Ang ‘STL’ ni RD Carranza, bow!

February 04, 2019

BAGO ang lahat, mainit na pagbati muna sa Bureau of Customs (BoC) sa pagsapit ng ika-117 anibersaryo nito na ang pormal na pagdiriwang ay gagawin bukas, Pebrero 6, kung saan inaasahan ang pagdalo ni Pang. Rody Duterte.

Translation? “Supalpal” na naman ang Kampong Dilawan nina Ngoyngoy, agh, Noynoy Aquino at Mar Roxas, sa ginawang “pagpapakalat” ng kanilang mga galamay na “sumalangit” na si PDU30. Muli, “nganga” na naman ang mga kaaway ng pamahalaan, huhuu, ayy, hihihi!

At natutuwa rin tayo na hindi naman tayo “ipinahiya” ng ating mga miron sa ating unang “ibinalita” noong isang linggo na muli ay “nalampasan” ng Aduana, sa ilalim ni Comm. Rey ‘Jagger’ Guerrero, ang ‘collection target’ nito noong isang buwan.

Take note: Ibinalita na natin na muling nalampasan ng BoC ang koleksyon nito sa ating kolumn noong Biyernes, Pebrero 1, 2019 (Different stroke, better result sa BoC), dahil “kampante” tayo sa “bulong” ng ating mga miron sa “paligid” ni Comm. Jagger, hehehe!

Sa ‘press release’ pa nga ng BoC kahapon, may ‘surplus collection’ na P2.527 bilyon o 5.5 porsiyento ang Aduana mula sa ‘assigned target’ nito na P45.62 bilyon o kabuuang P48.153 bilyon na nakolektang buwis.

Higit din itong mas mataas nang P7.322 bilyon o 17.9 porsiyento kumpara sa kaparehong buwan noong isang taon, sa termino ni Comm. Sid Lapeña kung saan umabot lang sa P40.830 bilyon ang nakolektang buwis.

Translation pa ulit? “Sablay” ang koleksyon ng BoC noong Enero 2018, kumpara ngayong taon, hehehe, ayy, huhuhu!

Sa inaasahan namang pagdalo ni PDU30 bukas, eh, “napakalinaw” ng kanyang “mensahe” sa ating lahat -- Comm. Jagger Guerrero, IS THE MAN, yeheyy!

* * *

“Nagpapasalamat” ang sambayanan sa Senado at sa partikular, kay Sen. Ping Lacson, matapos buksan kahapon ang imbestigasyon sa pagkapaslang ng mga pulis-Calabarzon sa ilalim ni RD Edward Carranza, kay Richard ‘Red’ Santillan, noong nakaraang Disyembre sa Cainta, Rizal.

Sa kabuuan, tatlong resolusyon ang inihain sa Senado (PSR 901, 979 at 1008) upang imbestigahan ang insidente at ang mga nangyaring ‘political killings’ sa bansa kung saan ang karamihan sa mga nabiktima ay mga lokal na “EGO” (elected government official).

Sa panig naman ng Malacañang, balikan ang pahayag ni presidential spokesman, Atty. Sal Panelo sa pagpasok ng 2019 na ang “gusto” ni PDU30 na mangyari sa krimeng ito ay isang “malaliman” subalit “parehas” na imbestigasyon. Translation? ‘No coverup, please!’

At sa unang pagdinig kahapon, nabigyan ng pagkakataon ang taumbayan na “balansehin” ang kanilang pananaw sa insidente dahil parehong nabigyan ng pagkakataon ang Calabarzon PNP ni RD Carranza at si Atty. Glenn Chong, na mailabas ang kani-kanilang mga “ebidensiya” at posisyon.

Sa ganang atin pa, walang dapat ireklamo si RD Carranza at ang kanyang mga alipores dahil nabigyan sila ng sapat na pagkakataon na ipilit, ehek, ipakita at isalaysay ang kanilang “bersyon” habang medyo “nabitin” pa sa kanyang presentasyon si Atty. Glenn dahil “kinapos” na ng oras ang pagdinig.

At sa kabuuan, marami talaga ang “humanga” sa liderato ni RD Carranza sa Calabarzon Police Office, sa totoo lang, kosang Non Alquitran!

Dangan kasi, “kitang-kita” naman ng lahat na matagumpay niyang “nakumpasan” ang kanyang mga tauhan na “tindigan” ang ‘police version’ ng Calabarzon PNP na sa “engkuwentro” namatay si Santillan, walang nangyaring ‘excessive use of force,’ walang nangyaring torture at, “miyembro” siya ng sindikatong ‘Highway Boys’ na marami na umanong nabiktima sa lalawigan ng Rizal at mga karatig na lugar sa PRO4-A.

Oh, hindi ba, mga kabayan?  Hindi ba napakagandang “katangian” ito ng isang lider ng PNP na mula sa imbestigador ng kaso hanggang sa mga operatiba ng SOCO, “isa” lang ang kanilang ‘version of events’ bilang “pagsunod” sa mga naunang “kuwento” ng tanggapan ni RD Carranza, hehehe!

‘Yun nga lang, marami sa mga nanood (lalo na sa ‘social media’) ang “nawalan” ng “bilib” sa mga palusot, agh, paliwanag ng kampo ni RD Carranza, nang magsimula nang magpaliwanag ng kanyang panig ang kampo naman ni Atty. Glenn Chong, ahahay!

Masyado nang mahaba kung “titilarin” pa natin lahat dito, mga kabayan; sa mga interesado, aba’y agad buksan ang ‘social media page’ ni Sen. Ping o “halughugin” ang buong ‘Internet’ at naniniwala tayong mapapanood ninyo ng “walang labis, walang kulang” ang buong pagdinig.

Sapat nang sabihin na batay sa pagdinig kahapon, “nakumpirma” sa pananaw ng karamihan ang sinabi sa atin ng ilang beteranong imbestigador sa PNP na pulos “STL” -- na “maraming butas” --  ang mga pinagsasabi kahapon ng kampo ni RD Carranza, aguy,aguy,aguy!

Oops, hindi ‘small town lottery’ na marami nang “puwesto” sa buong Calabarzon ang tinutukoy ng iyong mga ‘senior officers’ sa PMA, PCSO general manager, Alexander Balutan, sir.

Anong “STL” ba kamo? Eh, ano pa kundi, ‘story-telling-a-lie,’ hehehe. At anila pa, isa itong ‘story-telling-a-lie’ na ‘sandamakmak ang “butas,” wahhh!

Kung hanggang kailan naman “titiisin” ni Chief PNP Oscar Albayalde at DILG secretary, Ed Año, na “mapahiya” ang buong PNP dahil sa nakikitang ‘coverup’ ng buong Calabarzon PNP sa pamamaslang kay Richard Santillan, eh, hanggang kailan nga ba, hehehe!

Naniniwala kasi ang ating mga kababayan na bagaman ‘mistah’ ni ‘Chief PNP Oca’ si RD Carranza sa PMA, hindi niya ito paliligtasin sa pananagutan at responsibilidad, tama ba, dear reders?

Ang mungkahi naman ng mga miron?

“Ipatigil” na ng Camp Crame at DILG ang STL ni RD Carranza & Co.
Abangan!