‘Anyare Comelec?’

May 19, 2019

Ito ang tanong ng mga Pilipinong nagprotesta noong Biyernes sa harap ng PICC kung saan ginaganap ang canvassing ng mga kandidato sa pagka-senador.

“Anyare Comelec?” Ano nga naman ang nangyari sa eleksyon Comelec?

Baka maging bahagi na lang ng kasaysayan ang mga nangyaring “kapalpakan” sa leksyon.

“Balik sa realidad!”  sabi naman ng isang kakilala ko.

“Magtulungan na lang ang mga natalo at nanalo,” dagdag ng isang taga QC.

Sinagot naman siya ng kasama niya, “talaga ha!”

“Paano ang nangyaring vote-buying at 7 oras na pagpalpak ng mga vote counting machine (vcm)? Ganon na lang ‘yon?” sabi ng isang mag-aaral. “ Pababayaan lang  ‘yon na maisulat  sa mga aklat ng kasaysayan?” Ito ang ituturo sa mga mag-aaral? Ang magkibit-balikat, bale-walain na lang ang maraming tanong ng mga Pilipino sa nakaraang eleksyon?

Naging madumi diumano ang nakaraang halalan. Walang kredibilidad. Napakaraming nasirang vcm kahit na sa lugar namin.

Pagkaraang bumoto ng panganay kong anak, pagkaraan ng matagal na paghihintay at mahabang pila, nasira ang vcm. Pinaiwan sa kanila ang mga balota nila at ang mga member na lang daw ng board ang magpapasok sa makina kapag dumating ang kapalit na vcm. Ganon? At apat lang ang marker pen!

Kaya ang napaulat na pagpoproklama ng mga senador sa araw ng Linggo ay hindi naman daw itutuloy ayon din sa isang ulat.

Maging si Comelec Commissioner Rowena Guanzon ay nagreklamo sa mga pumalpak na sd cards. Sa palagay niya daw ay hindi dapat bayaran ang kumpanyang nagbenta sa kanila ng mga sd card na ito.

Ang tanong. Hindi ba tinesting ng Comelec ang mga sd card bago ang halalan?

Tinesting naman daw ang mga vcm bago ang halalan at maayos naman daw ang mga ito. Bakit pumalpak sa araw ng halalan?

Kaya inulit ni G. Gus Lagman, pangulo  ng Namfrel na dapat  ay ibalik na lang sa manual voting tulad ng mga bansang bumalik na rin sa manual voting dahil laging palpak ang mga picos o vcm.

Ilang bilyong piso na pera ng mamamayang Pilipino ang ipinambili ang naaaksaya lamang sa mga makinang ito!

Higit na ligtas at may transparency pa ang manual voting sa precint level. Nabibilang na agad ang boto ng mga Pilipino at nakikita pa, ayon kay Lagman.

Hindi magagawa ng makina ang magagawa ng tao. Gawa lang ng tao ang makina. Kapag pumalpak naman, bibili ulit ng isa pa. Paglulustay ng salapi ng bayan!

Tila wala nang katinuan ang kasaysayan ng halalan sa  bayang Pilipinas. Laging may bintang ng dayaan.  Hindi naman magkakaroon  ng bintang kung walang nakita.

‘Ika nga nga, kung walang sunog, walang usok.                 (bangonkalikasan@yahoo.com)