Ano ba talaga ang ideal na Pasko?

December 21, 2018

LAHAT tayo ay naghahangad ng ideal na Pasko.

Hindi karangyaan ang ating tinutukoy, hindi iyong puno ng materyal na bagay, hindi iyong kislap ng magagandang ilaw.

Marami sa ating mga kababayang sapat na ang isang pakete ng pan o tasty at mantikilya, iyong mayroon lamang sinabawang noodles, iyong may mailalagay lamang sa sikmura sa gabi ng noche buena.

Hindi kami lumaki sa marangyang buhay. Hindi rin naman ganoon kasalat dahil sa nagsarang General Motors of the Philippines naman nagtrabaho ang yumao kong ama. Bahagi na ng aming noche buena ang payak na pagsasalo.

Namulat kami sa aming pamilya na kumpleto ang buong mag-anak tuwing noche buena. Kunsabagay, iba iyong nakagisnan kong kabataan. Kami iyong henerasyon na may Angelus pa tuwing alas-sais ng gabi kaya kaming limang magkakapatid ay hindi mahirap hanapin.

Paulit-ulit ang ganoong tagpo hanggang nakasanayan na namin na magkakabuklod kami kapag ganitong mga okasyon. Habang wala pa kayong mga asawang magkakapatid, kailangang mabuo at mapatatag niyo ang inyong samahan.

Mahirap nang hagilapin ang bawat isa kapag mayroon nang kanya-kanyang pamilya. Personally, masyado akong makapamilya kaya sinikap kong magkaroon ng tradisyon na kumpleto ang buong pamilya, iyong mga kapatid, pamangkin at apo ay palaging magkakasama tuwing summer vacation at kapag ganitong Pasko.

Nagtatakda talaga ako ng bakasyon na magkakasama ang magpipinsan at kaming mga magkakapatid. Kung hindi magbabakasyon kung saan, sama-sama kami sa swimming.

Kapag ganitong Pasko, bago sumapit ang noche buena, nagtatakda ako ng petsa para lahat ay nasa aming bahay. Doon magaganap ang early Christmas party para sa super reunion.

Doon na rin nagaganap ang mga palaro, kantahan, kainan at kompetisyon ng sayawan. Ginagawa ko ito taun-taon para mas maging malapit sa isa’t isa ang magpipinsan.

Aminado ako na hindi ganoon ang nangyari sa aming henerasyon na magpipinsan. Wala sa aming first generation ang nagsikap na gawin ang family reunion kaya estranghero ako sa iba kong pinsan.

Sa pamamagitan kasi nito, nakakabalita ako sa mga pamangkin, apo at mga kapatid ko kung kumusta na ang ugali ng kanilang mga anak, kung kumusta na ang kanilang mga pag-aaral at kumusta na ang kanilang pamilya.

Hindi kasi masaya na may isang pamilya na maayos sa inyo pero ang karamihan ay sumasala pala sa oras, hindi nakapag-aaral ang mga anak or napupunta na sa masamang bisyo ang isang kaanak.

Ito iyong sinasabi kong kumukumpleto sa aking Pasko, ang pagsama-samahin ang buong angkan. Alam kong nakakabuo ako ng maayos na pamilya kapag mapanatili ko ito hangga’t kaya ko pisikali, mentally at financially.

Gusto ko sanang magtuluy-tuloy ang ganitong tradisyon hangga’t uugud-ugod na ako dahil naniniwala ako na kapag nakabuo ka ng isang pamilya na maayos ang relasyon, may mga magagandang ugali, may takot sa Diyos at nagdadamayan sa lahat ng pagkakataon, iyon talalaga ang ideal na Pasko na puwede mong iregalo sa iyong mundo.

Merry Christmas sa ating lahat.

allanpunglo@gmail.com