Ang “problema” sa PNP…

“INABOT” pa ng dalawang araw, o nung Miyerkules, bago “umatras” at “binago” ni PNP spokesman, P/BGen. Bernard Banac, ang unang opisyal na posisyon ng PNP na “misencounter” ang ginawang pamamaslang ng mga elemento ng Jolo, Sulu PNP, sa apat na miyembro ng ‘Intelligence Service Group’ (ISG) ng Phil. Army noong Lunes.

At ang ginawang “pagbawi,” sabihin pa, ay dahil na rin sa mga batikos ng publiko at “pag-alma” ng liderato ng Phil. Army, sa pangunguna ni CGPA Gilbert Gapay, na nagsabing walang “misencounter” bagkus, “rubout” ang buong pangyayari.

Kaya nga ngayon, ang ‘revised official statement’ ng PNP, ‘shooting incident’ ang nangyari—isang deskripsyon na sa ganang atin ay “bitin” pa rin o “may kalabuan” pa rin, sa totoo lang, hehehe!

Dangan kasi, kung ‘shooting incident,’ sa ordinaryong miron, ang impresyon ay may hawak pa rin na baril ang mga biktima, hindi ba, dear readers?

Subalit, kung pagbabatayan ang mga ‘videos’ at litrato ng insidente na mabilis na kumalat aba’y walang armas ang mga sundalo at pinaslang sila ng walang kalaban-laban, tsk,tsk,tsk!

Sa kanyang ‘social media post’ noong Miyerkules, aba’y ‘high blood’ din itong ating kaibigan na si ex-AFP chief, Ricardo ‘Bong’ Visaya, na nagsabing “kung hindi” kaya ni PNP chief, P/Gen. Archie Gamboa, na magpatupad ng disiplina sa PNP, eh, dapat na siyang lumayas, ehek, umalis sa puwesto, aguy,aguy,aguy!

Aniya pa nga, dapat nang tigilan ng Kampo Crame ang “pagtatakip” sa kanilang mga abusadong tauhan, mismo!

At “ito” mga kabayan, ang nagpapatuloy na “problema” ng PNP, hindi ba?

‘Yun bang… ambilis—at palagi nilang ginagawa—na pagtakpan ang mga pang-aabuso ng mga “ogags” na pulis!

At sa muli nating nasaksihan, kailangan pang “umalma” ang publiko at ang mga lider ng AFP, bago “kumambyo” sa kanilang posisyon ang PNP.

Ang “nakakainis” pa, pansin ng mga miron, aba’y hanggang ngayon, hindi man lang ‘nag-sorry’ sa ginawang pagtatahi ng kasinungalingan ng PNP itong si Gen. Banac, ahahay!

Sa masaklap at madugong insidente at sa ginawang “maniobra” ng PNP para lang mailihis ang katotohanan, bigla tuloy nating naalala ang ‘torture-murder’ kay Richard ‘Red’ Santillan sa kamay ng mga pulis-Calabarzon noong Disyembre 2019.

Ang “suwerte” lang na masasabi sa sinapit ni Red Santillan, hindi nagpatakot at patuloy na nakikipaglaban para sa hustisya at katotohanan ang kanyang “boss” at kaibigan na si dating Biliran congressman, Atty. Glen Chong.

Pansinin na mula nang mangyari ang insidente—at hanggang ngayon—hindi pa rin “bumibitaw” sa kanilang bersyon ang PNP, sa pangunguna ni Gen. Edward Carranza, na isang ‘legitimate encounter’ ang nangyari at si Red Santillan ay “miyembro” umano ng isang malaking sindikato.

Eh, ang Kampo Crame, ano ba ang ginawa?

Ayun, hindi ba “pinahirapan” nang husto sa paghahanap ng mga dokumento at ebidensiya si Atty. Glen at wala rin siyang nakuhang tulong sa Kampo Crame upang mapabilis ang paghahanap ng hustisya para kay Santillan.

Pero, siyempre, ang opisyal na posisyon ng PNP sa kaso ni Santillan ay “nakahanda” silang “makipagtulungan,” hihihi!

At si Carranza, aba’y hindi man lang sinibak sa puwesto dahil nga para sa PNP, “ayos” sa kanila ang kanyang bersyon na “inosente” siya sa karumal-dumal na insidente.

Sa nangyari naman sa Jolo, tila muntik “masuka” si CGPA Gapay sa isinumiteng ‘spot report’ ng Sulu PPO na talagang “engkuwentro” at hindi “salvage” ang nangyari noong Lunes. Aber, kumpleto pa sila sa ‘narration of events,’ talaga rin naman!

At sa panayam sa kanya ng media noong Miyerkules, eh, “astig” pa rin si Sulu provincial director, P/Col. Michael Bayawan.

Bagaman “lungkot na lungkot” umano siya sa nangyari, bakit siya mahihiya, ehek, magbibitiw sa puwesto, aber?

At siyempre, ‘yung spot report na ipinadala niya sa Camp Crame na hindi “masikmura” ni CGPA Gapay, natitiyak natin na itong si PD Bayawan ang nakapirma!

At siyempre pa, bagaman ayon sa PNP ay “handa” rin (daw) silang makipagtulungan sa mga imbestigador, wala rin naman yatang balak na alisin si PD Bayawan kahit pa nga dismayado na sa kanya ang mga miron at ang militar?

Oh well, talaga yatang pagdating sa “pagtatakip” sa kabulastugan, wala na yatang pagbabago itong PNP?

But is never too late to change, mga bosing!

Abangan!