Ang papel ko bilang guro ng batas

July 11, 2020

ANG hamon sa mga guro sa panahon ng pinagsama-samang 4th Industrial Revolution, PISA 2018,  at COVID-19 pandemic na tinalakay ko sa pitak na ito (Online Learning sa New Normal ng Edukasyon, Mayo 10,2020, at Tatlong dahilan para baguhin ang kurikulum,(Mayo17,2020), ay hinaharap ko ngayon sa paghahanda sa aking pagbabalik sa akademiya bilang instructor sa Persons and Family Relations sa isang School of Law sa Region 3.

Maliban sa FB, Twitter, Youtube,Gmail, Yahoo,Telegram,Viber at Zoom, kailangan kong magamay sa iba pang  software app na nababagay sa online flipped classroom.

Nagpasya akong sumali sa  apat na oras  na   “Online Learning Law Faculty Training”noon Hulyo 2 at 4 via Zoom na inorganisa  ng Legal Education Board para mapalakas ang kakayahan ng mga  katulad kong magtuturo ng batas sa paghahatid ng edukasyon online. Sana lahat ng Dekano ay katulad ng dedikasyon at malasakit sa estudyante ni IBP Gov Jose I de la Rama Jr na walang sawang nag-aanyaya sa kanyang faculty na sumali sa ganitong pagsasanay sapagkat ang makikinabang na tunay ay ang mga mag-aaral ng batas.

Hindi naman nasayang ang oras ko. Marami akong napulot na tips sa mga kwento  ng piling   propesor mula sa Thames International Business School sa kanilang karanasan  sa online flipped classroom.

Pinaliwanag ni Joel Santos ng Thames International na inaabangan ang edukasyon online ng henerasyon ng milenyals sapagkat  tinuturing  silang mga “digital natives”, iyon bang mga pinanganak na karugtong ng pusod ang mga cellphone at computer. 

Ang henerasyong ito  ay kumikilos at gumagalaw at  maginhawa ng nabubuhay sa mundong digital na hatid ng 4th Industrial Revolution.  At ang pandemic na ito ang puwersa na nagtulak sa mga guro na pasukin   ang edukasyon online.

Ang impormasyon na kailangan malaman at aralin ay nasa dulo ng mga daliri ng  mga milenyals sa dami ng mga search engines tulad ng Google, Yahoo at   Bing na kayang hanapin sa ilang saglit ang libo libong mga datos, balita, impormasyon , at  pati mga batas at kaso na datirati’y nasa SCRA (Supreme Court Reports Annotated) lang mahahanap. Ang mundong digital ang nagpantay sa mga law schools sa probinsya at sa kamaynilaan na dating nangunguna ang mga nagtatapos dito sa bar exams.

Ang kahinaan nga lang ng henerasyon ng mga milenyals na sanay sa mabilis  na daloy ng impormasyon, ay  ang pagiging mainipin at madaling mabagot. Sa daming impormasyon na hawak nila, kailangan nilang matuto paano salain ang mga tunay sa pekeng impormasyon , at paano pagtagni-tagniin ang mga ito upang makabuo sila ng opinyon, argumento at konklusyon para magkaroon ng hustisya ang mga inapi at winalanghiya. 

Kailangan nila ng mapanuring pag-iisip upang maging mahusay na mga abogado.  

Ito ang papel ko bilang guro., ang turuan ang mga estudyante paano mag-isip. Sabi nga ni Albert Einstein, “ Education is not the learning of facts but the training of the mind to think.”

Sa darating na mga linggo, sisikapin kong magamay sa FREEJOO, Google Classroom, Loom, at Menti.com na tutulong para mapanatili ko ang interes  ng mga estudyante kong milenyals sa pag-aaral ng batas, sa paghahanda sa kanila para sa bar exam, at sa pagiging ganap na abogado na tagapaghatid ng hustisya sa mamamayang Pilipino. Kailangan ko rin magpunta sa bookstore upang pumili ng   textbook na sinulat ng mahusay na civilist sa Civil Code ,na gagamitin ng mga estudyante sa klase, sa  kanilang 4th year review sa 2023, at sa bar examinations sa 2024. Maliit lang ang  bayad sa akin, pero ang kasiyahan sa puso na maging bahagi sa paghuhubog ng susunod na henerasyon ng mga abogado ay hindi kayang tumbasan ng pera.