Ang pakikibaka ni Bong Nebrija

December 17, 2018

Ang dating Navy Colonel at ngayon ay MMDA Traffic Head na si Edison “Bong” Nebrija ay nasa isang bagong yugto nang pakikibaka sa krisis-trapik  sa Kamaynilaan. Nagsimula siya bilang Special Operations Commander against Illegal Parking and Clearing Operations.

Hindi man masasabing 100 percent na naging epektibo ang pagpapatupad ng mga batas kalsada at bangketa o trapiko, marami nang nagising sa katotohanang may isang tao pala na puwedeng maging makatotohanan sa pagpapatupad ng mga alituntunin ng mga batas trapiko nang hindi lamang sinasabi sa media kundi ginawa ng totohanan ang tungkulin nang walang kinatatakutan.

Mahirap ang mga trabaho ni Nebrija. Una ay bilang head ng special operations at ngayon ay ang higit na mabigat na trapik sa Edsa. Hindi ito biro ngunit siniseryoso na ito ni Nebrija.

Napansin ko at nang ilang mga kasapi ng media na sa umaga ay may kaunting paggaan sa trapiko lalo na sa kahabaan ng gawing Kamuning Edsa at patungong Cubao. Hindi tumitigil ang mga sasakyan. Banayad man ang takbo ng mga sasakyan, umaandar naman at hindi tumetengga sa daan. Malaking bagay na ito lalo pa at simula pa lamang ng unang Linggo ng pagiging pinuno ng trapik sa Edsa ni Nebrija.

Nakatataas ng presyon ng dugo at nakapuputi ng buhok ang trabaho ni Nebrija ngunit lalong nakatataas ng presyon at dagdag puti ng buhok ang krisis-trapik na dinaranas ng mga manggagawang Pilipino- mga kawani, mga mag-aaral, mga motorista, mga pasahero dahil sa krisis-trapik na tila walang kalutasan. Kaya kailangan ng isang tao na may determinasyon na baguhin ang bulok na sistema ng batas-trapiko.

Sinuong ni Nebrija ang bagong trabahong iniatang sa kanya ng pamuan ng MMDA. Kailangan niyang magpatupad ng mga batas-trapiko.

Ngunit bakit kung kailan nagiging epektibo si Bong Nebrija sa kanyang trabaho laban sa illegal parking ay inilipat agad siya sa tila walang kalutasang krisis-trapik sa Edsa?

May natapakan, nagulungan, nahatakan ba siyang isang maimpluwensyang tao na ayaw nang makatotohanang pagpapatupad ng batas-trapiko ni Bong Nebrija?

Sayang ang isang ganitong lider ng pamahalaan kung pababayaan siyang mag-isa.  Kung tutuusin ay kayang pamunuan ni Nebrija ang dalawang trabaho ng special operations at trapik sa Edsa. Kailangan lang maniwala at suportahan ng pamunuan ng MMDA at maging ng pambansang liderato ng pamahalaan si Nebrija sa anumang katungkulan na ipagagawa sa kanya.

Hindi dapat makinig sa mga maimpluwensyang tao ang mga pinuno ng pamahalaan sa mga paninira at pambabatikos kay Nebrija. Natural na marami ang magiging kalaban niya dahil sa totohanang pagpapatupad niya ng kanyang mga tungkulin.

Bakit sa krisis-trapik sa Edsa siya inilagay? Wala siyang matatapakan sa Edsa? Wala siyang mahuhuling mga illegal parking motorists?

Hindi ba kailan lang ay may isang mayamang  tao at mga bodyguards nito ang nanakit sa mga MMDA traffic enforcers? Nakunan ito ng cctv. Ngunit wala nang balita kung nakasuhan na ng mayamang taong ito. Kung si Nebrija ang makahaharap nito. Ano sa palagay n’yo ang mangyayari? Kung makatapak na naman si Nebrija, ililipat na man siya ng gawain?

Walang mangyayari sa Pilipinas kung ganito nang ganito ang paiiraling sistema sa pagpapatupad ng batas. May nakuhang matinong tao na tapatang magpapatupad ng batas ngunit nang nagiging epektibo na, marami naman ang naninira upang hindi na maipagpatuloy ang kahigpitan.

Baguhin n’yo na lang ang batas. Mayroon bang batas na tulad nang” huwag nang hulihin ang mga illegal parking  at iba pa!” O kaya’y “gawin n’yo nang garahe ang buong kalsada ng Metro Manila!         (bangonkalikasan@yahoo.com)