Home>Editorial>Opinion>Ang totoong ‘statesman’

Ang totoong ‘statesman’

“NATULDUKAN” na kahapon ang sigalot sa Kongreso matapos mailuklok bilang bagong ‘Speaker of the House’ si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ng may 186 mambabatas.

Sa nakaraan ay naisulat natin dito na ang “kailangan” ni Velasco ay isang “himala” upang makamit ang ambisyon ng sino mang mambabatas na mapunuan ang Kongreso ng Pilipinas.

Bago nga kasi ang botohan kahapon, wala naman talagang “bilang” si Velasco sa hanay ng kanyang mga kasamahan na pinatunayan sa pagtanggi ng mga mambabatas sa ginawang pagbibitiw sa puwesto ni Speaker Alan Cayetano may dalawang linggo na ang nakakaraan.

Bago pa rin ito, kahit sa hanay ng kanyang mga kasamahan, pulos batikos lang din ang ipinukol nila kay Velasco na anila ay “bagito” at walang sapat na karanasan.

At nangyari nga ang “himala”—hindi nga lang galing sa “langit,” bagkus sa “pagkapikon” ni Pang. Rody noong nakaraang Huwebes sa kanyang ‘public address’ kung saan ang kanyang “binaterya” ay ang mga nagbabangayan na mga mambabatas.

***

Ang nangyari sa Kongreso kahapon, sa totoo lang, ay hindi maganda sa imahe nito bilang ‘co-equal branch’ ng ating gobyerno.

Ang insidente ay nagpakita na patuloy na “nangangamuhan” ang mga mambabatas sa Pangulo ng Pilipinas.

At lalo pang titingkad ang masagwang imahe ng Kongreso bilang ‘rubber stamp’ ng Palasyo sa pagkaupo ni Velasco bilang Speaker of the House.

Malinaw kasi na ang kanyang “utang na loob” ay hindi sa tiwala ng kanyang mga “kabaro” kung hindi sa “kagustuhan” ng Palasyo.

Manmanan natin ngayon ang mga magiging “galaw” ng Kongreso sa mga darating na araw

***

At bagaman hindi masasabing “himala,” masasabing may kasamang “buwenas” ang pagkapuwesto ni Velasco bilang lider ng Kongreso.

At ang “suwerte” ay nanggagaling naman sa pagiging “mabait” at “mahinahon” ni House Majority Leader, Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

Bakit kanyo? Dangan kasi, kung dadaanin sa botohan, eh, “sigurado” na ang panalo ni Rep. Romualdez, ganun yun!

Subalit dahil isang ‘team player’ na ang gusto lang naman din ay unahin ang kapakanan ng bansa sa halip na sariling interes, hindi na siya “nakigulo” sa bangayan ng kanyang mga kasamahan.

Bakit nga naman, samantalang nasa “balon ng krisis sa ekonomiya” ang Pinas at hindi makabubuti na madagdagan pa ito ng ‘political crisis.’
‘Yan ang totoong ‘statesman!’

Harinawa namang hindi mabigo si Pang. Rody sa liderato ni Speaker Velasco—at ang taumbayan– kaya…

Abangan natin ang mga susunod na kabanata!

Publication Source :    People's Tonight