Attention Metro Manila Development Authority Chairman Danny Lim!

PANGALAWANG column ko na ito tungkol sa inirereklamong illegal parking sa Alvarado Street, Binondo, Manila.

Siguro masyado lang naging busy ang mga kagawad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kaya hindi napansin ang column natin nitong nakalipas na Disyembre.

Kaya ngayong buwan ng Enero 2019 ay wala nang maidadahilan ang tanggapan ni MMDA Chairman Danilo Lim para hindi aksiyunan ang lehitimong reklamo na dahilan din kung bakit patuloy na sumisikip ang daloy ng trapiko sa mga lugar malapit sa Alvarado.

Kilala natin ang MMDA na walang sinisino. Una pa lang ay bilib na tayo kay Chairman Lim. Nakadadagdag din ng paghanga sa atin ang kagalingan, sipag at katapangan nina Assistant Secretary Celine Pialago at ret. Col. Bong Nebrija.

Kaya nga imposibleng hindi nila aksiyunan ang reklamong ito sa Alvarado Street.

Para sa kaalaman ni Chairman Lim, sa mismong barangay hall po ng Bgy. 2929 ay may nakaparadang malaking bus na pag-aari ng barangay. Dalawang private vehicles din ang ginagawang garahe ang paligid ng barangay hall.

Ang chairman dito ay si Kapitan Kerwin Gaw.

Puwede nating ipukol ang reklamo sa kanya pero dahil bus ng barangay ang inirereklamo, hindi tayo sigurado kung pagtutuunan ba nito ng pansin ang inilalapit nating reklamo sa kanya.

Ang Alvarado Street ay halo ng commercial at residential area kaya hindi lang maliliit na sasakyan ang dumaraan dito araw-araw kundi pati na rin ang ilang truck.

Isipin n’yong sa liit ng kalsada sa Alvarado na daanan ng mga sasakyan ay may nakahambalang pang bus at dalawang sasakyan, ibig sabihin, malaking pagbara ito sa lansangan.

Bukod dito, may isang maliit na tindahan din dito ng pansit, kape at sigarilyo na kalimitang parokyano ay mga rider na kung magparada ng motor ay pabalagbag.

Sabi sa sumbong, palagi raw ipinagmamalaki ni Chairman Gaw na malakas siya kay Manila Mayor Erap Estrada kaya walang sinuman ang puwedeng magpaalis sa kanya.

Hindi ko basta papaniwalaan ang mga ganitong uri ng sumbong dahil sigurado akong kahit si Erap ay ayaw ng mga nakaparadang sasakyan sa mga maliliit na kalsada.

Pero bago pa dumugin ng reklamo ang MMDA, sana ay ipabaklas agad nito ang illegal parking sa Alvarado Street.

Pangit kasing tingnan na sobrang higpit natin sa ibang lugar, pero itong sa mismong barangay hall sa Binondo, Manila ay hindi naman mapaalis ang illegal parking at illegal vendor.