Home>Editorial>Opinion>Ang NPC sa panahon ng pandemya

Ang NPC sa panahon ng pandemya

SA patuloy na pagdami ng mga nagkakaroon ng COVID-19 sa bansa mukhang hindi natin alam kung kailan ba talaga ito matatapos.

Kaya habang wala pa ring natutuklasang gamot at bakuna para sa sakit na ito, patuloy tayo sa ganitong kalbaryo sa pang-araw-araw.

Talagang naging mahirap ang pandemyang ito sa ating mga Pilipino dahil alam naman natin na maraming nawalan ng trabaho. At siyempre hindi hiwalay ang midya sa ganitong problema. Maraming mga dyaryo ang napilitang magsara dahil dito na nagdulot ng malawakang kawalan ng trabaho sa hanay ng midya.

Kaya naman mula pa man noong una, ginawa natin sa National Press Club ang lahat ng ating makakaya upang makatulong man lamang kahit sa maliit na paraan hindi lamang sa ating mga kapatid sa hanapbuhay kundi sa lahat ng mga lumapit sa NPC sa panahon ng pandemya.

Sa kabuuan nakapagbigay tayo ng apat na wave ng ayuda sa ating mga miyembro kasama na dito ang isang special wave dahil sa perishable goods na atin ding ipinamahagi.

Bukod pa dito, nabiyayaan din ang Barangay 656 sa Intramuros, Manila kung saan nakatayo ang ating makasaysayang gusali. Nag-ikot din tayo sa Lungsod ng Maynila upang makapagbigay sa mga kababayan nating nasa kalsada. Maging ang mga hindi natin miyembro sa NPC na nagpupunta upang humingi ng tulong ay ating binigyan sa abot ng ating makakaya.

Siyempre hindi ito magiging posible kung wala ang pagbibigay ng tulong sa mga patuloy na nagtitiwala sa NPC. Mahirap isa-isahin ang lahat ng mga tulong na bumuhos sa NPC nang tayo ay manawagan ng ayuda para sa ating mga miyembro. Hindi po namin alam kung paano kayo lahat mapapasalamatan kaya ang Diyos na po ang bahalang magbalik sa kabutihang inyong ipinagkaloob sa ating mga kababayan.

Ikinatutuwa natin na sa kahit na ganitong pagkakataon ay nakatulong tayo maski papaano sa mga nangangailangan ng ating serbisyo. Bagamat marami pa sana tayong mga proyekto at serbisyo para sa ating mga miyembro subalit patuloy na naaapektuhan ito ng pandemya.

Gayunpaman wala tayong pwedeng gawin kundi ang patuloy sa ating trabaho sa NPC. Kaya naman patuloy ang ating nasimulan. Bago pa man ang pandemya sinimulan na natin ang pagpapaganda ng ating tahanan. Ngayon makikita na natin ang pagkakaroon ng magandang bakod ng NPC.

Naisasakatuparan na rin natin ngayon ang pagkakaroon natin ng ating online broadcast sa mismong gusali natin. Sa ngayon, patuloy pa rin tayo sa pagpapabuti ng serbisyong ito at asahan nating lahat na magiging tinig tayo ng ating mga kasamahan sa hanapbuhay bilang bahagi ng serbisyo ng NPC.

Sa kabila ng unti-unting pagbubukas ng ating ekonomiya, hindi pa rin natin tiyak kung ito ay magtutuloy-tuloy sa kadahilanang alam natin na patuloy ang pagdami ng mga nagkakaroon ng COVID-19. Hindi natin alam kung anong pagbabago magkakaroon sa ating tinatahak sa paglaban sa pandemyang ito.

Gayunpaman, gaya ng ating napatunayan, hindi tayo magpapapigil sa pandemyang ito sa pagpapatuloy ng ating trabaho at serbisyo sa NPC.

Publication Source :    People's Tonight