Ang VFA gambit

January 25, 2020

SA gitna ng  tensiyon sa West Philippine Sea, napakahirap ipagsapalaran ang ugnayan ng Pilipinas at Amerika na  tiyak na aasim kung isasantabi ng Pilipinas ang  Visiting Forces Agreement ( VFA) sa Estados Unidos na pinagkasunduan nuong 1998. Ang VFA gambit na ito ay para lang  ba makakuha muli ng US Visa ang isang Senador o may mas malalim pang dahilan?

Maaaring ang VFA gambit na ito ay pagsunod lamang sa mga sinabi ng Pangulong Duterte sa kanyang pagbisita sa Beijing na hihiwalay na ang Pilipinas sa Estados Unidos pagdating sa usapang ekonomiya at militar ngunit hindi naman tuluyang pagputol ng ugnayan. Subalit ito ay maaari din magdulot ng lalong paglala ng tensiyon sa South China Sea na mahigpit na binabantayan ng mga eksperto  dahil sa panganib na pagsiklaban ng digmaan ngayong 2020.

Tutal patapos na ang Cold War, ang Nasyonalismo ng Pilipino ang siyang nagtulak sa mga Senador ng Pilipinas  nuong 1991 na hindi pahintulutan ang panibagong tratado ng Military Bases Agreement  sa Amerika na magbibigay ng dagdag na panahon upang  manatili sa Subic Naval Base at Clark Air Base ang mga Amerikano. Pagkaraan mag-alsa balutan ang mga ito nuong 1992, binaba ng mga Amerikano ang kanilang pagtrato sa ugnayang politikal at militar sa Pilipinas. Sinabi nila na hindi na nila matitiyak ang pagtulong sa Pilipinas kung sakaling lusubin ito ng mga banyagang mananakop sapagkat  nawala sa Amerika ang mga mahalagang pasilidad na magagamit nila upang maglunsad ng depensa para sa Pilipinas. ( Velasco, 2015, Asia Pacific Journal of Multi-Disciplinary Research).  

Ang pasyang ito na nagbalik ng pamamahala  sa mga Pilipino ng Subic at Clark, ang siya rin dahilan  upang mag-umpisang magbago ang  “balance of power” sa napakahalagang karagatan ng South China Sea-West Philippine Sea.

Sa pag-alis ng mga Amerikano sa Pilipinas nuong 1992,  nag-umpisang maging agresibo ang China sa pananakop nila ng mga isla tulad ng  Paracel, Woody, Spratlys at Scarborough Shoal. Sa ngayon, may  mga bagong isla na kontrolado ng China sa Cuarteron Reef, Fiery Cross Reef, Gaven Reef, Hughes Reef, Johnson Reef, Mischief Reef at Subi  Reef. May itinayong airstrip, pier, surveillance structures sa mga ito na nagpalawak ng abilidad ng China na ipakita ang kanilang puwersa at lakas sa South China Sea.

Ayon sa Jamestown Foundation, ang Pilipinas ang isa sa mga bansang may napakahinang hukbo dulot ng kakulangan ng pondo at korapsyon sa militar.

Bagamat umuusad na ang AFP Modernization, marami pa tayong kailangang gamit upang masabing malakas na ang ating hukbo para ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas sa mga atake ng banyagang mananakop.

Pagkaraan ng World War II, nagkasundo ang Pilipinas at Amerika na magkaraoon ng 1947 Military Bases Agreement na binibigyan ng pahintulot ang hukbong Amerikano na manatili sa mahigit labing 12  base sa loob ng 99 years. Nuong 1951 nagkaroon naman ng Mutual Defense Treaty ang dalawang bansa na obligadong ipagtanggol ang  bawat isa kung may lulusob na banyagang mananakop. Binuo ang Joint US Military Advisory Group(JUSMAG) para mangasiwa sa “logistical assistance, training assistance and security”. Nabigyan din ang mga sundalong Pilipino ng pagkakataon na makapag-aral at mag-training sa Amerika. Ang 1947 MBA ay pinaikli nuong 1966 at ginawa na lamang 25 years. Nuong 1979, ang MBA ay pinalugitan muli at magtatapos nuong 1991. Hindi  na niratipikahan ng 12 Senador ang bagong tratado nuong 1991.

Ang VFA nuong 1998 ang bagong yugto ng ugnayang militar ng Pilipinas at Amerika.  Nagkakaroon ng taunang Balikatan exercises. Ako mismo ay nakasaksi nito sa Cavite nuong panahon ni US Ambassador Francis Ricciardone.  Mga bata pa ang mga sundalong Amerikano at walang combat experience. Samantala, ang mga Pilipinong sundalo ay battle tested na ngunit walang sapat na makabagong gamit. Magandang kumbinasyon ito at ang magkabilang panig ay nakikinabang sa balikatan.  

Nasundan pa ito ng Enhanced Defense Cooperation Agreement( EDCA) nuong  2014 na tatagal ng 10 taon.  Dinagdagan ng  humanitarian assistance at disaster response ang menu ng pagtutulungan ng Pilipinas at Amerika. Ito ang dahilan kaya nakapagbigay ng U$ 87 Milyon ang Amerika para sa rehabilitasyon ng  mga  tao at lugar na sinalanta ng Typhoon Yolanda.

May mga gusot na nangyari nuong 2005 at 2014 dahil sa rape at pagkamatay ng isang transgender na kinasangkutan ng mga US Marines. Ngunit hindi ito naging balakid para hindi magpalitan ng kalakal ang dalawang bansa sa halangang U$20 B.  Ang mga Pilipino ay isa sa mga top immigrant groups sa Amerika mula pa nuong 1980s. 1.9 M Philippine  -born immigrants ang nakapasok sa Amerika nuong 2014.

Dahil lang ba sa US visa ng isang senador, ipagpapalit natin ang kinabukasan ng Pilipinas sa laban sa West Philippine Sea at hindi maudlot  ang pagpapalakas at modernisasyon ng hukbong sandatahan ng Pilipinas?  Sa larong ahedres, sinasakripisyo ang piyon o pawn para makain ang Reyna.  Ang US Visa ay ni hindi man lamang piyon.