Ang ‘Nutriban’ ni Marcos

KATULAD ko noon, halos lahat ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan noong panahong Marcos ay nakatikim ng masustansiyang tinapay na kung tawagin ay “Nutriban (‘Nutribun’ sa salitang Ingles) at kasama ng Nutriban yung gatas na powdered, Klim na “tinataktak” ng mga guro sa papel na tinutupi ng bawat estudyante.

Ginawa sa Estados Unidos noong 1970 upang gawing pantulong sa mga nangangailangang bansa, ang Nutriban ay isang uri ng tinapay na punung-puno ng sustansiya na may sangkap na harina (white and whole wheat flour) at non-fat dried milk powder.

Ipinamahagi ang Nutriban sa mga mahihirap na bansa sa ilalim ng ‘USAID Food for Peace Program’ upang tugunan ang problema sa nutrisyon sa maraming ‘third world countries’ kasama na ang ‘Pinas at ang pamamahagi nito ay idinaan sa mga pampublikong paaralan kung saan isa tayo sa mga naging “produkto,” mga kabayan.

Kaya dapat, ipagmalaki natin at huwag ikahiyang nakakain tayo ng Nutriban; sa inisyatiba naman ni Pang. Marcos dahil nakita niya ang magandang resulta nito sa mga kabataan, ang kanyang gobyerno na ang gumawa nito at namahagi sa mga eskwelahan simula noong 1975.

Nagpatuloy ang pamamahagi nito sa mga pampublikong paaralan hanggang sa kalagitnaang taon ng dekada ’80 (bago siya napatalsik ng sindikatong ‘EDSA Uno) kaya ang dating limang porsiyentong problema sa malnutrisyon ay sumadsad sa isang porsiyento na lamang.

Kumbaga, dear readers, ito ang dekadang “niyayanig” ng sabwatan ng mga Dilawan, isang paksyon sa gobyerno ni US Pres. Ronald Reagan at ng CPP-NPA ang gobyernong Marcos subalit sa kabila nito, dahil sa programang ‘Nutriban,’ NAIBABA pa ang insidente ng malnutrisyon sa bansa, kaya, yeheyy, may ganun pala?!

Malaking bagay naman ngayon na tumatakbong senador si Imee Marcos, dahil malaki ang posibilidad na maibalik muli ang mga magagandang programa para sa mga Pinoy ng kanyang ama katulad nitong Nutriban.

At hindi lang ito, “asinta” rin pala ni Imee na maibalik ang murang bilihin sa pamamagitan ng “Kadiwa,” at ang ‘on-site housing project’ para sa mga iskwater sa pamamagitan ng ‘BLISS’ (Bagong Lipunan Improvement of Site and Services).  

Aber, hindi pa nga “uso” noon ang ‘condominium’ pero noong Martial Law, mayroon nang mga katulad nitong ‘high-rise tenement’ para sa mga mahihirap bilang bahagi ng BLISS, naalala pa ba ninyo ito mga kabayan?

Sa ating nasaksikhan sa nakaraang 30 taon na “paghahari” ng mga Dilawan at mga kauri nilang elitista, ang naging “aral” sa atin ay ang kanilang ginawang “pagbabaklas” sa lahat ng mga magagandang programa ng administrasyong Marcos, kasabay ng paglalarawan sa kanya bilang isang “pasista,” “diktador” at “mandarambong,” sampu ng kanyang pamilya.

Sa nakaraang higit tatlong dekada, “nalugaw” na ang kamalayaan at isipan ng ating mga kababayan sa “paikot” ng mga Dilawan na walang ginawang mabuti para sa bayan at para sa bansa ang mga Marcos -- upang pagtakpan ang kanilang mas masahol na pang-aabuso sa kapangyarihan.

Totoo, marami ngang pang-aabuso at krimeng nangyari sa ilalim ni Pang. Marcos; bagaman, hindi kanyang lampasan ng kanyang administrasyon ang lahat ng katiwalian, pagnanakaw, pagpatay at pagtataksil sa bayan na ginawa ng mga administrasyong pumalit sa kanya, partikular na ang mga Aquino, tama ba, dear readers?

Ang kandidatura ni Imee ay suportado ng Hugpong ng Pagbabago (HNP), ang pinakamalaki at pinakamalakas na local regional political party sa buong Pilipinas na pinamumunuan ni presidential daughter Davao City Mayor Sara Duterte.

At sa ating obserbasyon, “mabuti” pa ang mga Duterte dahil sa kanilang “balanseng pagtingin” sa naging takbo ng ating kasaysayan kumpara sa mga Aquino at mga kauri nilang Dilawan na patuloy na ipinipilit sa atin ang kanilang pananaw na sila lang ang “magaling,” “disente” at “mababait” kaya hindi na sila dapat alisin pa sa poder ng kapangyarihan.

Kung iisipin lang nating mabuti, isang malaking panlilinlang at “bangungot” sa bansa ang naging paghahari ng mga Aquino at mga Dilawan; nang maluklok sa kapangyarihan si dating Pangulong Cory Aquino hanggang sa kanyang anak na si Ngoyngoy, ayy, Noynoy, hindi ba lalong nalugmok sa kahirapan ang bansa?

Aber, kahit nga sa ating mga karatig-bansa, hindi ba tayo naging katawa-tawa na lang dahil kung “tuta” (daw) ng mga Kano si Marcos, aba’y mistulang “muchacho” at ‘attack dog’ ng mga Kano at mga Kanluraning Bansa ang gobyerno ng mga Aquino, hindi ba?

Hindi natin sinasabing tama lahat ang mga naging aksyon ni “Makoy,” pero, mukhang nagkamali tayong lahat sa pagluklok ng mga maling lider na pumalit sa kanya dahil, mas masahol pa sila, peks man!

Sa halip na umangat tayo, higit pa tayong nasadlak sa kumunoy ng kahirapan lalo pa’t ang mga naging kasunod na pinuno ni Marcos ay ganid sa kapangyarihan at walang nagawang mabuti para sa interes at kaunlaran ng ating bansa.

Kaya ngayong halalan, mainam na pag-isipan natin kung panahon na nga ba para muling magkaroon ng isang ‘Marcos’ sa Senado. At malay pa natin, baka “matikman” din ng ating mga anak (at apo) ang masarap at masustansiyang ‘Nutriban!’  Abangan!