Away ni Andaya at Diokno

January 19, 2019

ANG away ni House Majority Leader Rolando “Nonoy” Andaya Jr.  at DBM Sec Benjamin Diokno ay dapat kapulutan ng aral para magkaroon ng reporma sa paggawa  ng budget ng Pamahalaang Nasyonal.

Lubhang  nakakabahala ang paratang ni Andaya na DBM na mismo ang nag-Award ng public works projects sa Sorsogon na bilyun -bilyon piso ang halaga gamit ang Procurement Service ng DBM (Title VI, Sec 8 par 3, Revised Administrative Code of 1987)  na para lang sa pagbili ng supplies at materials ng maramihan o bulto upang mapakinabangan ang volume discount at  makatipid ang DBM.

Bakit walang kibo ang DPWH sa bagay na ito? Tali ba ang kamay ni Sec Mark Villar?  Nahihiya ba siya sa mga kasamahan niya sa Gabinete ? Di ba dapat mas mahiya siya sa taong bayan na pinagmumulan ng pondo?

Hindi ko maaninag ang long term budget picture na dapat ay nakapaloob sa General Approriations Act for Fiscal Year  2017, 2018 at ng tinatalakay pang GAA ng 2019. Ang laman ng balita ay kung magkano ang naiuwing Project sa distrito ng mga kongresista na malapit sa dating House Ispiker na pinalitan ni Ispiker GMA , isang  ekonomista at dating Pangulo ng Republika.  Ang tingin tuloy ng marami, pansariling interes lang ang pinaiiral ng mga mambabatas sa paghahati-hati ng pondo ng bayan na sinasang-ayunan ng DBM Sec.  Ang mahalagang pondo ay gagamitin para magpasikat sa mga botante ng distrito para mahalal muli sa Mayo 13, 2019.  Ni hindi sinasabi kung ano ang magiging “expected results” ng paggastos ng bilyun- bilyon piso sa isang distrito. Hindi tuloy maliwanag paano uunlad ang rehiyon ng distrito.

Ang taunang budget proposal ay pinapadala ng Pangulo ng Republika sa Malaking Kapulungan pagkaraan ng SONA. Bago dito, ang lahat ng ahensya at kagawaran ng Pamahalaang Nasyonal ay kailangan ng mag-submit ng kanilang budget proposal sa unang quarter ng taon sa DBM. Ang ahensya namang ito ang bubuo ng National Expenditure Program na ipapadala ng Pangulo sa House of Representatives sa huling linggo ng Hulyo.  Mula Agosto hanggang Oktubre, tatalakayin ng House ang bawat budget ng mga ahensiya. Dito na lalabas ang tampo ng mga kongresista sa mga ahensiya ng pamahalaan na hindi pinagbigyan ang hiling ng Congressman.  Sa Nobyembre at Disyembre naman ipapadala ng House sa Senado ang GAA para sila naman ang lumisa nito. Normal lang na sa huling linggo ng Disyembre lalagdaan ng Pangulo ang GAA ng bagong taon na papasok.