Atake sa Abante, Atake sa Media

September 12, 2019

IKINAGULAT nang lahat—at ikinabahala— ang pagtatangkang “sunugin” ang imprenta ng pahayagang “Abante” nitong ika-9 ng Setyembre ng ilang mga hindi pa kilalang armadong suspek.

Kasama ang buong hanay ng media sa bansa sa pangunguna ng National Press Club (NPC), ating kinokondena ang ginawang ito sa ating mga kasamahan sa pamamahayag; sa isang demokrasya ay walang puwang ang ganitong klaseng pag-atake sa isang pahayagan at isa nang “pundasyon” ng ‘print media’ sa bansa.

Mga kilala at itinuturing din nating mga kaibigan ang mga nasa likod ngayon ng Abante— si ex-press Usec. Rey Marfil at Boyet Jadulco na pareho nating kasama sa ‘Senate beat’ kung saan nakita naman natin ang propesyunalismo nila sa trabaho, katangian ng isang mamamahayag na alam nating “dinala” nila sa Abante bilang mga “Bosing” ng pahayagan na dati nilang pinagsusulatan.

Ang pag-asalto sa Abante ay higit na nakababahala dahil nangyari ito sa isang pahayagan na nakabase dito sa Metro Manila, kung saan “inaakala” nating lahat na “mas ligtas” dito kumpara sa mga media sa probinsiya.

Dangan nga kasi, “halos lahat” ng  mga nabiktima ng karahasan sa ating hanay ay mga nakabase sa probinsiya.

Kung babalikan pa nga at sa ating pagkaalam, kahit noong panahon ng batas militar ni Marcos, hindi naging “estilo” ng kanyang gobyerno na “ipasunog” ang isang tanggapan ng media.

Bagkus, ipasasara ito at kung sa kanyang tingin ay may batayan (isyu ng subersyon), aarestuhin at kakasuhan ang mga opisyales at reporter nito.

Subalit, higit tatlong dekada na ang panahon ng martial law at napakarami nang mga naging pangyayari na “nagpatibay” pa sa ating demokrasya at sa mahalagang papel sa ating lipunan ng media.

Pinakamahalagang pangyayari siyempre ay ang pagkabuo ng ‘Presidential Task Force on Media Security’ (PTFoMS) noong 2016, na ang sentrong trabaho ay pangalagaan ang mga kasapi ng media mula sa ano mang mga pag-atake sa kanilang hanay at paglabag sa kanilang mga karapatan.

Kaya nga sa naging pag-atake sa Abante, may dahilan upang mabahala— at higit na maging mapagbantay— ang sektor ng media at ang pamahalaan.

Dapat din kasing tingnan na isa itong ‘timely reminder’ na sadyang peligroso ang ating propesyon hanggang ngayon.

Kaya nga bagaman hindi pa nabibigyang-linaw ang insidenteng ito, dapat pa rin nating pasalamatan ang naging mabilis na aksyon ng PTFoMS sa pangunguna ni Usec. Joel Sy Egco at ang Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni NCRPO director, MGen. Guillermo Eleazar.

Ipinahayag naman ni PCOO Sec. Martin Andanar, ‘co-chairman’ ng PTFoMS, na walang puwang ang ganitong klaseng atake sa media sa ilalim ng administrasyong Duterte. Si Sec. Martin ay kolumnista rin ngayon sa Abante.

Naniniwala tayo na sa mas madaling panahon ay mareresolba ng mga awtoridad ang pag-atakeng ito sa Abante, partikular pa nga at sa ngayon ay mismong si PDU30 na ang nag-utos na “tutukan” ang imbestigasyon sa pag-atake sa imprenta nito.

Samantala, uulitin natin ang panawagan ng National Press Club sa ating mga “kapatid” na patuloy na maging mapagbantay upang makaiwas sa kapahamakan at patibayin pa ang pagkakaisa ng ating hanay.

Huwag nating isipin na ang nangyari sa Abante ay isang ‘isolated case.’ Para sa masmalaking interes ng media, dapat nating isipin na ang ang pag-atake sa Abante ay pag-atake sa media.

Translation? ‘An attack to one member of the press is an attack to the entire media community.’ Klaro?

Abangan!!!