Attention PCSO GM Royina Garma!

December 02, 2019

BILIB tayo sa pamamahala ni Philippine Charitiy Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma.

Simula nang ma-appoint bilang pinuno ng PCSO noong buwan ng Hunyo ay wala tayong narinig na anomalya laban sa kanya.

Maliban sa kontrobersiya na bumalot noong nagdaang July 27, taong kasalukuyan, nang ideklarang illegal ang operasyon ng Small Town Lottery (STL), halos wala na tayong narinig na alingasngas sa kanyang tanggapan.

Lalo na nang muling ibalik ang lotto ilang linggo matapos itong ipasara.

Nagbigay ng bagong patakaran ang pamahalaan bago muli pabuksan ang STL. Kailangan, lahat ng Authorized Agents Corporations (AACs) ay susunod sa mga kondisyon, panuntunan at patakaran na nasasaad sa STL agency agreement.

Kung dati’y P150 million ang nauna mong bond, kailangan ay magbigay ka uli ng P450 million na katumbas ng tatlong buwan sa naunang P150 million na bond.

Sakaling hindi makapag-remit, awtomatikong babawiin kada buwan ng ahensiya ang kanilang inilagak na multi-million pera hanggang sa ipasara sila sa loob ng tatlong buwan.

Kailangan din ng written undertaking ang mga AACs na susunod ito sa mga kondisyon na inilatag ng ahensya at hindi ito maghahain ng anumang claims, monetary man o  maghahain ng anumang legal remedies sa korte gaya ng paghingi ng Temporary Restraining Order o Injunction na pipigil sa ahensya na ipatupad ang kanilang karapatan laban sa mga AACs.

Awtomatikong terminated ang kasunduan sa pagitan ng AACs at PCSO kung magkakaroon ng paglabag sa kanilang franchise agreement gayundin sa bagong kondisyon.

Maganda ang nasabing panuntunan.

At higit sa maganda sa kautusan ni Ma’am Garma ay pagbawalan ang lahat na hindi na maaaring i-bookies ang lahat ng sugal na pinapahintulutan ng pamahalaan.

Hindi lang kasi STL ang binu-bookies para maging jueteng kundi pati lotto ay binu-bookies na rin na kung tawagin ay lotteng. Labas pa ang bookies naman sa karera ng kabayo.

Dahil dito, gusto ko pong iparating sa PCSO na muli na namang naging talamak ang bookies ng lotteng sa buong Quezon City at eastern part ng Metro Manila.

Para maniwala kayo, puwede n’yo pong tanungin si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Debold Sinas kung gaano ito katotoo o kung ako sa inyo ay magkaroon ng ‘counter intel’ baka nagkakabukulan na ngayon sa loob at labas ng PCSO.

Oktubre 16 nang ma-appoint si Gen. Sinas at base sa mga lumalabas na balita, kayo raw po Ma’am ang isa sa nagrekomenda sa kanya. Okay na sana ang unang marching orders na ‘no take policy,’ pero sa totoo lang po, hindi ito nasusunod hanggang ngayon.

Bakit ko nasabi ito?

Kasi hanggang ngayon ay lalo pang lumalakas ang bookies nina Conrad, Pinong at Tepang sa buong Quezon City.

Isang alyas Jess daw ang gumagamit ngayon sa pangalan ng isang mataas na opisyal ng QCPD kaya walang puwedeng makabuwag sa illegal gambling sa buong lungsod.

Sa silangang bahagi ng Metro Manila kung saan director si Eastern Police District (EPD) Brig. Gen. Johnson Almasan, tuloy din ang bookies sa karera ng kabayo at pa-loteng nina Laarnie, Rose at Cris sa Pasig City; sina Ben Tanda, Kapitan Dodo at Gerry Pulis naman ang may lagay sa Mandaluyong City; Kiko Payat sa San Juan; Pedong Labo at Egay Bokbok sa Marikina City.

Ayaw kong isipin na ‘ningas kugon’ lang ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal gambling. Kasi sayang talaga kung pareho rin pala ang ‘sistema’ ng dating namumuno sa PCSO at kasalukuyang pamunuan.

Hindi lamang si Pangulong Duterte ang may malaking tiwala at paghanga kay Ma’am Garma kundi ang taumbayan mismo, higit lalo ang mga kababayan nating mahihirap na natutulungan nila nang maayos.

Alam kong makagagawa ng karampatang aksiyon dito si Ma’am Garma.