‘Asan na nga ba si AJ Lucena?

SA kabila ng banta sa kalusugan at buhay nang salot na ‘COVID-19,’ “lakas-loob” pa rin na nagtungo sa Korte Suprema noong nakaraang Lunes, Mayo 11, 2020, ang mga magulang ni Alicia Jasper (AJ) Lucena upang ihain ang kanilang petisyon para sa ‘habeas corpus’ at ‘writ of amparo.’

At masasabing “kredito” sa galing nitong ating kaibigan at kilalang “abogado-de-kalembang” (mas “matindi” pa sa ‘abugado-de-kampanilya’), na si Atty. Ferdinand Topacio at kanyang mga kasama, aba’y marami ang nagulat na pagkaraan lang ng isang linggo, noong Mayo 19, 2020, “pumabor” na agad ang SC, mga kabayan!

Sa isang-pahina na ‘En Banc Notice’ ng korte na may lagda ni SC clerk of court, Edgardo Ancheta, inatasan ang pangkat nitong sina Kabataan partylist Rep. Sarah Elago at ang grupong Anakbayan sa pangunguna ni Alex Danday na sagutin sa loob ng 10 araw ang nasabing petisyon ng pamilya Lucena.

Eh, “ano” ba ang petisyon na ito, tanong ba ninyo dear readers?

Ang ‘writ of habeas corpus,’ mga kabayan, ay isang utos sa isang ‘public official’ (katulad ni Elago) na “ilabas” o iharap sa korte ang isang tao na “nakakulong” at ipaliwanag sa korte ang dahilan kung bakit ito ay nasa kanyang kustodya.

Sa ating nakaraang kasaysayan, ang writ of habeas corpus ay malimit gamitin ng mga lider-komunista at kanilang mga kapanalig upang “pilitin” ang gobyerno, militar o pulis, na “ilabas” sila sa detensyon at iharap sa korte (para lang matiyak na buhay pa nga sila).

 Samantala, ang writ of amparo ay isa pa ring utos mula sa korte upang matiyak ang buhay, kalayaan at seguridad (life, liberty and security) ng sino mang indibidwal ay hindi nalalabag ng sino man, partikular ng isang lingkod-bayan (katulad pa rin ni Elago).

At alam ba ninyo, mga kabayan, na itong writ of amparo (kasama ang writ of habeas data) ay “kailan lang” naging bahagi ng mga “ligal na rekurso” (legal recourse) matapos iproklama ng Korte Suprema ni CJ Reynato Puno ang mga ito noong 2007?

At ang proklamasyon ng SC ay batay pa rin sa walang puknat na ‘lobbying’ ng mga bistado at nagpapapanggap na mga hindi sila komunista matapos nilang mapatunayan na “wa epek” sa mga militar at pulis ang writ of habeas corpus?

Ayon pa nga kay CJ Puno, sadyang walang “werpa” ang writ of habeas corpus sa galing mangatwiran at magpulusot ng mga pulis at militar para lang huwag “ilutang” ang mga kalaban ng gobyerno na hinihinalang “hawak” nila at nakakulong sa mga selda na sila lang ang may alam.

Kumbaga, ang pag-uutos ngayon ng SC sa grupo nina Elago—na matagal nang pinagbibintangan bilang isa sa mga lider ng kilusang komunista sa sektor ng kabataan—ay masasabing ‘the irony of history.’

Eh, bakit nga hindi? Samantalang ang naipanalo nilang rekurso na ‘writ of amparo’ ay siyang ginamit ngayon sa kanila upang “ilabas” nila itong si AJ.

At nasaan na nga ba si AJ?

Ayon sa kanyang ina na si Relissa Lucena, huli nilang “nakita” si AJ-- subalit hindi man lang nayakap o nahawakan-- na kasama ng grupo nina Elago at ng Danday noong Agosto nang nakaraang taon.

Ito ay higit isang buwan matapos “lumayas” si AJ sa kanilang tahanan, edad 17 anyos pa lang upang ‘mag-full time’ bilang “kadre” o “aktibista” ng grupong “Kabataan/Anakbayan”—na sinasabi parehong “ligal na prente” (legal front) ng CPP-NPA-NDF.

Aniya pa, ‘na-recruit’ si AJ habang nag-aaral sa FEU, isang pribadong unibersidad sa Morayta, Maynila (na ‘mass up point’ namin noong martial law bago ang martsa-rali sa Mendiola).

Bilang isang magulang, nararamdaman natin ang “hinagpis” ng isang ina na katulad ni Mrs. Lucena.

Sadyang mahirap para sa isang pamilya na malaman na ang iyong anak na inaruga at inalagaan mo, pinapaliguan, binibihisan at ikinatutuwa mong marinig ang mga “pagarap” sa buhay ay ‘na-recruit’ na pala ng mga grupong wala namang ambisyon kundi ang pabagsakin ang gobyerno—kahit pa sa madugong paraan at sa mga propagandang pulos kasinungalingan.

Sa ganang akin pa nga noon, kung “gusto” nang aking mga anak na maging NPA, aba’y ‘no problem’ sa akin yan! Kasi “kagustuhan” nila yan.

‘Yun nga lang, bilang “paghahanda” sa kanila, “isinasama” ko sila sa “kampuhan” ng mga NPA at sa kampo ng militar—para naman “makita” nila at “mabalanse” sa kanilang sarili bago sila magdesisyon.

At hindi natin hinuhusgahan dito kung may “pagkukulang” ba ang pamilya ni AJ sa kanya at mistulang “nabola” siya ng husto nitong sina Elago?

Dangan nga kasi, ang edad ng isang “tinedyer” (teenager) ay masasabing sadyang ‘vulnerable age’ para kanino man dahil ito ang punto ng iyong buhay na puno ka ng ideyalismo at naniniwala kang “kaya” mong gawin lahat dahil mistula lang si ‘Superman’ o ‘Wonderwoman’ na walang kamatayan at hindi puwedeng magkamali sa iyong desisyon.

At ngayon nga na may utos na ang SC dito kina Elago at Danday na sagutin ang petisyon, eh, wala tayong magagawa sa ngayon, mga kabayan, kundi…

Abangan ang susunod na kabanata!