Ang Probinsyano at Inang Kalikasan

November 18, 2018

Nasa Barangay Sto. Niño na ang grupo ng Vendetta na pinangungunahan ng dating pulis na si Cardo Dalisay. Ito ay ang ABS- CBN teleseryeng Ang Probinsyano na mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes sa channel 2.

Nakita ko na ang Barangay Sto. Nino sa Tanay Rizal. Katulad ng iba pang barangay sa bayan ng Tanay, napakaganda ng  lugar na ito. Huwag lamang magkaroon ng matinding delubyo tulad ng bagyong Ondoy na nagpabaha sa Tanay, Rizal, napakasarap magliwaliw sa mga lugar na ito habang minamasdan ang kabundukan ng Sierra Madre at lamig at linis ng simoy ng hangin.

Halos nasusubaybayan ko ang teleseryeng ito lalo na kung nasa bahay na rin lamang ako. Kung kasabay ng mga larong basketball sa PBA, nagpapalipat-lipat na lamang ako ng channel dahil halata kadalasan na pinahahaba ang mga eksena sa pamamagitan ng camera works lalo na sa mga mukha ng mga tauhan ng teleseryeng Probinsyano kaya hindi ako nanghihinayang na sumilip sa larong basketball.

Kung hindi ko ito mapanood ng isang araw, hindi ako nag-aalala dahil bilang dating manunulat din ng iskrip sa TV, dulaan at pelikula, tila alam ko na ang nangyari o mangyayari sa mga susunod na kabanata. Madaling mahulaan ‘ika nga.

Ngunit matagal na akong maraming tanong sa kuwento ng teleseryeng ito at minsa’y isinulat ko  ang ilan sa aking kolum. Minsan ay nailahad ko na ang aking mga obserbasyon sa isang kaibigang kabilang sa produksyong ito.

Ayaw ko namang “sirain” ang teleseryeng sinusubaybayan ‘umano ng marami dahil may mga kilala ako sa mga artistang kasalukuyan at nakaraan, bilang paggalang sa kanila. Sinabi ko sa aking sarili na hindi ko muna ito isusulat sa ngayon.

Nakatutuwa lang na itong mga nakaraang episode ay tungkol sa pagbabalik nina Cardo at Allana sa Sto. Nino kasama si “Presidente” Hidalgo at Heneral Delfin Borja at ibang kasapi ng Vendetta. Walang signal ang cell phone sa lugar na ‘yon. Sa pagkakaalala ko, wala ring kuryente sa lugar na ‘yon kaya malamang ay todo ang gamit ng kanilang generator.

Binanggit ni Delfin Borja ang pangangalaga sa kapaligiran, Kalikasan na pinagmumulan ng pangangailangan ng tao sa kanilang buhay. Magandang linya ito. Samantala ang grupo ni Eddie Garcia ay naman ay lilipat sa Sto. Nino upang magmina.

Malaking hamon ito dahil dati nang may nagmimina sa mga kabundukan na ito na naipalabas pa ng isang TV station. Ito ay ang ore mining.  Maraming kuwento sa pagmiminang ito. Ngunit sana’y mabigyang katotohanan ang mga salita ni Borja hinggil sa pangangalaga ng Kalikasan dahil parating na ang grupo ni Eddie Garcia na tutulungan pa ng grupo nina Rommel Padilla na katulad nina Cardo ay malayang nakagagala hawak ang mga armas nila sa mga barangay na ito na maraming turistang nagpupuntahan dahil sa magagandang talon o waterfalls.

Fictitious ‘umano ang mga kuwento sa teleseryeng ito ngunit ang mga lugar ay pawang mga totoo tulad ng Sto. Nino. Alam na alam ng mga taga-Tanay na nagsu-shooting ang mga tauhan ng teleseryeng ito. Saka ko na tatalakayin ito ng mahabaan habang hinihintay ang mga mangyayari sa pagmimina ni Eddie Garcia.

Mahalaga para sa akin ang mga isyu tungkol sa pagmimina lalo pa at maaapektuhan din, sa tunay na buhay,  ang mga barangay sa pagsasagawa ng Kaliwa Dam mula sa Infanta Quezon. Marahil ay dapat ding mabanggit ng teleserye ang malaking problemang ito ng mga taga Barangay Laiban, Tanay hanggang Antipolo Rizal dahil sa aking mga pagtatanong, ang tubig ay padadaluyin para sa pangangailangan ng Metro Manila. Ang tubig mula sa gagawing Kaliwa Dam sa Infanta Quezon ay dadaan sa mga higanteng tubo na dadaan naman sa mga komunidad ng Tanay at Antipolo.

Ano ang gagawin ni Cardo, ni Presidente Hidalgo, Heneral Borja at Vendetta? Magandang palaisipan ito sa mga scriptwriter at direktor sa mga susunod nilang kabanata upang maging tunay na salamin ang istoryang ito ng mga nagaganap sa ating lipunan

(bangonkalikasan@yahoo.com)