Ano kaya ang masasabi ni Gov. Ebdane?

October 24, 2019

MARAMI ang natuwa at pumuri sa mga unang hakbang at tinuran ni PNP OIC, P/Lt. Gen. Archie Gamboa kung saan “binalasa” ang ilang matataas na posisyon sa ating pambansang pulisya epektibo noong Lunes.

Aniya pa, bagaman nga nalipat na sa kani-kanilang mga bagong posisyon ang may 20 sa mga heneral ng PNP, ‘on probation’ pa sila sa loob ng 3 buwan (translation: puwedeng matanggal batay sa kani-kanilang ‘performance’).

Kumbaga, mukhang “umepekto” sa PNP ang ginawang “pamboboldyak” sa kanila ni PDU30 sa ipinatawag na pulong sa Malakanyang noong isang linggo kung saan hindi umano itinago ng Pangulo ang pagkadismaya sa PNP, partikular sa pananatili pa rin ng mga ‘Ninja Cops’ at ng mga korap sa loob sa kabila ng kanyang “siksik,” “liglig” at “umaapaw” na pagtulong sa PNP sapul nang maupong president noong 2016.

Kung marami naman sa mga Pinoy na walang alam sa “galawan” sa loob ng pambansang pulisya ang natutuwa sa mga ginagawa at mga ‘press releases’ ni OIC Gamboa, aba’y “dismayado” naman ang ating mga miron, dear readers.

Pansinin nga naman kasi mga kabayan na isa sa mga “nabuking” ng Senado sa ginawang pagdinig sa isyu ng ‘Ninja Cops’ (na naging dahilan para mag-resign na lang si Chief PNP Oscar Albayalde noong Oktubre 14), ay ang masaklap na katotohanan na mistulang isang “malaking sindikato” ang PNP (‘Are you a syndicate,’ tanong pa nga ni Sen. Dick Gordon) kung saan ang mga pang-aabuso at mga gawaing kriminal ng ilang pulis habang nasa serbisyo ay “pinagtatakpan”  mismo ng kanilang mga “”bosing.”

At mukhang ang problemang ito, mga kabayan—”pagtatakipan” ng mga pulis—ay isang problemang hindi naman umano seryosong nireresolba ni OIC Gamboa?

Ayon kasi sa “umiikot” ngayon na akusasyon sa Camp Crame, may dalawa pang “mistah” itong sina Gamboa, Albayalde at Sen. Bato dela Rosa sa PMA Class 1986, na parehong nasampahan ng mga kasong administratibo dahil sa katiwalian subalit sa halip na sibakin sa serbisyo, ‘6-month suspension’ lang ang naging parusa at ngayon ay parehong may magaganda pang puwesto sa PNP, ahahay!

Sa nadisismayang pahayag pa nga na nakarating sa atin, “May coverup ang syndicate ng (PMA) Class 86,” aray ko po!

Sabagay nga, si ex-Calabarzon RD Edward Carranza na “matindi” ang sinabitang kaso—‘torture-murder’ noon lang Disyembre 2108 kay Red Santillan, ang kaibigan at ‘bodyguard’ ni Atty. Glenn Chong, hindi man lang “kinanti” ng kanyang mga mistah sa Class 86, ‘yung ibang ‘classmate’ pa kaya nila ang hindi nila isalba, ehek, tulungan?

Oops! Si Gen. Carranza ay isa sa mga “nabiyayaan” sa 20 heneral na “binalasa” ni Gamboa bilang bagong “bosing” sa PNP Logistics Support Service (LSS), yeheyy!

Kung pagbabatayan pa rin ang nabistong estilong bulok ng mga ru “ruling class” sa PNP, tila may ‘template’ na sila kung paano “sasagipin” ang kanilang mga sumasabit na ‘mistah’ at mga tauhan.

‘Yung bang, una, “papalamigin” ang kaso hanggang hindi na mapansin ng publiko at mga nagreklamo.

Ikalawa, “hihilutin” ang parusa mula ‘dismissal’ patungong ‘suspension’ na lang o kaya naman, ‘demotion in rank’ katulad ng nakita natin na naging “maniobra” sa kaso ng mga 13 Ninja Cops na pawang mga naging tauhan ni Albayalde sa Pampanga PPO.

Sa kaso naman nitong isang mistah nina Gamboa, ang tanong naman ng mga miron, “matutuwa” kaya si ex-PNP chief, ex-DPWH secretary at Zambales governor, Hermogenes Ebdane?

Dangan kasi, sa “umiikot” na “hugot” ng ilang pulis sa Camp Crame, si Ebdane pa umano ang nagkaso dito sa nasabing police official ng ‘technical malversation’ kung saan ang “orihinal” na parusa ay ‘dismissal from the service.’

At dahil nga magaling umano sa “galawan” ang mga bosing sa PMA Class 86, nagawa umanong pa-aprubahan sa Malakanyang, kay ES Salvador Medialdea, ang parusang ‘6-month suspension,’ yeheyy ulit!

At dahil ‘coast is clear’... na sa kanyang kaso, humahawak na ngayon ang opisyal na ito ng mataas na posisyon sa Davao region.

Translation? “Nganga” si Gov. Ebdane habang “namamayagpag” naman ang kanyang kinasuhan, hihihi, ayy, huhuhu! So, what is your next move, governor-general Edbane?

***

Isa pang ‘appointment’ sa PNP na nagpataas din ng kilay ng mga miron ay ang pagkatalaga kay P/Col. Roland Vilela, ang ‘estranged husband’ ni  PCSO general manager, Royina Garma.

Sa ulat ng newsite na ‘politiko.com,’ itinalaga noong Agosto bilang provincial police director si Vilela—sa kabila nang katotohanan na may rekomendasyon na rin ang Internal Affairs Service ng PNP (IAS-PNP) na sibakin siya sa serbisyo dahil sa mga kasong kinasangkutan katulad ng ‘rape’ sa isang menor-de-edad na ‘commercial sex worker’ sa Davao noong 2005.

Sinasabing sumabit din sa isang ‘sex scandal’ itong si Vilela noong 2007, dahilan para tuluyan na silang maghiwalay ni Garma.

Subalit, katulad ng iba pang mga sumabit na pulis na dapat ay tinanggal na sa serbisyo, hindi naman inalis si Vilela at ngayon nga ay PD pa ng Iloilo. At “bukas-makalawa,” mga kabayan, magiging heneral na rin yan, hehehe!

Ngayon, paano ba maniniwala ang taumbayan, PDU30 at DILG secretary Ed Año, na “seryoso” ang PNP sa mga reporma at pagbabago palaging sinasabi ng mga nagiging “bosing” nito?

Samantalang patuloy pa rin ang sistemang “palakasan,” “kami-kami” at “sila-sila.” At pulos mga nagtapos pa sa ‘Academy ang mga nagkukutsabahan na yan, hindi ba, mga kabayan?

Talaga rin naman!

Abangan!