Attn: Asec Celine Pialago at Bong Nebrija!

December 20, 2018

MAAGANG Pamasko ang ibinigay ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kahapon nang ihayag na lifted ang color coding scheme simula Disyembre 24 hanggang Enero 2 ng susunod na taon.

Para ito sa mga may-ari ng pribadong sasakyan, pero sa mga public utility vehicles, wala nang color coding sa darating na Biyernes hanggang January 2.

Maaaring para sa iba, dagdag perwisyo ito dahil lalong bibigat ang daloy ng trapiko. Pero sa mga motoristang katulad ko, malaking bagay na ‘to lalo’t ngayong araw ng Kapaskuhan ay maraming ‘lakad’ ang ating mga kababayan.

Anuman ang kahahantungan nito, naniniwala tayong mahaha-handle nang maayos ng MMDA ang napakalalang problema ng trapiko sa Metro Manila.

Samantala, simula sa Enero 7, tataasan na rin ang multa ng illegal parking.

Itinaas ito ng mahigit sa 500 porsiyento, ayon kay MMDA Assistant Secretary Celine Pialago.

Mula P200, ang multa ay magiging P1,000 na samantalang ang ‘unattended illegal parking’ na dating P500 ay ginawang P2,000 ang multa.

Ang mga motoristang sagabal sa daanan ay pinagmumulta rin ng P1,000 mula sa dating P150 penalty fine; at panibagong P150 sa hindi pagsunod sa traffic signs.

Ani Pialago, dapat noong nagdaang Miyerkules pa ginawa ang pagtataas sa multa dahil dumaan na ito sa tamang proseso, tulad ng publikasyon sa dalawang pangunahing pahayagan sa bansa.

Dahil araw ng Pasko, minabuti ni MMDA Chairman Danilo Lim na ipagpaliban ang implementasyon nito.

Speaking of MMDA, gusto ko na ring tawagan ng pansin sina Asec. Pialago at ret. Col. Bong Nebrija dahil sa mga sagabal na sasakyan sa Alvarado St., Binondo, Manila.

Sakop ito ng Bgy. 292 ni Chairman Kerwin Gaw pero hindi natin maintindihan kung bakit ang bus na pag-aari ng barangay ay doon na lamang nila pinaparada na malaking abala sa daloy ng trapiko.

Ang mabigat, naglagay na ng basketball court na abala rin sa mga motorista, ay may mga kotse pang nakaparada rito na ang dalawa ay pag-aari ng isang barangay official. May isang malaking tent, may vendor na nagtitinda ng kape at chichiria at higit sa lahat sa gabi ay may nag-iinuman.

Alam nating ang mga ganitong uri ng sumbong ay hindi basta palalagpasin nina Asec. Celine at Col. Bong!

Hindi ko kasi malaman kung bakit walang ginagawa si Supt. Antonietto Eric Mendoza, hepe ng MPD Station 11, para sawatahin ang mga pasaway sa lugar ni Chairman Gaw.