Home>Editorial>Opinion>Ang tunay na lagay ng Pilipinas

Ang tunay na lagay ng Pilipinas

SABI ni Nelson Mandela, “No one truly knows a nation until one has been inside its jails. A nation should not be judged by how it treats its highest citizens but its lowest ones. “ Si Mandela ay nakulong ng 27 taon sa Robben Island dahil sa kanyang paglaban sa malupit na sistema ng Apartheid, ang diskriminasyon ng minoryang puti sa mas nakakaraming populasyon ng mga itim sa lipunan, pamahalaan at likas yaman ng South Africa.

Ang tunay na lagay ng Pilipinas ay makikita sa kondisyon ng ating mga bilangguan. Sinasalarawan nito ang kaluluwa ng mga Pilipino sapagkat kitang-kita ang pagtrato ng lipunan sa mga nakakulong na ang karamihan ay mahihirap. Tandaan natin ang sinabi sa Hebreo 13:3 na alalahanin ang mga nakakulong. Ang kasaysayan ng tao ay nagpapakita na ang mga pagbabago sa lipunan ay nag-uumpisa sa bilangguan.

Mabuti at ipapatupad na sa Nobyembre ang RA 11362 o Community Service Act of 2019 na may magkakambal na layunin – ang pagtataguyod ng “restorative justice and decongestion of jails”.

Ang mga bilangguan ng Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology ay kaya lang maglulan ng 40,000 tao. Ayon sa Human Rights Watch , ang pinagsamang populasyon ng mga nasa piitan ng BuCor at BJMP ay nasa 215,000 tao na noon Nobyembre 2019. Ibig sabihin nito, may limang tao ang nagkukumpulan sa ispasyo na para lang sa isang tao. Malaking panganib ito sa kalusugan ng mga nakakulong lalo na sa panahon ng COVID-19.

Kinikilala ng RA 11362 ang malubhang problema ng bansa sa sitwasyon ng ating mga bilangguan. Ang Pilipinas ay nasa ikalawang puwesto sa listahan ng mga bansa na sobra ang bilang ng nasa loob ng selda kesa sa dapat na maging lulan ng mga ito. ( 463.6% taon 2018 , World Prison Brief ng Institute for Crime and Justice Policy Research na nasa London). Nahigitan tayo ng pinakamasahol na 616.9% occupancy level ng Republic of Congo.

Ang pinag-ibayong giyera laban sa iligal na droga ng administrasyong ito ay isa sa maraming dahilan kaya lumobo ang populasyon ng mga nakakulong : taon 2016 , 142,000 populasyon; taon 2018 , 188,000 populasyon; at taon 2019, 215,000 populasyon.

Bukod pa sa giyera laban sa iligal na droga, kulang din ang mga hukom.Bihira rin ang paggamit ng “ plea bargaining” o pag-amin ng kasalanan sa mas mababang uri ng krimen at mas mababang parusa. Magiging markado ka na habang buhay sa criminal record na nakadikit sa iyong pangalan kahit pinagbayaran mo na ang iyong kasalanan. Mahirap humanap ng trabaho ang may criminal record. Kailangan matigil ang maling kaisipan na hayaan magdusa ang mga pasaway sa bilangguan.

Ang paggawa ng krimen ay kadalasan bunga ng pagkapit sa patalim sapagkat wala ng natitirang ibang paraan upang mapakain ang pamilya o maipagamot ang may karamdamang mahal sa buhay. Lahat tayo ay nagkakamali at kailangan mabigyan ng ikalawa o higit pang pagkakataon para maiayos ang buhay.

Upang masakop ng RA 11362, ang krimen na nilabag ay may parusang arresto menor ( 1 hanggang 30 araw) o arresto mayor ( 1 buwan at isang araw hanggang 6 na buwan) at hindi pa nakinabang ang akusado sa community service sa ilalim ng batas. Imbes na makulong ang akusado sa bilangguan, tutupad ang akusado sa programa ng community service sa patnubay ng isang probation officer at pagtanggap ng counseling mula sa DSWD. Bagamat mabuting hakbang ito, hindi tayo umaasa na aabot sa 10 % ang ibababa ng bilang ng populasyon ng nakakulong.

Ang masahol na tayo ng ating mga bilangguan ay may kaugnayan din sa edukasyon. Karamihan ng nakakulong ay hindi tapos ng kolehiyo at walang permanenteng trabaho bago nagkakaso. Kaya kahit nasa pribadong sektor, hindi tayo naglulubay sa pagsusulong ng reporma sa edukasyon sapagkat tatagos ito sa lagay ng mga bilangguan. Sabi nga ni John Rushkin, hindi mo na kakailanganin ng malaking reporma sa ating mga bilangguan kung magpapatupad ng tama ang reporma sa edukasyon.

At huwag nating isipin na 215,000 tao lang na nakakulong ngayon ang nagdurusa. Pati mga pamilya nila ay pinaparusahan din ng lipunan. Para sa isang bata, hindi niya maintindihan bakit wala sa bahay ang kanyang magulang o kapatid. Kapag tinanong ng kaklase kung nasaan ang magulang, sino ang magmamalaking magsasabing nakakulong ito? At kung may hitsura , lalaki man o babae, baka kursunadahin ni warden o ng mga tauhan niya. Madaling takutin ang asawa o anak ng nakakulong sapagkat mapapahirapan ang kapamilyang nakakulong kung hindi nito pagbibigyan ang walang hiyang opisyal.

Tandaan natin ang sinabi ni Mandela. Kung gusto natin ipagmalaki ang Pilipinas, ayusin natin ang kalagayan ng ating mga kababayan na nakakulong at isulong ang reporma sa edukasyon tulad ng MTBMLE at Teacher Quality. Bago pumili ng kursunadang iboboto sa 2022, manong magtanong muna kung ano ang programa ng kandidato sa edukasyon at sa reporma sa bilangguan.

Publication Source :    People's Tonight