Ang mga ‘aral’ ng Halalan 2019

NAGSISIMULA na nga kayang “mamulat” ang mga Pilipino?

Ito ang tanong na naglalaro sa ating isipan sa pagtatapos ng ating ‘midterm election’ noong Lunes.

Palagi nating sinasabi, mga kabayan, na ang katatapos na halalan ang isa ring “hatol” sa administrasyong Duterte— sa mga naging polisiya at nagawa nito sa unang tatlong taon ng termino ni PDU30.

At batay sa resulta, partikular sa naging botohan para sa mga senador, ‘overwhelming’ pa rin talaga ang tiwala at suporta ng mga Pilipino sa ating mahal na pangulo.

Sa halalang ito, nakita rin natin na “nabigo” ang sabwatan ng CPP (gamit ang kanilang mga front organizations) at CIA (gamit din ang kanilang mga front organizations) na guluhin at tuluyang pabagsakin ang ating gobyerno sa plataporma ng galit, panlilinlang at paninirang-puri.

Partikular sa mga sagad-sagaring “ahente” ng CIA at mga lokal na naghaharing uri, ang Liberal Party (LP) ang kanilang mga bayarang propagandista na nagpoposturang ‘media,’ katulad ng Rappler, PCIJ, CMFR, NUJP at Vera Files, hindi lang ‘overwhelming defeat,’ bagkus, ‘overwhelming embarrassment’  at ‘overwhelming rejection’ ang sinapit ng kanilang hanay, isang pagkabigo na inaasahan nating makatutulong upang tuluyan nang “iwaksi” ng mga Pinoy ang higit na tatlong dekada nilang kontrol sa ating ekonomiya at pulitika.

Sa halalang ito, nakita natin ang naging “pandidiri” ng mga Pilipino sa mga nagpoposturang mga “disente” at mga “matitino” at “malilinis” dahil nabuking na ng karamihan sa atin ang kanilang pagiging mga ipokrito.

Sa halalan ding ito, nakita natin ang ‘latent political power’ ni Davao City mayor, Sara Duterte, kung pagbabatayan ang mga nanalong senador na kasama sa kanyang ‘Hugpong Ng Pagbabago.’

Masasabing ‘decisive factor’ ang ‘endorsement’ ni PDU30 at Mayor Sara kaya naman ang resulta?

Wala kahit isang “disente” na kandidato mula sa ‘Otso Diretso’ ang nakapasok sa ‘Magic 12’— maliban na lang kung ma-Hocus PCOS ng sindikato ng Comelec-Smartmatic si Bam Aquino— ang huling “simbulo” ng bulok, mapanlinlang at korap na paghahari ng mga Aquino at mga elitista sa nakaraang tatlong dekada.

‘Yun nga lang, sa lokal na antas, masasabing hindi pa rin talaga “tumatagos” ang “mensahe ng pagbabago” na kinakatawan ng kasalukuyang administrasyon.

Sa lokal na antas, kitang-kita ang patuloy na pagiging korap at mersenaryo ng karamihang Pilipino kung ang insidente ng ‘vote-buying’ ang pag-uusapan. Ayon na rin sa PNP at Comelec, “pinakamasahol” ang insidente ng vote-buying ngayong halalan.

At napansin pa natin, para sa ating mga kababayan sa probinsiya, “wa epek” sa kanila ang ‘Narco List’ ni Pang. Digong dahil, patunay ang panalo ng mga pulitikong bistadong sangkot sa iligal na droga.

Samantala, bagaman ang panalo ni Mayor Rody noong 2016 ang naging “inspirasyon” ng maraming kandidato upang pumasok sa larangan ng pulitika at makatulong sa kanyang hangad na mga pagbabago, hindi nila nagawang “tibagin” ang bulok na sistemang elektoral na nakabatay sa kuwarta at pandaraya.

Sa katatapos na halalan, muli ring napatunayan na isa nang malaking “kahibangan” ang patuloy na “pagtitiwala” ng Comelec sa ‘computerised voting system’ nitong damuhong Smartmatic.

Dahil sa kanilang “sobrang bilib” sa sistema at mga PCOS machines....
 nito, hindi dapat magtaka kung palagi na lang “palpak” at kahiya-hiya ang Comelec tuwing eleksyon dahil sa dami ng “sablay” nitong sistema ng Smartmatic.

Bagaman mahirap mapatunayan, kasama tayo sa naniniwala na hindi natigil ang sindikato ng Comelec at Smartmatic upang patuloy na “babuyin” ang ating mga eleksyon.

‘Yun nga lang, masasabing “disimulado” ang kanilang mga naging galaw upang mapanatiling kapani-paniwala ang mga resulta at maiwasan ang pag-aaklas ng taumbayan.

Sa natitirang tatlong taon ni PDU30, naniniwala tayong hindi ang ‘War on Drugs and Corruption’ ang dapat maiwan na ‘legacy’ ng ating mahal na Pangulo. Bagaman suportado natin ang mga ito, hindi sapat ang mga ito upang “maiwan” ni PDU30 na “nasa mabuting kamay” at “kalagayan” ang ‘Pinas sa pagbaba niya sa poder sa 2022.

Bagkus, ang isang seryosong kampanya upang ibalik ang integridad ng ating mga halalan.

Ang pagtitiyak na maiboboto ng mga Pilipino  sa mga susunod na eleksyon ang mga kandidatong gusto nila nang walang pagdududa sa integridad ng ating sistemang elektoral, this one, Mr. President, is the “best legacy” that you can leave behind to your people.

Abangan!!!