS ang pinaka-mataong barangay sa Navotas, na may 70,934 residente o 28 porsyento ng populasyon ng lungsod at pangalawa rin sa pinakamalaking barangay na may 254 ektarya.

Maliban nga pala sa tatlong barangay ng NBBS naideklara na ring drug-cleared ang Tanza I, Tanza II, Navotas East, Navotas West, at San Rafael Village.
Rep. Sandoval

Hindi man pinalad sa nakaraang halalan, tuloy pa rin ang serbisyo ng mag-asawang dating Malabon City Rep. Ricky Sandoval at Vice Mayor Jeannie dahil nakatutok pa rin sila sa pagmo-monitor sa kanilang proyekto tulad ng pagtiyak na masimulan ang P50-M Spillway project sa Barangay Panghulo na sagot sa pagbaha sa lugar, pati na ang mga napondohan ng pagpapatayo ng school buildings at classrooms sa maraming public schools sa lungsod tulad ng PISAY sa Hulong Duhat High School na hahasa sa talento at katalinuhan ng mga estudyante sa larangan ng science and mathematics.

Naisabatas din kasi ni Sandoval ang pagtatayo ng Coast Guard Hospital pati na ang pagtatayo ng 200-bed capacity ng San Lorenzo Ruiz General Hospital sa suporta na rin ni Pangulong Duterte.

Ganyan sana ang mga pulitiko, hindi tulad ng iba na kapag hindi nagwagi, tigil na rin ang serbisyo at wala na ring ganang tumulong sa mga residente lalo na sa mga lugar na wala o konti lang ang nakuha nilang boto.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363.