Home>Editorial>Opinion>Ang problema sa mga buwaya, hindi nila alam na buwaya sila!

Ang problema sa mga buwaya, hindi nila alam na buwaya sila!

MARAMI namang matatalino dito sa ating bayan kaya maitatanong mo rin kung minsan bakit isang pamilya lamang ang nakakapuwesto sa maraming lokalidad.

Kaya nga sa tuwing isasalang ang anti-political dynasty bill sa Kongreso, ang unang tumututol ay sila-sila ring mga nakapuwesto.

Hindi lang ito nakatuon sa isang lugar, kung pag-aaralang mabuti ang takbo ng pulitika sa ating bansa, matutuklasan nyong maraming mga distrito, lungsod at bayan, isang apelyido lang ang palaging nakakapuwesto.

Sa parehas ng pagtingin, mayroon din namang mga lugar na umunlad dahil ang nagpasalin-salin sa puwesto na magkakamag-anak at totoong nagtrabaho para sa kanilang mga mamamayan.

Pero aminin din natin, iilan lamang itong matitinong pamilyang pulitiko dahil aabot sa 90 porsiyento ng mga lugar na pinagharian ng political dynasty ay walang narating. Dinatnan nilang dukha ang lugar, umalis at nagpasalin-salin na silang magkakadugo, ganoon pa rin ang sitwasyon.

Ang nag-iba lang, mas yumaman silang mga magkakapamilya habang ang mga mamamayan nila, nalilipasan pa rin ng gutom.

Mayroon dyan, dating kongresman ang tatay, mula 1992 hanggang 2001, palibhasa’y hanggang tatlong term lang, namahinga saglit, siya na naman mula 2004 hanggang 2013.

Inabot na ng katandaan, busog na busog na ang kanilang pamilya kaya nang matapos ang termino, iyong anak naman ang pinatakbong kongresista na siya namang incumbent magmula 2013 hanggang 2022.

Matatapos na ang kanyang termino kaya palagi na namang nakabuntot ang kapatid kahit saan siya magpunta. Makikita mo sa mga sulok ng distrito ang mga tarpaulin ng nakaupong kongresista tapos naroon din nakaanino ang picture ng kapatid.

Isipin mo, proyekto ng gobyerno, pera ng gobyerno tapos mukha ng kapatid ng kongresman ang nakabalandra sa mga karatula. Ibig sabihin, patapos na si utol kaya dapat si ateng or si kuyang naman ang sumunod. Dapat sa magkapatid na ito ipinapakulong ng Ombudsman!

Ang tindi rin naman ng mag-anak na ito. Ang mas matindi, iyong 27 years nila sa puwesto, halos ang naipagawa lang ata ay ang kanilang mga mansion tapos lahat ng makitang nakatumpok na lupa, tutulusan ng kanilang mga pangalan.

Hoy, mahiya naman kayong magkakamag-anak dyan sa inyong lalawigan dahil sangkatutak na sirang kalsada at bulok na mga public schools ang inyong legacy sa halos tatlong dekada nyong paghahari tapos gusto nyo na namang kayo ulit!

Ang problema kung minsan sa mga suwapang na pamilya, hindi nila alam na suwapang sila kasi wala ngang kabusugan.

Kunsabagay, hindi rin naman alam mga buwaya na buwaya sila kahit iharap mo pa sila sa salamin.

Akala ata nila nakatitulo sa pamilya nila ang gobyerno kaya pasa-pasa lang sila sa posisyon.

Dapat sa mga ganyang masisiba sa puwesto ay binibigyan ng matinding suntok o straight punch para magising sa katotohanang wala naman silang nagawa sa 27 years nila sa puwesto kung hindi ubusin ang pondo ng bayan para sa kanilang Kamag-anak, Incorporated!. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV