Ang masamang amoy ng Cabuyao, Laguna!

HANGGANG ngayon ay puno ng alikabok ang mga kalsada sa Tagaytay, Talisay, Tanauan, Alfonso at iba pang bayan na malapit sa Bulkang Taal.

Likha ito ng ashfall na ibinuga nang sumabog ang bulkan noong nagdaang Enero 12.

Kahit sa ilang bahagi ng Central Luzon at Metro Manila ay naapektuhan ng ashfall. Ibig sabihin ay ganito kalawak ang pamiminsala ng nangyaring pagsabog at posibleng mas lumala pa ito dahil hindi pa rin ibinababa ng Phivolcs ang alert level 4 sa Taal.

Ilang bayan sa Laguna ang naapektuhan din ng ashfall, lalo na sa Sta. Rosa at Cabuyao.

Naintindihan natin na hindi ganun kadaling maglinis ng kalsada, lalo’t alikabok ang kanilang wawalisin o tatanggalin.

Pero kung sandamakmak na alikabok at basura ang makakaapekto sa taumbayan, ibang usapan na ito.

Sa reklamong ating natanggap, hindi lang dumi ng ashfall ang ‘nagpapasikip sa kanilang dibdib’ ngayon.

Pati raw kasi santambak na basura ay matagal na nilang problema.

In fact, buwan ng Setyembre pa lang ay matagal na nilang inirereklamo ito sa tanggapan ni Mayor Rommel Gecolea.

Kaya kahit sa social media, marami na rin ang bumabatikos  dahil sa masyado nang mabaho ngayon ang buong Cabuyao, Laguna.

May 18 barangay ang lungsod. Ito ay  Barangay Sala, Poblacion Uno, Poblacion Dos, Poblacion Tres, Bigaa, Butong, Marinig, Gulod, Baclaran, Mamatid, Banlic, San Isidro, Pulo, Banay-Banay, Niugan, Casile, Pitland, Diezmo.

Pati mga residente sa malalaking subdivision tulad ng Mabuhay City, Southville, St. Joseph, Celestine, Birmingham, Camella Homes, San Isidro Heights, Centennial Homes, Mahogany 1 and 2, Villa Adelina, Katapatan Village, Shineland at Major Homes ay tila nawawalan na ng pag-asa  sa bumabaho nilang komunidad.

Nagtataka ang mga Cabuyawenyo kung bakit dati  araw-araw ay may humahakot sa kanilang basura, pero ngayon, madalang pa sa patak ng ulan kung magkaroon ng koleksiyon sa basura.

Sa loob ng 20 taon, ngayon lamang sa kanila nangyari ang ganitong uri ng problema sa basura at hindi malayong marami pang Cabuyawenyo ang magkasakit – bata man ito, matanda, babae, lalaki, bakla o tomboy!

Isipin na lang natin, gabundok na basura at abu mula sa Bulkang Taal, siguradong masama ito sa kalusugan!

Lalo na dahil itinatambak ang mga basura ngayon sa CABS (Cabuyao Atlethes Basic School), malapit sa may bagong gawang hospital. At ultimo hospital, ayon pa sa sumbong ay walang proper disposal ng kanilang mga hospital waste.

Mula umano nang magbago ng kontraktor, naging marumi na ang Cabuyao. Ang dati pong kontraktor sa Cabuyao ay Metro Waste na silang kontratista ngayon sa Batangas City, Lipa City at Tanauan.

Sa puntong ito, gusto nating manawagan kay Mayor Gecolea.

Para naman po bigyang pansin nito ang sumbong ng kanyang mga kababayan, lalo’t alam ng lahat na P15 million ang budget sa pagkolekta lamang ng basura.

Sana ay kumilos tungkol dito ang alkalde para mawala ang imahe na sila ang pinakamabahong lungsod sa buong Laguna province ngayon.